Sunday, April 13, 2014

Buhangin

JC Lipa

Malamig man sa labas ay mas malamig naman sa loob niya. Yelo na ito.

Malamig ang hangin na dumarampi sa buo niyang katawan at pagkatao. Tila ba nahuli nang dumating ang hangin ng Pasko gayong Enero na ngayon. Sa isang banda, isang puno ng niyog sa labas ang matatag pa ring nakatayo sa gitna ng lamig.

Ayon sa mga sabi-sabi ay marami na ang namatay at nangangamatay sa lamig. Isa siya sa mga ito. At noon ay hindi niya napanood ang balita.

Tahimik sa labas subalit maingay ang loob niya.

* * * * * * * * * *

Noon ay agad siyang umuwi upang buklatin ang libro nila sa Araling Panlipunan at English; hinawakan ang pentel pen at nilatag ang manila paper upang isulat ang mga report niya para bukas- ang tatlong paring martir na binitay noon at ang kwento ukol sa kahon ni Pandora. Dito ay naalala niyang madalas siya noong gabayan ng nanay niya kung paano ire-report ang topic niya kapag may mga ganitong reporting sa kanila. Noon iyon.

At noon naman kapag walang mga report na kailangang gawin ay manonood sila ng TV. Kaya naman agad siya ngayong tumayo upang buksan ang TV. Balita. Puro balita. Ayaw niya ng mga balita. Walang maganda sa mga balita- mga nasalanta, mga aksidente, mga kurakot. Subalit sa kabila nito ay kinailangan niya itong buksan para lang basagin ang katahimikan.

Dumating ang tatay niya at nakita siyang nanonood ng TV. Agad nitong tinignan kung ano ang pinapanood ng anak at nang makitang balita ang palabas ay pinatay niya ito. Nagtama ang kanilang mga mata at agad na tumalikod ang ama.

"Gawin mo na iyang ginagawa mo."

Patlang.

"Nag-text nga pala si Kim. Kung may short story ka na raw sa Filipino?"

Patlang.

Upang basagin ang katahimikan ay binuksan ng tatay niya ang radyo.

"Bakit tila walang natira?" sabi ng awit ni Gloc-9.

Nang marinig ito ng ama ay nilipat niya ito agad sa isa pang estasyon.

"Bumilis na ang araw upang ako'y makabalik," wika naman ni Roel Cortez.

Napatitig siya sa ama niya, nalilito sa mga kilos nito. Nang tila nasundot na siya ng mga titig ng kanyang anak ay pinatay niya ang radyo at pinatong sa tabi nito ang isang chocolate bar.

Patlang.

Subalit sa loob niya ay naalala niya ang nanay niya na ilang kahon ng mga mamahaling chocolate ang pasalubong lagi para sa kanya.

Nang matapos niya ang pagsulat sa mga report niya ay agad niyang dinako ang luma nilang typewriter para simulan sana ang assignment sa Filipino subalit tila walang lakas ang kanyang mga daliri at pundido ang kanyang puso at isip.

Pinako niya muna ang tingin sa labas at pinakinggan ang tunog ng katahimikan na binabasag lamang ng ihip ng malamig na hangin. Matapos langhapin ang malamig na hangin ay isinara na niya ang bintana, naupo, pinako ang titig sa hourglass na katabi ng isang munting cactus na kapwa pasalubong ng nanay niya sa kanya at ngayon ay nakapatong sa may bintana nila, at doon ay sinimulang hawakan ang bawat titik ng typewriter upang palayain ang nagpupumiglas na diwa. Pinakawalan na niya sa wakas ang sarili na nakatikom man ang kanyang mga mata ay tila nakita niya ang mga titik na susi sa isang daigdig.

* * * * * * * * * *

"Nagising ako sa sinag ng araw na berdugo sa pagsilaw at pagpaso na agad din namang tinakpan ng isang anino. Isang babae. Buhanginan. Nasa buhanginan kami. Disyerto. Pawis na pawis ang babae. Balot na balot din ito ng isang itim na tela bagamat kita naman ang kanyang mga mata. Oo, pamilyar ang mga matang iyon. Ito ang mga matang huli kong nakikita noon bago matulog at una ko ring nakikita pagkagising. Ito ang mga matang hinahanap ko simula nang huli ko siyang makita sa airport. Ito ang mga matang hindi ko nakita kahit kailan umiyak.

At walang mga salita ay inalok niya sa akin ang kanyang kanang kamay upang alalayan ako sa pagtayo. At siya ay nagsimulang maglayag sa mga bundok ng mga buhangin gamit ang kanyang mga paa. Sumunod ako at hindi niya man lang ako nilingon o pinansin.

At sa ilang sandali ay may isang butil ng tubig na sa aking mukha. Hindi iyon pawis at lalong hindi iyon patak ng ulan. Nanggaling ito sa sarili kong mga mata. Isang patak lang na tila sapat na para ilabas ang damdamin ng pangungulilang matagal na inimbak sa puso at halos nang matuyo sa tagal ng panahon.

'Kailan ka uuwi?' tanong ko.

Patlang.


'Saan tayo pupunta?' tanong ko muli.

Patlang.

'Saan ka pupunta?' binago ko ang tanong.

At noon ay naramdaman ko na tila hindi na mauulit ang mga sandaling iyon.

'Bumalik ka na. Hindi na ako magiging makulit at pasaway. Hindi na ako magpapabili ng kung anu-ano. Hindi na ako magsasayang ng pagkain. Hindi na ako magiging tamay sa bahay at sa school. Hindi na ako hihingi ng anumang pasalubong. Bumalik ka na.'
Napatigil siya sa paglakad.

'Bumalik ka na. Bumalik ka na sa amin ni Tatay.'

At sa wakas ay tinitigan niya rin ako. At nakita ko rin sa kanyang mga mata ang butil ng tubig na kanina ay tila isang tigyawat na lumitaw sa mukha ko. Umiling siya. Ngumiti. Yumakap sa akin na para bang ayaw niyang makita ko ang mukha niya.

'Alagaan mo ang sarili mo. Mag-aral ka. Alagaan mo ang tatay mo. Mahal ko kayo. Mahal na mahal.' sa wakas ay sabi niya sa akin.

At lalo kong hinigpitan ang yakap ko sa kanya na para bang ayaw ko siyang mawala kahit na hindi ko alam kung bakit ganoon na lamang ang pakiramdam ko sa kanya.

Nakakatawa mang isipin at sabihin ay hindi ko namalayang isang cactus ang kayakap ko. Napalayo ako sa sakit na dulot ng mga mala-karayom na tinik nito na minsan ay naisip ko, nasasaktan din kaya ang mga cactus sa sarili nilang mga tinik."

* * * * * * * * * *

Ito ang short story na binasa niya sa klase nila sa Filipino ngayon.

Nang matapos ay naupo siya sa desk niya at naalala ang nangyari kagabi.

Habang nakatingin sa labas kagabi ay tinanong niya ang kanyang ama.

"May mga camel doon hindi ba?"

Patlang.

"Gaano ba kalayo ang Saudi Arabia? Bakit hindi natin siya puntahan?"

Patlang.

"Ano ba ang ginagawa niya roon? Kailan ba uuwi si Nanay?"

At umiling ang tatay.

"Bukas darating ang Nanay mo."

* * * * * * * * * *

Tapos na ang klase. Tapos na ang mga report ukol sa tatlong paring martir na binitay at sa kahon ni Pandora. Tapos na.

Pauwi na siya.

At doon ay nakita niya ang pasalubong ng nanay niya sa kanya- ang pinakamalungkot at pinakamasaya ring pasalubong ng nanay niya sa kanya na kay tagal niyang hinintay.

Hindi isang balikbayan box na may mga kahon din ng mga paborito niyang chocolate kung hindi ang nanay niya mismo- sa loob ng isang kahon.

Doon niya lang nakita ang tinatago nito sa mukha. Kasing kulay ng mukha nito ang talong na noon ay isa sa mga ibinebenta nila ng nanay niya. Ang sabi ay ni-lethal injection ito. May dalawa pa itong kasama. Lethal injection? Ano ba iyon?

At noong gabing iyon ay nakabukas ang bintana. Malamig sa labas subalit mas malamig sa loob niya. Yelo pa nga. Sa isang banda ay naroon pa rin ang puno ng niyog.

Napangiti na lamang siya dahil sa iniisip niya na at least wala na sa wakas ay nakaramdam ng lamig ang nanay niya matapos itong makibaka sa isang mainit na dako paroon. Sa wakas, nakauwi na ito.

Tinitigan niya buong gabi ang hourglass binabaliktad ito kapag puno na ang ilalim na bahagi. Paulit-ulit upang makita niya ang sarili niya sa loob na naglalaro kasama ang kanyang inang ngayon ay ninakaw na ng malamig na panahon sa isang mainit na disyerto na hindi nadaig kailanman ang init ng pagmamahal at yakap na alay nila sa isa't isa.

Image Sources:


http://fineartamerica.com/featured/jesus-return-jonathan-lysdahl.html