Sunday, November 24, 2013

Tres Amores

Ace Gimutao

Juan. Two. Three. Four.

Part 1: Idiot # 1


Ang bahay ni Ace ay isang bilangguan. Wala itong rehas. May wheelchair lang naman kung saan siya ay nakaupo at hindi makaalis.

Malungkot sa bahay nila. Dati pa man. Mag-isa lang siya nang araw na iyon. Dati pa man.



Hindi lang ang bahay ni Juan ang bilangguan kung hindi maging ang buhay niya at kung may isa pang bahagi ng katawan niya na may problema bukod pa sa mga paa niya, ito ay ang puso niya. Mas masakit pa ang nararamdaman niya ngayon kesa sa sandaling nadaganan ng kahoy at bakal ang mga paa niya sa panahon ng isang nagdaang bagyo kung saan namatay ang kuya niya. Dalawang beses na rin siyang bigo sa pag-ibig. Ayaw na niya talaga. Ngayon ay may hawak siya ngayong kutsilyo nang biglang...

"Ding dong!"

Napigilan ng doorbell ang malagim niyang balak.

Pinagulong ni Ace ang wheelchair niya para makapunta sa may pinto. Binuksan niya ang pinto pero wala namang tao. Nang isara niya ang pinto at bumalik sa kusina para ituloy ang malagim na balak ay narinig na naman niya ang ding dong ng doorbell nila. Bumalik siya para buksan ang pinto pero wala namang tao.  Pabalik na siya nang ding dong! Bukas ng pinto at sara na naman dahil wala na namang tao. Sa mga sumunod na minuto ay ganito nang ganito hanggang sa hindi na namalayan ni Ace na isang oras nang ganito. Pagod na siya kaya naman sa sobrang inis niya ay nangako na siyang hindi na bubuksan ang pinto mag-ring man ang doorbell o hindi. Nang magawa ang pasya ay hindi na nga nag-ring ang doorbell.

Tahimik na ang muli ang buhay ni Ace. Tahimik siyang natulog nang magising siya sa isang pamilyar na ingay. Ding dong! Ding dong! Ding dong! At dito ay alam na ni Ace na gugulo na naman ang araw at buhay niya. Binuksan niya ang pinto at wala na naman. 

At ganito na nga araw-araw. Naliligo man siya, kumakain man siya, nagsisipilyo man siya, wala man siyang gawin at maging pagkagising at maging patulog na o natutulog na ay magigising siya dahil sa doorbell na halos hindi na siya makatulog at ayaw rin naman niyang buksan na ang pinto dahil expected na niyang wala namang tao. 

Hindi siya natatakot na baka multo ito. Multo man ito o hindi ay sana magpatulog naman ito o lisanin na siya para maging tahimik muli ang buhay niya at maituloy na niya ang dati niya pang pinaplanong malagim na balak.

Hanggang isang araw, sa araw na pagod at sobrang inis na si Ace ay sa wakas ay sinubukan niya nang buksan ang pinto at sa wakas, nakita niya na ang salarin. 

Hindi ito isang multo kung hindi isang babae na matapos siyang titigan nang ilang segundo ay tumakbo. Sinubukan ni Ace na tumayo at habulin ang babae. Huli na nang maalala niyang pilay nga pala siya na pasanin lang at madalas titigan at kaawaan at asarin noon pa. Bumagsak siya sa sahig at nang makita ito ng babae ay agad na bumalik para alalayan siya at ibalik sa wheelchair. Matapos nito ay paalis na sana ang babae nang bigla siyang hinawakan nang mahigpit ni Ace sa braso.

"Anong problema mo?"

Hindi sumagot ang babae at nang mabigo si Ace na makakuha ng sagot sa tila malungkot na babae ay pinakawalan ang babae. Naglakad ang babae palayo sa bahay ni Ace na minsan ay lumilingon pa. Samantala, may ibang nararamdaman si Ace sa babae. Awa. Oo awa. Pakiramdam niya ay malungkot at may problema ang babae kaya naman tinawag niya ito kahit hindi niya ito kilala.

"Wala akong kasama sa bahay. Pumunta ka rito bukas, 8 am. Nood tayo ng movies."

Dahil dito ay napalingon ang babae. Hindi ito nagsalita pero nagbigay naman ito ng ngiti. Sinundan ni Ace ng tingin ang babae at nang hindi na niya ito matanaw ay saka niya pinakawalan ang ngiti na hindi niya naisukli sa babae kanina. 

At dito ay alam na niyang hindi awa ang nararamdaman niya para sa babae.


8:15 am. Nakapaglinis na ng bahay si Ace. Nakaligo at nakapagbihis at pabango na rin siya. Nakahanda na rin ang mga pagkain pero hindi pa rin dumarating ang babae. Pabalik-balik at palipat-lipat ang tingin niya sa orasan nila at sa pinto kung saan nakakabit ang doorbell na hinihintay niyang tumunog. Kinakabahan siya na baka hindi dumating ang babae dahil sa natakot ito sa kanya. Sinusubukan niyang pakalmahin ang sarili sa pagsasabing, "Hindi, ngumiti siya sa akin and ang ibig sabihin nito ay oo." Kinakabahan siya, kaba na napalitan ng excitement nang sa wakas, nagring ang doorbell at eto na nga ang babae.

"Late ka," sabi ni Ace.

Nang malaman ni Ace na hindi hihingi ng tawad ang babae ay sinalang niya na ang cd ng pelikulang Amelie sa DVD player.

"O siya, maupo ka na at manonood na tayo."

Kinikilig man at napapangiti si Ace sa pelikula ay parang robot na walang emotion ang babae. Kinakausap niya ito pero hindi ito sumasagot na para bang hindi siya naririnig nito. Tutok na tutok ito sa panonood. Tahimik ito na para bang may inililihim at may problema at lungkot. Dahil dito ay itinuloy na ni Ace ang panonood at hindi na lang niya namalayang ang isa niyang kamay ay gumagapang papunta sa isa pang kamay, ang kamay ng babae. Nang sa wakas ay marating ng kamay ni Ace ang kamay ng babae ay napatingin ang babae kay Ace na nakatingin na rin sa kanya. At ang ending ng pelikula, ang paghalik ni Nino kay Amelie ay naisakatotohanan ng dalawa. Si Ace ay si Nino at si Amelie ay ang babae. At gaya sa pelikula, ang kanilang mga anino ay nagsama...

"Mukha ka namang tahimik di ba? Siguro naman ay hindi mo ito sasabihin sa iba. At kung may pinagdadaanan ka ay magkuwento ka. Wag kang mahiya sa akin. Mahihiya ka pa ba sa akin matapos nito?"

Ngumiti ang babae at pumatak sa labi niya ang labi ni Ace.


Pero ang "hiya" ng babae ay hindi nawala. Tahimik pa rin ito. Ngiti lang ang pinakakawalan ng babae sa bawat "I love you."

Dahil dito ay naisip ni Ace na sa text na lang kausapin ang babae.

Ace: Pipi ka ba?

Babae: Hindi ah. Nahihiya lang talaga ako sa iyo.

Ace: Bakit naman? May lihim ka ba?

Babae: Lahat naman tayo meron.

Ace: Matagal na tayong magkakilala pero hindi ko pa rin alam ang isang bagay. Anong pangalan mo?

Babae: SECRET.

Ace: Pati ba naman iyon lihim. Lihim pa rin. Bakit ba?

Babae: BASTA. Good things happen to those who wait. Next topic please.

At ganito nga ang nangyayari sa text sa pagitan ni Ace at ng babae.

At kahit nababasa lang ni Ace ang mga salitang I love you at hindi naririnig ay masaya siya. Sobrang saya.

Hanggang isang araw, habang namamasyal sila at tulak ng babae si Ace sa wheelchair nito ay sinabi na ni Ace ang magic words.

"Can you be my girlfriend?"

Pero gaya ng inaasahan, ngiti lang ang sinagot ng babae. Kinanta ni Ace ang Grow Old With You at sinabihan ang babae na sabayan siya. Pero ang babae ay nanatiling tahimik. Dito ay naiyak na si Ace.

"Ano bang problema mo? Tanga ka ba? Hindi mo ba alam ang lyrics? Hindi mo ba alam na mahal kita? Ayaw mo ba sa akin? Bakit hindi mo magawang sabihin sa akin na mahal mo ako? Gaano ba kahirap iyon? Ano ba talaga ang tinatago mo? Ano ba ang ikinakahiya mo? Pipi ka ba?"

At dahil dito ay tumakbo palayo ang babae at hindi na sila nagkita kahit kailan. Kahit i-text niya ang babae ay hindi ito nagrereply. Hindi sinabi ng babae kahit kailan kung saan siya nakatira, kung ano ang pangalan niya at higit sa lahat, ang lihim nito sa kanya.

Part II: Idiot # 2

Ang bahay ni Ace ay isang bilangguan. Wala itong rehas. May wheelchair lang naman kung saan siya ay nakaupo at hindi makaalis. Malungkot sa bahay nila. Dati pa man. Mag-isa lang siya nang araw na iyon. Dati pa man. Hindi lang ang bahay ni Juan ang bilangguan kung hindi maging ang buhay niya at kung may isa pang bahagi ng katawan niya na may problema bukod pa sa mga paa niya, ito ay ang puso niya. Mas masakit pa ang nararamdaman niya ngayon kesa sa sandaling nadaganan ng kahoy at bakal ang mga paa niya sa panahon ng isang nagdaang bagyo kung saan namatay ang kuya niya. Dalawang beses na rin siyang bigo sa pag-ibig. Ayaw na talaga niya. Ngayon ay may hawak siya ngayong kutsilyo nang biglang...

Nahiwagahan ang mga tenga ni Ace sa isang napakagandang himig na sigurado siyang nagmumula sa isang piano. Beethoven. 

At dito ay naalala niya ang dalawa niyang pangarap sa buhay. Una,  ang matutunang tugtugin ang instrumento hindi tulad ng kuya niya ay nabigo siyang matutunan. At mula sa pagkabigo at pagkumparang ito sa kuya niya ay dadako pa tayo sa isa pa niyang pangarap- ang magkaroon ng girlfriend kung saan natalo na naman siya ng kuya niya.

At ngayon, ang dalawang pangarap ni Ace ay maaaring matupad sapagkat kapitbahay nila ang tumutugtog. Maaari siya ritong magpaturo sa piano. Maaari niya itong maging girlfriend una kung babae ito, ikalawa, kung magugustuhan niya ito, at ikatlo, kung magugustuhan siya nito.

Matagal na ring hindi lumalabas ng bahay si Ace kaya naman nagpasya siyang silipin ang katabi nilang bahay. Tila bagong lipat ito dahil sa mga nakatambak na kahon. At nang makita mula sa bintana ang taong tumutugtog ay abot-tenga ang ngiti ni Ace na para bang nanalo ng jackpot sa lotto. At jackpot nga dahil na-love-at-first-sight si Ace sa babaeng tumutugtog ng piano. Beethoven pa rin.

Napapikit si Ace hindi lang para pangarapin ang babae pero dahil na rin sa napakagandang himig na nagmumula sa piano na naputol at napalitan ng sigaw na pumunit sa mga pangarap at imahinasyon ni Ace.

"Sino iyan!?"

Nang idilat ni Ace ang mga mata ay kaharap na niya ang babae.

"Sino po kayo at ano po ang kailangan niyo!?" sigaw nito na kahit may po kung magsalita ay wala namang galang sa lakas ng boses.

Patay! Masungit pala ito! Hindi sila magkakasundo.

"Ah sorry po ate," sabay yuko ni Ace ng ulo sa hiya.

"Ano pong kailangan niyo!?"

"Ah eh... Wala po..." sabay titig ni Ace sa piano na nasa loob ng bahay.

"Ah... Gusto mong tumugtog ng piano! Bakit hindi mo agad sinabi!?" sigaw na naman nito.

At pinapasok siya ng babae sa bahay nito. Nahihiya siya pero napilitan siyang pumasok nang sumigaw na naman ang babae.

"Pasok! Sige maupo ka na diyan sa may piano! Pasensya na kung marumi at masikip! Mamaya pa kasi ako magliligpit!"

"Eh bakit ka galit?" tanong ng isipan ni Ace sa babae.

Nakaupo lang siya noon sa may piano kaharap ang musical sheets na naglalaman ng mga notang limot na niya  samantalang ang babae ay nasa kusina at naghahanda ng makakain.

"Tumugtog ka!" sigaw ng babae mula sa kusina.

At sa sinabing ito ng babae ay natakot si Ace. Baka lalo itong magalit kung hindi siya tutugtog. Kaya naman kahit na limot na niya ang pagkapa sa keyboard ng piano at pagbasa ng mga nota ay inilapat ni Ace ang mga nanginginig niyang daliri. Sa unang nota pa lang ay mali na siya agad at masakit sa tenga ang pagkakadiin niya rito. Naghintay siya ng reaction sa babae na maaaring alam na nito na hindi naman talaga marunong mag-piano. Pero wala siyang narinig mula sa babae na tila abala pa rin sa pagkalkal sa ref nila. Naisip ni Ace na kung titigil siya ay baka dito siya masigawan ng babae kaya naman itinuloy na niya at mula rito ay nakalikha siya ng isang musikang pagewang-gewang ang mga nota. Itinuloy lang niya ang piyesa na tinutugtog niya kahit alam niyang mas marami pa siyang mali kesa tama. Nang matapos siya ay tapos na rin maghanda ang babae ng makakain.

Nilagay ng babae ang tray ng cookies at baso ng softfrinks sa la mesa at matapos nito ay pumalakpak. Lumingon si Ace sa babae at nabigla siya nang makitang siya ang pinapalakpakan ng babae. Expected niyang sasabihin nito ang line na, "You are nothing but a second-rate, trying hard, copycat" pero iba ang narinig niya mula rito. At si Ace  ay hindi bingi at naglinis naman siya ng tenga niya sa araw na iyon.

"Ang galing mo pala!"

Gusto sanang sumagot ni Ace ng "what the-" pero naudlot ito nang ayain na siya ng babaeng kumain kaya naman ang nasabi na lang niya ay, "Hindi naman. Mas magaling ka pa rin."

Pero hindi sumagot ang babae at sila ay kumain na.

"Gusto mo pa!?" ang tanong ng babae.

"Hindi na. Ok na ako," sagot ni Ace.

Pero nagpunta pa rin ang babae sa kusina at kumuha ng pagkain. Sa kabila ng pagtataka ay sinubukan niyang magtanong sa babae ng ilang mga bagay, ang babae na tila gutom at kumukuha na naman sa kusina ng makakain.

"Ikaw lang mag-isa rito?"

Pero hindi sumagot ang babae.

Next question. "Kailan ka pa tumutugtog ng piano?"

Wala na namang sagot. Masyado yatang abala at concentrated ang babae sa pagkuha ng cookies sa ref. 

Siguro kung itatanong niya kung may boyfriend ito ay papansinin siya nito kaya lang baka wala nga at bitter naman sa ex nito o baka naman isipin nito na may crush siya rito agad kaya naman hindi ito ang tinanong niya. Sa halip, "Gusto mo bang tulungan kitang mag-ayos ng bahay niyo? Magkapitbahay naman tayo."

Pero hindi talaga sumasagot ang babae. Nang madala ng babae sa la mesa ang bagong set ng makakain ay siya naman ang nagsalita.

"Kuha ka!" alok nito.

"Ah hindi. Ok na ako," ang sagot ni Ace, si Ace na kung wala lang galang ay sasagot ng, "Di ba sinabi ko nang ok na ako?"

Pero parang naghihintay ang babae na kumuha siya kaya naman napilitan siyang kumuha, hindi man siya mahilig sa cookies.

"Saan ka nakatira?"

"Kapitbahay mo lang ako," sagot ni Ace na gusto sanang sumagot ng, "Paulit-ulit?"

At tumango lang ang babae na hindi ba dapat ang reaction niya ay ganito, "Talaga!?"

"Alam mo magaling ka talagang tumugtog ng piano!" sabi ng babae.

Sigurado si Ace na walang topic na maisip ang babae kaya binola na lang siya.

"Tugtog ka ulit!" sigaw ng babae na parang nag-uutos.

Sa isip ni Ace, bakit kaya siya pa na bisita ang natatakot? Wala naman siyang nagawa kaya wala man dalang panakip sa mga tenga ay tumugtog. 


Nakangiti siyang pinanood ng babae at nang matapos siya ay hindi siya namamalik-mata, pinalakpakan siya muli nito. At doon ay nakaramdam ng saya si Ace dahil first time sa buhay niya na may nagsabing magaling siya at ang mas masaya pa rito, doon pa sa bagay na alam niyang hindi siya magaling. Appreciation.

"Ellie nga pala ang pangalan ko!" sigaw ng babae at matapos nito ay nagpaalam na si Ace.

"Aalis na ako. Kelangan ko pang magsaing eh. Salamat ah. Pwede ba akong bumalik bukas?"

Ngiti lang ang sagot ng babae.

Kinabukasan, kumatok siya sa pinto ng kapitbahay at nang makita siya nito ay tila nagulat ito.

"Ikaw ulit!? Bumalik ka!? May naiwan ka ba!?"

Pero mas nagulat si Ace. Ano ito? 50 First Dates? Napatingin si Ace sa piano at doon ay tila naalala ng babae ang lahat kaya pinapasok siya nito.

At ang pagbisita ni Ace sa kapitbahay ay naging araw-araw. At hindi na nagugulat ang babae na unti-unti ay tila ine-expect na ang pagdating niya. Mula sa panonood sa pagtugtog ng babae ay natuto si Ace. Pero sa totoo lang, ang dahilan talaga ng pagpunta niya ay hindi upang matuto ng pagtugtog ng piano for free kung hindi upang pakinggan ang himig ng piano, ang himig sa mga salitang binibitawan ng babae kahit ang mga ito ay laging pasigaw at higit sa lahat, ang himig na ginagawa ng tumitibok niyang puso, ang pinakamagandang himig na narinig niya sa buhay niya. At mula rito ay hindi lang siya natutong mag-piano kung hindi natuto rin siyang umibig.

Sa mga araw na nagdaan, magkasama silang tumutugtog sa isang piano ng isang himig. Nagsasagi ang kanilang mga daliri hanggang sa nagkabuhol at nagkahawak ang kanilang mga kamay at nailabas ni Ace ang mga salitang, "I love you."

Pero tila masyadong malakas ang pagtugtong nila ng piano kaya hindi siya nito marinig kaya naman sinabi niya ang tatlong salitang ito ng magkaharap na sila at kumakain.

"I love you."

"I love you too!" pasigaw na sagot ng babae.

At dito ay na-confirm ni Ace na hindi bingi ang taong mahal niya. At sila noon ay nagpintura ng pader hanggang sa sila ay maglaro at magbasaan ng pintura na parang mga bata, pintura na tumapon na rin sa sahig, dahilan upang mahulog sila sa isa't isa at madulas si Ace, mahulog mula wheelchair papuntang sahig. Nagpanggap na patay si Ace at nang mag-alala si Ellie ay isang biglaang halik ang ginawa ni Ace. Napangiti ang babae at dito ay hindi na nakabangon si Ace. Naligo silang dalawa hindi lamang sa pintura kung hindi maging sa apoy na idinudulot at ginagawa nila sa isa't isa.

Matapos nito ay pauwi na si Ace. Habang nakatalikod na at pauwi na ay sinabi muli ni Ace ang tres palabras pero walang sagot mula sa babae. Naghintay man sa wala ay masaya pa rin si Ace na umuwi sa kanila.

Hanggang sa nauwi na nga ang lahat sa pagbibitaw ni Ace ng magic words.

"Can you be my girlfriend?"

"Ano!?" pasigaw na tanong ng babae.

"Tatagalugin ko ah. Pwede ba kitang maging girlfriend?"

"Hindi kita maintindihan!" sigaw ng babae.

"Ano ang hindi mo maintindihan? Gusto mo bang isigaw ko nang marinig ng lahat? Mahal kita Ellie! Masaya ako kapag kasama ka! Pwede ba kitang maging girlfriend!?"

Pero napayuko lang ang babae sabay sabi ng mga misteryosong salita.

"Hindi mo ba napansin na never kitang tinawag sa pangalan mo!?"

"Ano ang ibig sabihin mo?"

Napayuko muli ang babae pero this time ay walang salitang nakalaya mula sa bibig niya.

"Mahal kita Ellie. May problema ba? May sakit ka ba? Ayos ka lang ba?"

Pero umiling ang babae habang nakayuko.

"I love you Ellie. I love you. Kahit kailan ay hindi mo nalamang magkapitbahay tayo."

Pero tinitigan lang siya ng babae at ilang minuto lang ay bumalik na ito sa loob ng bahay. Naiwan si Ace sa labas at ang masama pa ay bumagsak ang malakas na ulan, ang pinakamalungkot na himig na narinig ni Ace dahil sa araw isa namang pagkabigo sa pag-ibig. Tawagin man niya ang pangalan ni Ellie ay hindi ito sumasagot o lumalabas ng bahay. Nang maubusan ng lakas ay bumalik na rin si Ace sa bahay nila at doon nagbuhos ng luha, hagulgol na sana marinig ni Ellie. Matagal na hindi lumabas si Ace sa bahay nila- mahigit siguro isang linggo pero wala pang isang buwan.

At nang lumabas siya ay agad niyang sinilip ang bahay ng minamahal na kapitbahay. Wala na si Ellie. 

Part 3: Idiot # 3:

Ang bahay ni Ace ay isang bilangguan. Wala itong rehas. May wheelchair lang naman kung saan siya ay nakaupo at hindi makaalis. 

Malungkot sa bahay nila. Dati pa man. 

Mag-isa lang siya nang araw na iyon. Dati pa man. Hindi lang ang bahay ni Juan ang bilangguan kung hindi maging ang buhay niya at kung may isa pang bahagi ng katawan niya na may problema bukod pa sa mga paa niya, ito ay ang puso niya. Mas masakit pa ang nararamdaman niya ngayon kesa sa sandaling nadaganan ng kahoy at bakal ang mga paa niya sa panahon ng isang nagdaang bagyo kung saan namatay ang kuya niya. Dalawang beses na rin siyang bigo sa pag-ibig. Ayaw na niya talaga. Ngayon ay may hawak siya ngayong kutsilyo nang biglang...

"Ding dong!"

Napigilan ng doorbell ang malagim niyang balak.

Pinagulong ni Ace ang wheelchair niya para makapunta sa may pinto. Binuksan niya ang pinto at doon ay natagpuan niya ang isang sobre. Nakasulat sa likod nito ang isang cellphone number- 09996540690. Tinignan ni Ace kung may laman ang sobre pero wala.

Agad tinext ni Ace ang number. Curious siya rito.

"Who you po?"

Hindi nag-expect si Ace na magrereply ito pero expect the unexpected, nagreply agad ito at dahil sa reply nito ay naisipan niyang i-save ang number sa pangalang, SECRET.

SECRET: Secret.

Ace: Wala akong oras makipaglokohan sa iyo.

SECRET: Saan mo nakuha ang number ko?

Ace: Eh kung SECRET din.

SECRET: Saan nga?

Ace: May natanggap akong sobre tapos nakalagay doon ang number mo. Hindi naman ako nagkamali ng lagay.

SECRET: Ah. Ilang taon ka na?

Ace: 21. Bakit?

At matagal na hindi nagreply si SECRET hanggang sa...

SECRET: Saan ka nakatira?

Ace: Laguna. Ikaw?

Hindi alam ni Ace kung bakit siya nagbalik ng isang tanong.

SECRET: Nakatira ako sa isang lugar kung saan may mga bulaklak na ang bawat isa ay kasing laki ng isang dipa. Sana ay makapunta ka rito upang makita mo.

At dito ay nahiwagahan si Ace kung sino ang kausap. At mas naging madalas pa ang pagtetext ng misteryosong textmate na halos bumati sa kanya sa araw-araw ng good morning, good afternoon, good evening, good night at have a nice day.

Ace: Sino ka ba talaga?

SECRET: Sabihin na lang natin na gusto ko ng kaibigan.

Ace: Wala ka bang pwedeng kaibiganin na iba diyan?

SECRET: Wala eh. Hindi ako makaalis sa aking trono eh. Mahigpit akong pinagbabawalan ng aking alalay na lumabas at baka raw marumihan ako o mapahamak at mamatay.

Ace: Saan ka ba talaga nakatira?


SECRET: Nakatira ako sa isang lugar kung saan ang malaya ang mga hayop, may mga bubuyog na nagpupunta sa mga bulaklak at may mga alitaptap na hindi mailap sa tao, iyong mga tipong sila pa ang lalapit sa iyo.

Simula noon ay ganito na lang nang ganito ang takbo ng usapan nila, ang textmate niyang taga-ibang planeta yata. Dahil naman dito ay mas nasasabik siyang mas makilala pa ito. Minsan ay naging ganito ang takbo ng usapan nila kung saan si Ace na ang nagsimulang magtext.

Ace: Kamusta?

SECRET: Eto at malungkot.

Ace: Bakit naman?

SECRET: Nilusob kasi kami ng kalaban naming kaharian kaya napilitan kaming lumipad sa isa pang kaharian.

Sa bawat paglalarawan ni SECRET ay anong tayog at lawak naman ng nararating ng imahinasyon ni Ace.

Ace: Hindi mo ba talaga pwedeng sabihin kung taga-saan ka talaga?

SECRET: Kung sasabihin ko ba ay pupunta ka?

Ace: Oo naman.

SECRET: Kahit malayo?

Ace: Oo naman. Matagal na akong hindi nakakagala eh. Ang boring kaya dito.

SECRET: Kung ganoon, hihintayin kita sa aming kaharian, ang kaharian namin ay nasa...

At ibinigay nga ni SECRET ang address ng "kaharian" nila. Kinabukasan nga, sa tulong ng kaibigang si CJ ay nagtungo si Ace sa address na ibinigay. At laking gulat at disappointment niya ng makita ang sinasabing "kaharian."

Ang kaharian palang sinasabi ni SECRET ay isang squatter area. Walang mga bulaklak na kasing laki ng isang dipa. Meron lamang mga basura. May mga hayop naman pero ang mga hayop na tulad ng ipis, langaw, lamok, at daga, ay talaga namang malaya. Walang bubuyog na dumadapo sa mga bulaklak pero may mga ipis at daga na nagkakalkal ng basura at wala ring alitaptap na kusang dumadapo sa tao pero may mga langaw at lamok na oo nga at kusang dumadapo sa tao pero alam naman natin ang dahilan kung bakit.

Pag-uwi ni Ace ay nagtext siya agad kay SECRET.

Ace: SINUNGALING KA!

SECRET: Sorry.

Ace: T*N&-!N*! BALIW KA. WAG KA NANG MAGTETEXT SA AKIN AH. WAG MO NA AKONG AABALAHIN O GUGULUHIN. WALA KANG KWENTANG KATEXT.

At hindi na nga nagtext kahit kailan si SECRET.

Hanggang sa isang araw...


Part IV: The Three Idiots

Kalat noon sa bayan ng Balay-balay ang kwento ukol sa isang bulag na nanlilimos sa pamamagitan ng pagkanta hindi lamang para sa pagkain kung hindi para bayaran ang mga mabubuting tao na titigil upang makinig sa pakiusap niyang pa-loadan siya at ipag-text siya at ipag-delete siya ng messages. 

Kung itatanong niyo kung saan galing ang cellphone niya, ang isasagot niya ay galing umano ito sa pinakamabait na taong dumaan sa buhay niya, isang baliw na lalaking nag-iwan na lamang basta-basta ng cellphone. Ito ang buhay ni Mang Domeng.

Sa dami ng mga dumaraang tao na karamihan ay walang pakialam at ang ilan ay balak lang maghulog ng barya at hindi sundin ang pakiusap ng matandang bulag, tila isang snatcher na hinablot ng isang babae ang cellphone ni Mang Domeng at hindi napansin ng snatcher na nasipa niya ang lata ni Mang Domeng. Kumalansing ang lata at ang mga barya at dito ay nagulantang na si Mang Domeng dahilan para kapain niya ang kaban ng kayamanan niya at higit sa lahat ang cellphone.

"May tao ba diyan? Kung sino ka man, maawa ka. Ibalik mo ang kinuha mo."

Pero ang babae ay hindi pala isang snatcher. Ang pangalan niya ay Shane. Isa lang siyang normal na babaeng nasa edad 24. Ngayon, ang tanong niyo siguro ay ganito. Ano ang interes ni Shane sa cellphone ni Mang Domeng? Hindi niya itinakbo ang cellphone. Pinagmasdan niya lang ito na tila ba may kamukha itong cellphone.

"Nandiyan ka pa ba? Kung nandiyan ka pa, maawa ka na. Ibalik mo na sa iyan sa akin. Kung naririnig mo ako."

Gusto sanang sabihin ni Shane kay Mang Domeng na hindi siya isang magnanakaw kaya lang ang masakit na katotohanan ay isa siyang pipi. At mas higit pa rito ay lumalaki ang pagnanais niyang itanong sa bulag na si Mang Domeng kung saan o kanino niya nakuha o napulot ang cellphone.

Kaya naman, hindi magkandaugaga na naghanap si Shane ng tagapagsalita niya. Pero ang mga tao ng Balay-balay ay abala at nagmamadali kaya wala silang pakialam. Hanggang sa...

"Hindi kita maintindihan! Pipi ka ba!?" ang sigaw ng babaeng nakuha ni Shane.

Agad namang tumango si Shane.

"Ano ang kailangan mo!? I-text mo na lang sa hawak mong cellphone!"

Tinext ni Shane ang gusto niyang hinging tulong, "Pakitanong naman sa matandang bulag na iyon kung saan niya nakuha ang cellphone na ito. Salamat."

At itinuro ni Shane si Mang Domeng.

"Manong, saan niyo po ito nakuha!?" pasigaw na  tanong ng babae kay Mang Domeng nang ipakapa niya sa bulag ang cellphone.

"Kinuha mo na nga iyan sa akin, sisigawan mo pa ako. Apo, pwede bang wag mo akong sigawan. Matanda na ako pero malinaw pa ang pandinig ko," ang sagot ng pulubi.

At nagtext muli si Shane at ipinakita ito sa kasama, "Bakit mo siya sinigawan? Hindi niya tuloy sinagot ang tanong ko."

"Sorry ah! Bingi kasi ako," ang paliwanag ng babae.

"Ganoon ba apo. Bakit mo nga pala itinatanong?" ang singit ng matanda sa pag-aakalang ang bingi lang ang tao roon at ang bingi ang kumuha ng cellphone niya.

"Ang cellphone na iyan ay ibinigay sa akin ng isang lalaki," dugtong ng matanda.

At nang marinig ito ay agad na pinuntahan ni Shane ang phonebook ng cellphone at doon ay nahanap niya ang pangalang hinahanap niya- Ron.

"Nasagot ko na ang tanong mo. Ibalik mo na iyan," sabi ni Mang Domeng.

At naiyak si Shane.

"Hoy bakit ka umiiyak?" tanong ng bingi.

"Dalawa pala kayong magnanakaw," puna naman ni Mang Domeng.

At isinalaysay ni Shane sa text ang kwento na magsisimula talaga ng lahat.


"Ang cellphone ng bulag ay cellphone ng dati kong boyfriend."

"Wag ka ngang ganyan! Naalala ko tuloy ang past ko! Teka nga, maupo muna tayo sa tabi nitong si lolo! At isa pa, ano bang pangalan mo!? Kanina pa tayo nag-uusap pero hindi tayo magkakilala! O, ako nga pala si Ellie!"

At tinext ni Shane ang pangalan niya. Hinila niya si Ellie at iniwan na muna nila si Mang Domeng at nagpunta sa isang tindahan para bumili ng papel at ballpen. Siyempre, pinabasa ni Shane sa cellphone ni Mang Domeng ang text para sa tindera upang si Ellie ang bumili. Ito ay dahil sa naisip ni Shane na mas mabilis silang makakapag-usap sa papel. At sa papel ay naikuwento niya ang buhay-pag-ibig niya.

"Ang cellphone na ito ay sa dati kong boyfriend."

"Anong nangyari!?" tanong ni Ellie.

"Patay na siya. Namatay siya sa isang bagyo."

"Aw! Ok lang iyan! Ako nga eh! Hindi naging kami kasi ganito ako! Bingi!"

"At ako naman naging pipi."

"Teka, akala ko ba hindi naging kayo kasi namatay siya!?"

"Iba pa ang sinasabi kong lalaki."

"Wow ah! Ang ganda mo! Oh!? Ano naman ang kwento niyan!?"

"Na-in love ako sa kapatid ng boyfriend kong sumalangit nawa."

"What!? Paano!?"

"Isang araw ay bigla na lang akong bumalik ako sa bahay ng boyfriend ko. Noon ay mahilig kaming manood ng pelikula, ang paborito namin sa lahat ay ang Amelie."

"Pwede ka bang wag ka nang magpaligoy-ligoy!?"

"Pinindot ko ang doorbell at ang sumalubong sa akin ay ang kapatid niyang nakikita ko lang dati sa picture. Magkamukha sila. Akala ko kasi ay naroon pa siya."

"Wait! So hindi mo alam na namatay ang boyfriend mo noon!?"

"Napilitan kaming lumipat ng bahay sa tita ko sa ibang probinsya dahil lubog na kami noon sa utang. Hindi na kami noon nakakabayad. Nang naka-graduate ako, naisipan kong balikan ang dati naming lugar at ang una ko talagang pinuntahan ay ang bahay ng boyfriend ko. Ilang beses akong pumindot ng doorbell- minu-minuto, oras-oras, araw-araw. Ilang beses kong hinintay na ang lumabas ay ang boyfriend ko pero hindi. Ang naroon lang ay ang kapatid niya na sa wakas ay nakahuli sa akin at noon ko lang nakita sa personal at nakilala. Pilay ito. Naka-wheelchair."

"Naka-wheelchair!? Siya ituloy mo na nga!" udlot ni Ellie.

"Nang mahuli ako ng kapatid niya ay gusto kong itanong kung nasaan ang kapatid niya pero hindi ko magawa. Pipi ako. Pipi. Naisip ko na siguro ay ayaw na akong labasin ng boyfriend, na may iba na siya. Malungkot akong umalis pero gaya ng kapatid ni Ron ay napakabait ng kapatid niyang si Ace.

"Ace pala ang pangalan niya! O siya go!" udlot na naman ni Ellie.


Niyaya niya akong magpunta ng bahay nila kinabukasan at doon ay nagkaroon ako ng pag-asang makita si Ron. Pero nawala iyon dahil nang gabing iyon ay nakasalubong ko ang isang kaklase namin noon ni Ron at doon ko nalamang patay na ang hinahanap kong boyfriend.



Noon ay nagdalawang-isip pa ako kung pupunta pa ako sa bahay nila Ace. Kasi pumunta man ako ay wala na doon ang hinahanap ko. 

Pero hindi ko magawang tanggihan ang kapatid ng boyfriend ko lalo pa at nakikita kong mag-isa lang ito sa bahay. Iyon ang dahilan kung bakit late akong dumating sa kanila. At kung makikita mo siya, naglinis talaga siya ng bahay gaya ni Ron noon at ginamit niya noon ang pabangong gamit din ni Ron noon. Sa lahat ng kukunin niyang CD, iyong Amelie pa. Ang paborito naming pelikula ni Ron.At noon ay minahal ko si Ace at alam kong minahal niya rin ako.

Pero hindi niya kahit kailan nalaman na isa akong pipi. Ang alam niya lang mahiyain ako, hindi palaimik, may lihim na problema. Hindi ko magawang magsabi ng "I love you" o "I love you too" sa kanya sa personal. Hanggang text lang. At naisip ko na baka magalit siya sa akin kung sasabihin kong pipi ako. Nagsinungaling ako. Nagsinungaling ako. Naglihim ako kay Ace ukol sa amin ng kapatid niya. Kahit pangalan ko ay nilihim ko kasi alam niya noon na may girlfriend ang kapatid niya noon na ang pangalan ay Shane. At ako iyon. At kung sasabihin ko ang pangalan ko ay magtataka siya.

Hanggang sa tinanong na niya ako kung pwede niya ba akong maging girlfriend. Kinanta niya ang paborito kong kanta, ang kanta na madalas din kantahin sa akin ni Ron, pero hindi ako makakanta. Pipi ako. Pipi. Napaiyak ko siya. Nasaktan ko siya. Ang tanga-tanga ko. Hindi ko man lang siya tinext. Tapos eto, bumalik na ako rito sa Balay-balay."

At pipi man si Shane ay isang malakas na hagulgol ang isinandal niya kay Ellie, kay Ellie na handa nang ikuwento ang buhay-pag-ibig niya hindi lang dahil sa nais niyang ikuwento kung hindi dahil sa may narinig siyang isang maliit na detalye na gusto niyang kumpirmahin kung tama ba o mali ang kanyang kutob. At alam natin ang sagot.

"Ako! Nagulat ako noon nang ang isang lalaking naka-wheelchair ay sumilip mula sa aming bintana habang tumutugtog ako ng piano!"

"Lalaking naka-wheelchair?" gulantang na tanong ni Shane sa sarili.

"Naabutan ko siya noon na nakapikit, taimtim na nakikinig sa aking pagtugtog! Tinanong ko siya kung ano ang kailangan niya pero bingi ako! Malakas ang boses ko! Hindi ko naririnig ang mismong ako! 

Nagsalita siya pero hindi ko narinig kung ano ang nais niyang sabihin kaya inulit ko ang tanong ko! Hindi ko malalaman kung ano talaga ang kailangan niya kung hindi siya tumingin sa piano na nasa loob ng bahay namin noon. Gusto niyang tumugtog ng piano!

Pinapasok ko siya sa bahay at habang naghahanda ako ng makakain namin ay sinabihan ko siyang tumugtog! Tumugtog siya at kahit hindi ko narinig kung nasa nota ba siya ay pinalakpakan ko siya! 

Nagkamali ako nang tanungin ko siya kung gusto niya pang kumain! Di ko man lang naisip kung gusto pa nga ba niya o kung gusto talaga niya ng cookies at kumuha agad ako! Nagtanong na lang ako sa kanya kung saan siya nakatira at nang sumagot siya ay tumango na lang ako kahit  hindi ko alam ang sinabi niya!

Dahil dito ay sinabihan ko na lang siyang tumugtog muli at kung alam lang niya na habaang pinapanood ko ang mga daliri niya at tinitignan ko ang mga nota ng piyesang tinutugtog niya ay doon pa lang alam ko nang mali ang mga notang tinatamaan niya! Pero pinalakpakan ko pa rin siya!

Nagpaalam na siya at nagulat ako nang bumalik siya kinabukasan! At ang pagpunta niya sa amin ay naging araw-araw! At mula noon ay hindi na ako nagulat pa dahil sa bawat araw ay hinihintay ko siya! At doon ay alam kong mahal niya ako at mahal ko na siya. Sabay kaming tumugtog ng piano! Nang humarap siya akin ay hindi ko narinig ang sinabi niya pero nabasa ko ang mga labi niya! I love you iyon! Alam kong I love you iyon! Kaya sumagot ako ng I love you too!

Nagpintura kami ng pader hanggang sa naglaro at nagbasaan kami ng pintura na parang mga bata. Nahulog siya sa sahig, nagpanggap na patay at bigla niya akong hinalikan. At nang minsan ay may sinabi siya sa akin na hindi ko narinig! Napayuko ako at doon ko lang napansin na hindi ko man lang nalaman ang pangalan niya dahil nga sa kausap ko lang siya sa personal at hindi sa text at dahil nga doon ay kung nagpakilala man siya ay hindi ko narinig! Hindi ko man lang alam kung bakit hindi niya kinuha ang number ko!


Gusto ko man siyang puntahan sa bahay nila para kausapin, hindi ko rin alam kung saan siya nakatira! 


Hindi na niya ako binalikan kaya naman hindi na ako nakapagpaalam sa kanya na lilipat na kami ng bahay dahil sa nalipat dito sa Balay-balay ang kompanyang pinagtatrabahuhan ng tatay ko!"




"Teka, ang sabi mo di ba ang lalaking minahal mo ay naka-wheelchair? Pwede ko bang malaman kung saan ka nakatira nang  makilala mo ang lalaking ito?" tanong ni Shane kay Ellie gamit ang papel.

"Blk 11 Lt 7 Barangay Batingaw-"

"Ngayon alam ko na kung bakit hindi niya kinuha ang number mo," sagot ni Shane sa papel.

"Bakit!?" tanong ni Ellie.

"Dahil magkapitbahay naman kayo!" ang pagbubunyag ni Shane na may exclamation point talaga nang isulat sa papel.

"Paano ka naman nakasigurado!?" follow-up question ni Ellie.

Matagal na katahimikan. Natigilan si Shane na tila ba ayaw isulat ang sagot sa tanong ni Ellie. Pero hindi, may karapatan si Ellie na malaman ang totoo.

"Dahil iisa tayo ng taong minahal."

"Huh!?" gulantang na reaksyon ni Ellie na malakas na nga ang boses dahil sa pagkabingi ay lalo pang lumakas.

"Ang bahay niyo doon ay katabi lang ng bahay ng boyfriend ko noon at lalo at higit sa lahat, ng taong minahal natin. May pag-asa pa kayo. I-text mo siya. May number niya ako," sagot ni Shane.

"Natatakot ako! At paano kung iba na ang number niya?" pangamba ni Ellie.

"Subukan mo lang!" pilit ni Shane.

"Bakit ikaw!? Hindi mo na ba siya mahal?" tanong ni Ellie.

Pero hindi sumagot si Shane. At inilabas niya ang cellphone niya at tinext ng blank message si Ace pero hindi ito nag-send. Wala siyang load.

"Wala akong load," paliwanag ni Shane.

"Paano iyan!?" tanong ni Ellie.

Nagkatinginan sila at sabay silang napatingin kay Mang Domeng at sa cellphone nito.

"Lolo, may load po ba kayo!?" tanong ni Ellie.

"Lagi," sagot nito.

"Pa-text po ah!" pagpapaalam ni Ellie.

At nag-send si Ellie ng blank message gamit sa number na naka-save sa cellphone ni Shane at laging gulat niya nang i-send ang message sa number. Naka-save ang number ni Ace sa cellphone ni Mang Domeng! Naka-save ito bilang FORBIDDEN.

"Sino po si FORBIDDEN Mang Domeng?"

"Isang taong galit sa akin."

"Sino po?"

"Noon ay malala ang sakit ko at nasabi ko noon na baka sandali na lang ang itagal ko. Pinasulat ko sa isang nagdaraan ang number ng cellphone na meron ako at sabi ko bahala na siya kung saan niya iiwan ang sobre. At nag-text na nga sa akin ang taong iyon. Hindi ako nagpakilala. Naging interesado ako kung sino ang nakatanggap ng sulat ko hanggang sa pakiramdam ko ay nais niya na rin akong makilala nang tanungin niya ako pabalik kung saan ako nakatira.

Hindi ko naman puwedeng sabihin na isa akong bulag na pulubi at hindi rin ako puwedeng mag-imbento ng isang katauhan. Hindi ko puwedeng sabihing mayaman ako at hindi naman talaga kaya naman nag-imbento ako ng isang misteryoso at mahiwagang katauhan kung saan mas magiging interesado pa siyang ituloy ang pag-uusap namin.

Nakagawa ako ng kung anu-anong kuwento para lang itago ang totoong ako at ang mga nangyayari gaya na lang ng pagpapaalis sa amin ng mga pulis sa dati naming lugar. Hanggang sa gusto na niya talaga akong makatagpo at doon ay alam ko na kung saan patungo ang lahat- sa katotohanan. Kaya naman nang magtanong na siya kung saan talaga ako nakatira ay sinabi ko na ang totoo. Hindi na ako nagtaka sa reaksyon niya."

Nang matapos ang sanaysay ni Mang Domeng ay mahabang translation din sa papel ang ginawa ni Shane para kay Ellie.

"Hindi niyo po ba alam na ang taong nakausap niyo ay isang lalaki!? Ang lalaking minahal naming dalawa!?"


Part V: The Fourth Idiot

Niyaya ni CJ si Ace na panoorin ang isang box-office hit sa sinehan na ang title ay Tres Amores. Hango umano ito sa totoong buhay. Trending ito. Maraming kinilig. Maraming nasaktan at naluha. Maraming nagulat sa twists at coincidences. Maraming nainis sa bidang lalaki na si Edward. At sa maraming ito, ang pinakanakaramdam ng mga nasabing damdamin ay si Ace.

Nangungusap sa kanya ang pelikula na ginawa niyang wallpaper ang movie poster, gumawa ng paper ukol sa pelikula, at inulit-ulit ang pelikula. Parang buhay niya ang itinatanghal. Buhay-pag-ibig. Sinasagot ng pelikula ang mga tanong niya noon ukol sa tatlong tanga na minahal niya. Hindi na siya makapaghintay na maglabas ng mga interview ang tv, radyo at internet ukol sa inspirasyon ng pelikula na gagawan na rin pala ng libro at TV series at nominated pa sa international awards gaya ng Oscars at Cannes.

Sa totoo lang ay nag-set na siya ng appointment sa writer na ito. Ngayong Sabado sana. Subalit isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap. Biyernes, isang araw bago ang nakatakdang pagkikita nila, ay dumating ang isang bagyo. Na-postponed ang pagkikita nila. Na-move ito ng next month dahil nagpasya ang writer, kasama ang cast at direktor ng paborito niyang pelikula, na mag-conduct ng outreach program at fundraising para sa mga nasalanta.

Kaya niya namang maghintay ng isang buwan. Kung saan sa pag-ibig nga ay naghihintay pa rin siya, bakit hindi sa ganitong kasimpleng appointment? At natapos nga ang paghihintay. Nagkita sila, nagkamay, nagpa-picture siya at sinabi ang nais na malaman ukol sa paborito niyang pelikula. Makakatulong ang documentation at interview na ito sa research paper niya. At aba, siya pa lang yata ang nakakadaupang-palad ng writer. Nauna pa yata siya sa reporters, researchers, dj's, at journalists sa tv, radyo, broadsheets, at tabloids. Siya palang ang makakaalam ng lihim ng writer, ng pinaghugutan at inspirasyon nito.

"So Sir, ano po ang inspirasyon niya sa pagsulat ng isang napakagandang pelikula? Buhay niyo po ba ito?"

"Maraming nag-aakala na buhay ko ang pelikula. Pero hindi, nag-research ako, naghanap ng magandang kwento at nahanap ko sa aming lugar ang perpektong kwento- ang pagkakaibigan ng isang pipi, bingi, at bulag, na pinagtagpo ng tadhana para isalaysay sa isa't isa ang kanilang buhay-pag-ibig, pag-ibig na inalay lang pala nila sa iisang tao, sa isang tanga! Biruin mo, mahirap isipin kung paano sila nagkaintidihang tatlo. Ganoon sila katiyaga sa isa't isa. At ang maganda pa rito, ang pelikula ay walang binawas o dinagdag mula sa nakalapo ko. Maging ako ay wala nang kailangan pang baguhin sa kuwento. Ang pagtatagpo nila ay pambihira, maging ang pag-ibig nila," paliwanang ng manunulat.

"Sir, may mga larawan po ba nila kayo o kahit anong galing sa kanila? Makakatulong po ang mga ito sa documentation ko," wika ni Ace.


"Oo naman. Meron. Eto oh, larawan nilang tatlo. At ito, ikaw, ang unang makakakita at makakahawak nito, ang cellphone ni Mang Domeng," ang sabi ng manunulat sabay abot ng picture at cellphone.

At nang makita ni Ace ang picture ay iba na ang naramdaman niya. Tumulo ang malamig niyang pawis. Namumukhaan niya ang dalawang babae. 

Kinalkal naman ni Ace ang cellphone. Marumi ito. Walang laman ang inbox, outbox, drafts o sent items. Tinignan niya ang phonebook at bumungad sa kanya ang pangalan niya at nang makita niya ang number ay doon nangilid ang luha sa kanyang mga mata. Number niya nga ito! At ang cellphone na hawak niya ngayon ay ang cellphone na minsan ay nag-send sa kanya ng isang blank message na hindi niya pinansin.

"Ah oo nga pala. May isa lang palang dinagdag sa kuwento. Pero bago ang lahat, hindi ka ba nagtataka kung bakit pumayag agad ako na i-meet ka?"

Tahimik si Ace na hindi natin alam kung alam na ba niya ang sagot o hindi.

"Ganito kasi. Ang nag-iisang dinagdag sa kuwento ay ang pangalan ng lalaking bida sa pelikula. Nang itanong ko ang pangalan ng taong minahal nila, hindi sila pumayag. Maaaring na-delete nila ang messages pero hindi ang contacts nila. Ang hula ko kasi ay hindi pa nila nade-delete ang pangalan ng taong iyon sa contacts nila. At nang tignan ko ang contacts nila, nakakatuwang naroon ang pangalan mo Ace," paliwanag ng writer.

At nadagdagan ang luhang nangingilid sa mga mata ni Ace.

"Taga-saan po kayo? Taga-saan po sila? Puwede ko po ba silang makita?"

"Gaya ng nasabi ko, kababayan ko sila. Oo, puwede mo silang makita."

At nabuhayan ng loob si Ace pero binawi rin ito agad ng writer.

"Kaya lang hanggang ngayon ay hindi ko pa sila nahahanap."

"Huh? Akala ko po ba magkababayan kayo?"

"Akala ko ba nag-conduct  ka ng konting research at background check sa akin? Taga-Balay-balay ako."

At nang marinig ni Ace ang pangalan ng lugar ay tila kidlat na pumasok sa alaala niya ang balita ukol sa bagyo. At doon ay naalala na niyang isa ang Balay-balay sa nasalanta ng ngayon ay sikat na storm surge. Kaya pala nag-cancel ng appointment ang writer ay upang tumulong sa mga kababayan nito. Dito lang din niya naintindihan ng lubusan ang nais sabihin ng writer.

"Isa sila sa mga hindi pa nakikitang katawan. Hindi pa rin naman tapos ang paghahanap sa mga nawawala."

Sa isang iglap ay nanghina si Ace sa kanyang wheelchair. Umikot ang paningin niya at doon ay naalala niya ang lahat.

"Last question Sir, ano ang natutunan niyo mula sa kanila? Ano ang nais niyong ibahagi sa lahat ng tao ukol sa kanila?"

"Ang pag-ibig ay pipi. Ang pag-ibig ay bingi. Ang pag-ibig ay bulag. Kung ganito ang pag-ibig, mas nanaisin ko pang maging isang pipi, maging isang bingi, o maging isang bulag..."

At dinugtungan ito ni Ace sa utak.

"Ang pag-ibig ay tanga at kung ganito ang pag-ibig, mabuti pang maghanap ng kutsilyo sa kusina at itutok ito sa leeg."

Nasa ganitong sitwasyon si Ace nang biglang...

Ding dong!

Eto na naman ang pasaway na doorbell.

Nang buksan niya ang pinto ay laking gulat niya. Ang writer ng pelikulang dahilan kung bakit siya magpapakamatay. Patayin ko na kaya ito gamit ang kutsilyong ito. Abala eh. At aba, siya rin naman ang nagsulat ng pelikulang dahilan para magpakamatay ako.

"I just received a phone call from the Balay-balay search and rescue team and hope you are still interested about this news..."

"About what Sir?"

"About the three people you are looking for..."

"Ano Sir?" kabadong tanong ni Ace at naliligo na siya sa malamig na pawis.

Juan. Two. Three. Four.

"They are..."
* * * * * * * * * *

Ito ang kuwento ni Ace na isang tanga, si Ace na nagpanggap na pipi, nagbingi-bingihan, at nagbulag-bulagan, si Ace bilang isang nawawalang character sa isang pelikula na kung tawagin ay buhay-pag-ibig, isang pelikulang nangangailangan ng part 2.


Image Sources:

http://www.threehorizonsproductions.com/index.php/hitchcocks-vertigo-and-the-supernatural-illusion/jimmy-stewart-hanging-on-roof/