Tuesday, March 25, 2014

The Unread Speech

Lyod Conchas

Ang high school ang masasabi kong isa sa mga mahahalagang bahagi ng aking buhay.

Ang pagdaan sa high school ay tila isang pagsakay sa tren.

Tila matagal ang biyahe sa simula subalit sa pagtatapos ay magtatanong ka kung bakit ang bilis.

Hindi mo alam na ang isang pagkakataong nakita mo ang mga kaibigan mo ay apat na taon na pala.

Hindi mo alam na ang lahat ng mga nadaan mong "tanawin" ay mga alaala na lamang pala na iyong iniiyakan at tinatawanan na tila isang baliw. Ang mga iyon ay maaaring mga bagyong sinubok ka, mga dahon ng aral na hinubog ka, o maging mga hangin ng kalokohang nilanghap mo nang matagal.

Sa loob ng tren ay natuto ako hindi lamang mula sa mga librong aking binabasa habang naghihintay na makarating sa baban subalit ang mga tanawin sa labas at ang mga taong nasa loob ang higit na nagturo sa akin ng mga aral ng buhay na hindi tulad ng bilis ng tren ay hindi kahit kailan masusukat.

Sa loob ng tren ay nakilala ko ang mga guro na hindi lamang matiyagang tumayo para iabot sa akin ang baso ng kaalaman, subalit tinabihan din ako bilang mga kaibigan sa tuwing ang tanawin ng buhay ay mausok o maalikabok.

Sa labas naman ng tren at sa bawat pag-uwi ay ang aking mga magulang na batid ko ang hirap para lamang ihatid ako lagi sa tren.

Ang mga taong ito ang nagturo sa akin ng mga tamang pagpapatakbo ng tren na kung tawagin nga natin ay buhay- katapatan, sipag, tiyaga, disiplina.

Sa araw na ito ay pababa na tayo ng tren na hindi ko namalayang apat na taon kong sinakyan.

Ang estasyon para sa tagumpay ay isang sakay pa. Ito ay dahil sa isa pang tren ang dapat nating sakyan- ang kolehiyo. Kaunting hintay pa. Kaunting hirap pa.

Ang lihim? Wag nating tanawin ang dulo. Maghanap tayo ng aliw at inspirasyon sa mga tanawin sa labas at maging sa mismong loob ng tren. Hindi mahalaga ang destinasyon. Ang mahalaga ay ang paglalakbay.

At matapos nito, tayo na ang magpapatakbo ng sarili nating tren.

Nawa ay ating patakbuhin ang tren ng buhay nang walang pagsasayang sa oras at nang walang nasasagasaang mga tao.

Nawa ay ating hingin ang gabay ng imbentor ng tren na kung tawagin ay buhay.

Nawa ay sakyan natin ng buong sigla ang bagong tren ng buhay.

Nawa ay matuto tayong lumingon at bumalik sa pinanggalingan.

At tandaan niyo ito.

Kapag nagkita-kita tayo, hindi lang ako pasahero ng isang tren. Ako na mismo ang may-ari at ako na rin ang nag-ayos ng tren.

Isang pagbati para sa ating lahat!

Maligayang pagtawid sa panibagong tren ng buhay!

.

.

.

At ito sana ang nais na ibigay sa atin ng aking anak sa araw na ito- ang tren ng buhay, buhay na nawala nang kahapon siya ay masagasaan mismo ng isang tren. Subalit ang sabi nga niya, hindi mahalaga ang destinasyon. Ang mahalaga ay ang paglalakbay.



Image Sources:

No comments:

Post a Comment