Hersam Sato
Sa inyo ang letra "o" at sa amin ang letra "a."
Lasinggero, lasinggera, bungangero, bungangera.
Sa inyo ang "er" at "or" sa amin
ang "tres."
Waiter, waitress. Mister, mistress. Actor, actress.
Him at her, his at her, himself at herself.
Ano ba ang pinagkaiba? Pareho namang may H.
Ang yabang ninyo:
The word woman came from the word man.
But ang sabi ko:
The man is a part of the word woman.
Hindi ako si Cinderella na yumaman dahil kay Prince Charming!
Nagtatrabaho ako!
Hindi ako si Snow White na kailangan pang halikan ng prinsipe para lang
magising!
Hindi ako si Sleeping Beauty!
Hindi nga ako natutulog eh! Pero maganda pa rin ako.
At oo, sexy ako pero wag mo akong titigan lagi na parang saging ako na
nais mong balatan.
Hindi kami pampalipas-oras lang o kaya naman ay isang bisyo na parang
porn.
Subalit hindi rin kami iyong ipinagpapalit na lang.
Hindi lang puro manika ang kaya kong laruin.
Kaya kong magluksong-baka at makipagtakbuhan.
At kaya rin kitang laruin kung ako ay iyong lalaruin.
At kung ako ay iyong sasaktan, makikita mo.
Mas iiyak ka, masasaktan, at magmamakaawa kapag ako ang nanakit sa iyo.
Malandi ako? Eh ikaw nga nambababae.
Kaya kong magpuyod, kaya kong maglugay.
Kaya kong magpakulot, kaya kong magpa-straight.
Kaya kong magpa-tan, kaya kong magpaputi, kaya kong mag-make up...
Pero hayaan mong linawin ko:
Kayumanggi pa rin ako.
Kaya ko lahat iyon pero kaya mo rin pala.
At ngayon tatanungin mo ako:
Kaya ko bang magpakalbo?
At ang sagot ko:
Bakit hindi? Gayong halos malagas ang buhok ko kanina nang ito ay
hilahin mo sa galit.
Ano pa ngayon ang susuklayin ko? Ano pa ang susuyurin ko?
Ano po ang malalagyan ng shampoo?
Gusto ko ba ng lipstick?
Kahit wag na dahil madugo na ang labi ko sa pagsapak mo sa akin kanina.
At hayaan mo, napulbusan at nameyk-apan ko na ang mga pasa ko.
At hayaan mo ring sabihin ko sa iyo:
Hindi lang tandang ang gumigising sa umaga at tumitilaok!
Ang inahing manok din!
Ang inahing manok ang lumilimlim sa mga anak!
Ang inahing pusa ang naghahanap ng mapupugaran habang walang pakelam ang
asawa!
Wala ang asawa nang isilang ang mga anak! Wala nang siya ay nahihirapan!
Kaya kong maglaba ng damit natin kahit na ang damit mo nga lang ay hindi
mo malabhan.
Kaya kong tiisin ang init sa labas para magsampay.
Kaya kong tiisin ang init ng plantsa.
Kaya kong tiisin ang init sa kusina para magprito at magsaing. Ang mga
tumitilamsik na mantika kung saan takot ka at sanay ako.
Pero ang hindi ko maatim- ang pasuin mo ako ng sigarilyo.
Kaya kong mag-alaga ng bata dahil may pasensya ako.
Kaya kong maghugas ng pinggan pero hindi ang magbulag-bulagan.
Kaya kong magwalis pero sinasabi ko:
Hindi ko itinataboy ang grasya sa buhay mo.
Lagi siyang nasa bahay natin. Bahay natin, hindi bahay mo. Kaya nga may
housewife di ba?
Hinahanap mo ang Maria Clara?
Eto at lagi mong kasama pero hindi mo mapansin.
Eto at hindi mo na makilala dahil sa mga pasa.
Kaya kong manahi- ng damit mo, ng sugat mo.
Kaya kong mamalengke.
Kaya kong gawin lahat ng iyon pero hayaan mong sabihin ko:
Tao ako, hindi octopus!
Lola mo ako kaya igalang mo naman ako. Magmano ka at alalayan mo ako sa
pagtawid.
Nanay mo ako, hindi alila.
Asawa mo ako, hindi alipin.
Ate mo ako, hindi kita prinsipe.
Yaya mo ako hindi muchacha.
Kasambahay. Alam mo ba ang kahulugan nito? Kasama sa bahay.
Katulong. Alam mo ba ang kahulugan nito? Oo? Eh bakit hindi mo ako
tulungan?
Tulungan mo ako, wag tulugan, ikaw na batugan!
At ngayon magagalit ka sa bunganga ko.
Ilaw ako nang tahanan. Wag mo akong pundihin!
Feeling ko nga kahit kasal pa tayo ay diborsyada na ako eh!
Feeling ko nga kahit umuuwi ka pa ay single mom na ako eh!
Oo, mahal ko ang parlor kaya narito ako at dumadalaw.
Mahal ko ang parlor dahil ito ay pahingaan at hindi bilangguan.
At hayaan mong sabihin ko- may mga lalaki rin sa parlor!
At sila pa ang nagsilbi sa akin!
At sila rin ay naka-pink!
At kung di mo ako hahayaang lumabas ay sana naging sirena na lang ako,
lumpo, walang paa.
At gusto ng mga sirenang magkapaa.
At gusto ng mga aswang na maging malaya rin sa umaga.
At sa gabi pa nga ay hindi na sila makalabas ng bahay dahil nag-aalaga
sila ng mga anak.
Sana nga minsan ay tangayin na lang ako ng isang magic carpet at siya na
lang ang asawahin ko.
Ang aking buhok ay iyong itirintas pero wag higpitan na parang sintas.
Ang aking buhok ay ipitan, wag naman sabunutan.
Lalaki ka ba talaga?
Ang tanong mo:
Bakit hindi ka lumaban?
Ang tanong ko rin:
Bakit ka nang-aapi?
Bigyan mo ako ng pamaypay pero hayaan mong sabihin ko:
Kaya ko rin sa mainit!
Bigyan mo ako ng lotion subalit hayaan mong sabihin ko:
Kaya ko ring maputikan at mangitim sa gitna ng bukid.
Kaya ko ring humawak ng lupa at grasa.
Bigyan mo ako ng bulaklak subalit hayaan mong sabihin ko:
Kaya ko rin sa mabaho.
Kaya kong mangisda at kaya ko sa palengke!
Bigyan mo ako ng mga paru-paro subalit hayaan mong sabihin ko:
Kaya ko rin sa malangaw.
Maarte ako, sabi mo nga, at may ladies' first pa.
Subalit hindi pa ba sapat na ang sabi niyo:
Kami ang unang lumabas sa kawayan?
At hindi pa rin ba sapat na sa mga title kayo lagi ang una?
Julio at Julia, It Takes A Man And A Woman.
Hindi pa ba sapat na noon ay kasama akong sinunog nang buhay nang ikaw
ay namatay?
Kawawang balo!
Sabi niyo:
Kayo ang nililigawan at dapat kami ang gumawa ng first move.
Ang sabi ko naman:
Kaya rin namin!
Nagrereklamo ka:
Bakit kami ang laging nakaupo sa charity?
Ang sa akin naman:
Hayaan mong maupo kami.
Nagrereklamo ka:
Bakit kami ang laging nakatayo sa MRT?
Ang sa akin naman:
Ipagsigawan mo ang iyong reklamo! At sige, hayaan mo kaming tumayo!
Hayaan mong ipagmalaki namin na kaya naming maging mapagbigay at
mapagkumbaba.
Birhen ako at inosente pero hindi mangmang.
Kung may dala akong banga, hindi ko ito inaangat. Kinakaladkad ko ito.
Kung kaya mo, kaya ko. Kung kinaya mo, kakayanin ko rin.
Kung kaya ni mister, kaya ni misis!
Sabihin mo naman sa akin, maganda ako.
Isa pa, "Maganda ka!"
Lakasan mo pa, "Maganda ka!"
Ulit-ulitin mo, "Maganda ka!"
At kita mo? Kaya rin kitang utuin kahit minsan. At oo, maganda ako.
Beauty queen eh.
"Mirror mirror on the wall, who is the fairest of them all?"
At lalabas ang aking pawisang mukha.
Kinikilig ako at kaya kong ipakita iyon sa mga kaibigan ko. Ikaw, kaya
mo ba?
At kayo ba, kapag kayo ay kabit, may tawag ba sa inyo?
Kerida ba kayo? Mistress?
Ang banta mo sa akin:
Sapakin kita eh!
Ang buwelta ko naman:
Sampalin kita eh!
Bayagan kaya kita!?
O hampasin ng sapatos na may takong!? At oo nga no, hindi mo kayang
magtakong!
Hindi mo rin kayang mag-bra.
Hindi mo rin kayang mag-gown at magpalda.
At oo, nakapalda ka nang tinuli ka.
Ang pagmamalaki mo:
Matapang kami!
Ang sa akin naman:
Nireregla kami. Matibay kami!
Kami ang may dala sa iyo. Kami ang may bahay-bata.
Sa hirap ng buhay, hindi ako nagpa-abort. Hindi kita pinalaglag. Hindi kahit kelan sumagi sa utak ko.
Maaga akong nabuntis pero ang sinasabi ko sa iyo:
Pananagutan natin itong dalawa.
Ang sabi mo naman:
Hindi ako handa.
Nabuntis ako. Kaya mo ba iyon?
Umere ako- nanganak. Kaya mo ba iyon?
Hindi ko pinaampon. Hindi ko binenta.
Nagpalaki ako ng anak!
Hindi ikaw ang bumuo sa anak natin! Oo anak natin at hindi mo anak! Tayo
ang bumuo sa kanya!
At ikaw, kabahagi kita ng pusod noon.
Subalit ang sabi mo nga:
Pambahay lang ako.
Ang sabi ko naman:
Hindi ako damit.
Kung kaya niyong maupo sa trono, kaya ko rin at nakatayo pa, lumalaban
nang may dilaw na laso at meron pa ngang rosaryo!
At isa pa, kung kaya niyong mangurakot at maupo sa wheelchair ay kaya ko
rin!
At hindi ba babae ang Inang Bayan?
At makakapagwagayway ka ba ng watawat kung hindi ko ito tinahi?
At kaya rin naming humawak ng baril at magpaputok.
At sabi mo kapag kami nag-asawa, nagbabago kami.
Miss nagiging Misis.
At buong pagmamalaki mong sasabihin:
Pinapalitan namin ang apelyido niyo.
Ang sagot ko:
Pinapalitan niyo pero hindi tinatanggal.
At bakit kaya kahit kami ang tinatawag, ang guys ang salita? Bakit hindi
girls?
At kung papipiliin nga ako, sana maging ladybug na lang ako.
Magtatanong ka na parang may swabeng pick-up line:
Bakit?
Para kapag nag-asawa ako nang isa pang ladybug, ladybug pa rin ang tawag
sa akin.
At sa mga tomboy, ang tanong sa atin:
Bakit kayo ganyan?
Batuhin natin sila ng tanong:
Bakit hindi?
Minsan naitanong ko:
Nakakakita ba talaga ang aleng nakapiring at may dalang timbangan at
espada?
Kung tanggalin ko kaya ang piring niya?
Bingi rin kaya siya?
May kapitbahay akong nasapak na naman ng mister niya!
May dalaga na sabi ng balita ay na-rape!
Maraming white lady!
Minsan pa nga ay tinawag mo akong, "Magdalena."
Kung ganoon ay sino ang mangangahas na maunang magtapon ng bato?
Minsan pa nga ay tinawag mo akong "kalapating mababa ang
lipad."
At iyon nga eh. Lumilipad ako. May pangarap ako.
At diwata ako, engkantada.
At minsan ay tinawag mo pa akong pokpok, prostitute, Prosti the Snowman,
G.R.O.
G.R.O? Alam mo ba ang meaning niyan?
Naubos kasi ang baboy sa palengke.
Wala nang laman sa palengke. Nasa night clubs na.
Minsan ay tinawag mo akong Sisa.
Oo, baliw ako. Binaliw mo ako.
At nabaliw ka rin noon sa akin nang sagutin kita matapos ang gatambak na
roses, chocolates, love letters at cards na bigay mo sa akin.
Minsan pa nga ay tinawag mo akong tukso. Eva! Delilah!
Pero kasama kita noong nangyari iyon! At minahal mo ako!
Maingay ka. Madaldal ako. Ano ba ang pinagkaiba?
Umiihi kami nang nakaupo.
Pero hayaan mong sabihin ko:
Nagpapataasan din kami ng ihi!
Sasabihin mo:
Nagpaparamihan kami ng pandesal sa katawan.
Hayaan mong sabihin ko:
Ako ang nagtitimpla ng kape para sa pandesal na kinakain mo sa umaga.
Hindi ba at nagpapalaman ka pa nga ng Ladies' Choice sa pandesal mo.
At kung alam mo lang, Ladies' Choice ang tatak ko para sa iyo at hindi
Ladies' Toys!
Sasabihin mo:
Nagpapalakihan kami ng muscles sa dibdib.
Hayaan mong sabihin ko:
Kami rin!
At isa pa, kaya mo bang magpasuso?
Ang dibdbib ko ang ginawa mong laruan at punching bag tuwing ginagawa
natin iyon.
Ang dibdib ko ang sandalan mo! Mapagmahal! Mapagkalinga!
Sa dibdib ko, doon ko unang nasubsob!
Ang dibdib ko ang bumuhay sa iyo!
Ang dibdib ko ang balon na salukan ng buhay!
Ang dibdib ko ang straw nating lahat!
Ang dibdib ko na ngayon ay may cancer.
Minura mo ako at naroon pa rin ako.
Natakot ka at tinawag mo ako:
Inay ko po!
Mahal mo nga ako at ayaw mong aminin dahil ayaw mo itong ipakita. Ayaw
mong padaig.
Tapos buong pagmamalaki mong sasabihing:
"It's a man's world!"
Hindi iyon ang mundo.
At hindi iinog ang mundo ko sa iyo.
Atin ang mundo.
Lalaki ka, babae ako.
Mahal kita kaya mahalin mo rin ako.
Iginagalang kita kaya igalang mo rin ako.
Tinutulungan kita kaya tulungan mo rin ako.