JC
Lipa
Malamig
man sa labas ay mas malamig naman sa loob niya. Yelo na ito.
Malamig
ang hangin na dumarampi sa buo niyang katawan at pagkatao. Tila ba nahuli nang
dumating ang hangin ng Pasko gayong Enero na ngayon. Sa isang banda, isang puno
ng niyog sa labas ang matatag pa ring nakatayo sa gitna ng lamig.
Ayon
sa mga sabi-sabi ay marami na ang namatay at nangangamatay sa lamig. Isa siya
sa mga ito. At noon ay hindi niya napanood ang balita.
Tahimik
sa labas subalit maingay ang loob niya.
* * * * * * * * * *
Noon
ay agad siyang umuwi upang buklatin ang libro nila sa Araling Panlipunan at
English; hinawakan ang pentel pen at nilatag ang manila paper upang
isulat ang mga report niya para bukas- ang tatlong paring martir na binitay
noon at ang kwento ukol sa kahon ni Pandora. Dito ay naalala niyang madalas
siya noong gabayan ng nanay niya kung paano ire-report ang topic niya
kapag may mga ganitong reporting sa kanila. Noon iyon.
At
noon naman kapag walang mga report na kailangang gawin ay manonood sila
ng TV. Kaya naman agad siya ngayong tumayo upang buksan ang TV.
Balita. Puro balita. Ayaw niya ng mga balita. Walang maganda sa mga balita- mga
nasalanta, mga aksidente, mga kurakot. Subalit sa kabila nito ay kinailangan
niya itong buksan para lang basagin ang katahimikan.
Dumating
ang tatay niya at nakita siyang nanonood ng TV. Agad nitong tinignan
kung ano ang pinapanood ng anak at nang makitang balita ang palabas ay pinatay
niya ito. Nagtama ang kanilang mga mata at agad na tumalikod ang ama.
"Gawin
mo na iyang ginagawa mo."
Patlang.
"Nag-text
nga pala si Kim. Kung may short story ka na raw sa Filipino?"
Upang
basagin ang katahimikan ay binuksan ng tatay niya ang radyo.
"Bakit
tila walang natira?" sabi ng awit ni Gloc-9.
Nang
marinig ito ng ama ay nilipat niya ito agad sa isa pang estasyon.
"Bumilis
na ang araw upang ako'y makabalik," wika naman ni Roel Cortez.
Napatitig
siya sa ama niya, nalilito sa mga kilos nito. Nang tila nasundot na siya ng mga
titig ng kanyang anak ay pinatay niya ang radyo at pinatong sa tabi nito ang
isang chocolate bar.
Patlang.
Subalit
sa loob niya ay naalala niya ang nanay niya na ilang kahon ng mga mamahaling chocolate
ang pasalubong lagi para sa kanya.
Nang
matapos niya ang pagsulat sa mga report niya ay agad niyang dinako ang
luma nilang typewriter para simulan sana ang assignment sa
Filipino subalit tila walang lakas ang kanyang mga daliri at pundido ang
kanyang puso at isip.
Pinako
niya muna ang tingin sa labas at pinakinggan ang tunog ng katahimikan na
binabasag lamang ng ihip ng malamig na hangin. Matapos langhapin ang malamig na
hangin ay isinara na niya ang bintana, naupo, pinako ang titig sa hourglass
na katabi ng isang munting cactus na kapwa pasalubong ng nanay niya sa
kanya at ngayon ay nakapatong sa may bintana nila, at doon ay sinimulang
hawakan ang bawat titik ng typewriter upang palayain ang nagpupumiglas
na diwa. Pinakawalan na niya sa wakas ang sarili na nakatikom man ang kanyang
mga mata ay tila nakita niya ang mga titik na susi sa isang daigdig.
* * * * * * * * * *
"Nagising
ako sa sinag ng araw na berdugo sa pagsilaw at pagpaso na agad din namang
tinakpan ng isang anino. Isang babae. Buhanginan. Nasa buhanginan kami.
Disyerto. Pawis na pawis ang babae. Balot na balot din ito ng isang itim na
tela bagamat kita naman ang kanyang mga mata. Oo, pamilyar ang mga matang iyon.
Ito ang mga matang huli kong nakikita noon bago matulog at una ko ring nakikita
pagkagising. Ito ang mga matang hinahanap ko simula nang huli ko siyang makita
sa airport. Ito ang mga matang hindi ko nakita kahit kailan umiyak.
At
walang mga salita ay inalok niya sa akin ang kanyang kanang kamay upang
alalayan ako sa pagtayo. At siya ay nagsimulang maglayag sa mga bundok ng mga
buhangin gamit ang kanyang mga paa. Sumunod ako at hindi niya man lang ako
nilingon o pinansin.
At
sa ilang sandali ay may isang butil ng tubig na sa aking mukha. Hindi iyon
pawis at lalong hindi iyon patak ng ulan. Nanggaling ito sa sarili kong mga
mata. Isang patak lang na tila sapat na para ilabas ang damdamin ng
pangungulilang matagal na inimbak sa puso at halos nang matuyo sa tagal ng
panahon.
'Kailan
ka uuwi?' tanong ko.
Patlang.
'Saan tayo pupunta?' tanong ko muli.
Patlang.
'Saan
ka pupunta?' binago ko ang tanong.
At
noon ay naramdaman ko na tila hindi na mauulit ang mga sandaling iyon.
'Bumalik
ka na. Hindi na ako magiging makulit at pasaway. Hindi na ako magpapabili ng
kung anu-ano. Hindi na ako magsasayang ng pagkain. Hindi na ako magiging tamay
sa bahay at sa school. Hindi na ako hihingi ng anumang pasalubong.
Bumalik ka na.'
Napatigil
siya sa paglakad.
'Bumalik
ka na. Bumalik ka na sa amin ni Tatay.'
At
sa wakas ay tinitigan niya rin ako. At nakita ko rin sa kanyang mga mata ang
butil ng tubig na kanina ay tila isang tigyawat na lumitaw sa mukha ko. Umiling
siya. Ngumiti. Yumakap sa akin na para bang ayaw niyang makita ko ang mukha
niya.
'Alagaan
mo ang sarili mo. Mag-aral ka. Alagaan mo ang tatay mo. Mahal ko kayo. Mahal na
mahal.' sa wakas ay sabi niya sa akin.
At
lalo kong hinigpitan ang yakap ko sa kanya na para bang ayaw ko siyang mawala
kahit na hindi ko alam kung bakit ganoon na lamang ang pakiramdam ko sa kanya.
Nakakatawa
mang isipin at sabihin ay hindi ko namalayang isang cactus ang kayakap
ko. Napalayo ako sa sakit na dulot ng mga mala-karayom na tinik nito na minsan
ay naisip ko, nasasaktan din kaya ang mga cactus sa sarili nilang mga
tinik."
* * * * * * * * * *
Ito
ang short story na binasa niya sa klase nila sa Filipino ngayon.
Nang
matapos ay naupo siya sa desk niya at naalala ang nangyari kagabi.
Habang
nakatingin sa labas kagabi ay tinanong niya ang kanyang ama.
"May
mga camel doon hindi ba?"
Patlang.
"Gaano
ba kalayo ang Saudi Arabia? Bakit hindi natin siya puntahan?"
Patlang.
"Ano
ba ang ginagawa niya roon? Kailan ba uuwi si Nanay?"
At
umiling ang tatay.
"Bukas
darating ang Nanay mo."
* * * * * * * * * *
Tapos
na ang klase. Tapos na ang mga report ukol sa tatlong paring martir na binitay
at sa kahon ni Pandora. Tapos na.
Pauwi
na siya.
At
doon ay nakita niya ang pasalubong ng nanay niya sa kanya- ang pinakamalungkot
at pinakamasaya ring pasalubong ng nanay niya sa kanya na kay tagal niyang
hinintay.
Hindi
isang balikbayan box na may mga kahon din ng mga paborito niyang chocolate
kung hindi ang nanay niya mismo- sa loob ng isang kahon.
Doon
niya lang nakita ang tinatago nito sa mukha. Kasing kulay ng mukha nito ang
talong na noon ay isa sa mga ibinebenta nila ng nanay niya. Ang sabi ay ni-lethal
injection ito. May dalawa pa itong kasama. Lethal injection? Ano ba
iyon?
At
noong gabing iyon ay nakabukas ang bintana. Malamig sa labas subalit mas
malamig sa loob niya. Yelo pa nga. Sa isang banda ay naroon pa rin ang puno ng
niyog.
Napangiti
na lamang siya dahil sa iniisip niya na at least wala na sa wakas ay
nakaramdam ng lamig ang nanay niya matapos itong makibaka sa isang mainit na
dako paroon. Sa wakas, nakauwi na ito.
Tinitigan
niya buong gabi ang hourglass binabaliktad ito kapag puno na ang ilalim
na bahagi. Paulit-ulit upang makita niya ang sarili niya sa loob na naglalaro
kasama ang kanyang inang ngayon ay ninakaw na ng malamig na panahon sa isang
mainit na disyerto na hindi nadaig kailanman ang init ng pagmamahal at yakap na
alay nila sa isa't isa.
Image Sources:
http://fineartamerica.com/featured/jesus-return-jonathan-lysdahl.html
Image Sources:
http://fineartamerica.com/featured/jesus-return-jonathan-lysdahl.html