Sunday, November 3, 2013

Hangin

Carl Baswel

Napuwing ako sa dalang alikabok ng hangin pero hindi ko naman maipikit ang mga mata ko.

* * * * * * * * * *

Binabagtas namin noon ang isang shortcut na mas kilala bilang Gerand Street. Nagtatago ang buwan sa likod ng mga ulap na di namin alam kung tamad lang sa kanyang duty o isa siyang manghuhula na alam ang magaganap noon. Ang lamig naman ng hangin noon ay tila isang paniki dahil ito ay para bang nagtago noong umaga pero lumabas naman sa gabi. Sinisira ng aming tawanan ang katahimikan ng gabi pero kami ay dinadaig ng mga aso na di tulad ng buwan ay magpupuyat na naman para maging mga tanod ng gabi. Patay na ang ilaw ng kabahayan at malalim na ang tulog ng mga tao dahil mukha namang hindi sila binabagabag ng kompetisyon sa pagitan ng aming tawanan at ng tahulan ng mga aso.





"Pare may lighter ka ba diyan?" tanong ni Charles sa akin.

"Eto oh," sambit ko sabay abot ng lighter mula sa aking bulsa.




At sa apoy na pinakawalan ni Charles sa lighter ay maaaninag ang kanyang itsura- ang buhok ay parang isa siya sa members ng Beatles, kasing pula ng T-shirt niyang suot ang kanyang mga mata, at maputla ang mga malalapad na labi.

"Oy Ace, kamusta kayo ni Trina?" tanong ni Charles kahit nakaipit sa mga labi ang yosi.

"Iyon- ganoon pa rin," sagot ng kausap.

"Ganoon pa rin?"

Akma sanang sasagot si Ace pero hindi ito natuloy dahil ang nabitawan niya ay isang malutong na...

"Oh shit!" sabay titig sa tsinelas niyang malapit nang mabutas dahil pudpod na.

At nagkatinginan ang lahat. Nakaapak pala ito ng bubble gum. Naglakad ito pero parang glue ang kapit nito sa tsinelas niya. Ilang lakad pa at nakahanap siya sa tapat ng kanal ng isang lugar para ikudkod ang bubble gum sa sementadong sahig. Nagliliyab siya sa galit- kasing liwanag ng ilong ni Rudolf dahil sa tigyawat niya sa ilong na namumula dahil ilang ulit niyang binalik na tirisin, nagsasalubong ang dalawang kilay, at litaw na ang mga buhok ng bigote na tanda ng edad.

"Pare, nauuhaw ako. Anong oras na ba? Wala na bang bukas na tindahan?" tanong sa akin ni Ace.

"Naiihi ako. Baka gusto mo?" biro ko.

At iginuhit niya sa hangin ang paborito niyang dirty finger habang ako naman ay humiwalay na para pumuwesto sa pader ng isang bakanteng lote kung saan maaaring ilabas ang aking kargada at doon jumingle.

Nakapuwesto lang ako noon sa damuhan at tila nilalandi ng hangin ang mga damo para pakatihin ang aking mga binti kaya naman agad ko nang tinapos ang seremonya at binalikan ang mga naghihintay kong katropa.

Iyon pa rin pala ang usapan ng mga ogag- sa kung saan pwedeng uminom. Sakto namang iyon ang topic ay may nakita si Ramgen na lata ng Pepsi at hindi na kami nagtanong kung bakit niya sinipa iyon dahil iisa lang ang nasa isip naming lahat noon, "Painggit ang latang ito."

Sa paglipad ng lata ay sinalo ito ni Ace na sinundan naman ni Charles. Pinilit kong makiagaw pero kumbaga sa football, sila ang star players. Natapos na lang ang lahat ng ang lata sa pamamagitan ng huling sipan ni Ramgen ay napunta sa isang agaw-atensyong poste na may patay-sinding ilaw. Litaw sa liwanag ang nunal sa leeg ni Ramgen, ang kanyang maliliit na mga tenga, at ang mahaba niyang baba.

At dumaan ang malamig na hangin na nagpatahimik sa lahat pero hindi sa aming mga balahibo sa katawan. At para mawala ang hindi maipaliwanag at walang kadahilanang kaba ay binasag ko ang katahimikan.

"Sige mga tropa, uwi na ako. Ang tagal na nating naglalakad eh. Baka pagalitan na ako ni Mama."

"Teka teka. Uuwi ka na? Ang aga pa ah," pigil ni Ace sabay kapit sa aking balikat.

"Eh ano pa ba ang gagawin natin dito?" tanong ko na pilit binabasa ang nasa utak ni Ace sa pamamagitan ng pagtingin sa kanyang mga mata.

"Eh pare, pagagalitan na nga ako eh. Di na nga ako pinayagan ni Mama na sumama sa inyo eh tapos ganito pa uwi ko," hirit ko.

"Sige pare, ganito na lang. Pag nagawa mong tumayo sa tapat ng posteng iyon sa loob ng isang minuto, sige umuwi ka na. Pero walang pikitan ah. Di ka rin pwedeng sumigaw," sagot ni Ace sa tono na parang member siya ng frat kasabay ng pagturo niya sa posteng ilang metro rin ang layo sa amin.

Napalunok ako ng laway. Sa isip ko ay ano kaya ang sumapi sa ogag na ito. Iyon lang pala eh. Iyon lang pero bakit tumatayo ang mga balahibo ko sa batok? Bakit ang tigas at ang bigat ng katawan ko na parang estatwa? Bakit di ako makagawa ng kahit isang hakbang para ipakita ang pagkalalaki ko?

"O baka naman titili ka?" kantiyaw naman ni Ramgen.

"Kayo muna," hamon ko para itago ang pagkaduwag ko.

At nanahimik sila nang ibalik (o ipasa) ko ang hamon sa kanila. Nagkatinginan kung sino ang gagawa o unang gagawa hanggang sa napako ang tingin namin sa kanina pang tahimik na si Charles.

"Bakit ako?" mainit na tanong at tanggi ni Charles sabay bitaw sa yosi niya para apakan ito.

"Sige na, wala nang KJ. Para namang walang pinagsamahan eh. Gagawin din naman namin eh. Di ba?" sambit ni Ace sabay pakawala ng isang di siguradong tingin sa amin ni Ramgen na napilitan na lang tumango.

"Siya siya, sige na nga. Isang minuto lang di ba?" tanong ni Charles.

At nang gawin niya ang una niyang hakbang ay mas kinabahan pa kaming tatlo. Nagbilang ako sa isip...

35... 36... 37... 38... 38 hakbang ang nagawa ni Charles.

At nakatayo na siya sa ilalim ng liwanag.

Sumenyas na si Ace sa pagtaas ng kanyang cellphone hudyat na nagsimula na ang timer.

"Oh ano? Eto lang pala eh," pagyayabang ni Charles habang nakatingin sa amin. Wala man siyang relo ay tinitignan niya ang kanyang braso na para bang meron para inggitin kami sa posisyon niya at ipakita ang inip. Nagsasayaw ito at kumanta kanta pa na parang ulol.


Pero ang yabang niyang ito ay napawi ng ilang segundo pa ang nakalipas. Nakita na lang namin na sinisilip niya ang likod ng poste at sumusulyap na rin sa kung gaano kami kalayo na para bang may nais i-check at hanapin. Nang makahanap ng wala ay bumalik sa dating puwesto. Nagdaan na naman ang malamig na hangin. At nakita na lang namin na nakatitig si Charles sa paanan niya sabay pakawala ng isang makahulugang tingin sa amin, isang tingin na para bang may ayaw siyang paniwalaan.

At naramdaman namin ang naramdaman ni Charles- takot.

Isang kisap-mata lang ay humahangos na patakbo si Charles. Ang agad niyang sinugod ng tingin ay ang bandang paanan nami. At doon ay nakita niya ang hinahanap...

Naroon ang upos ng yosi na hinithit niya!

Nanlaki ang kanyang mga mata na tila lalong naguluhan.

"38 seconds, pare. Kalahati na pero..." pang-aasar ni Ace.

Pero naputol ito ng isang malabakulaw na sigaw ni Charles at ng kanyang putol-putol ring usal na di ko alam kung para sa amin o para sa sarili niya.

"Ba-ba-bakit? Na-nasa may poste ito ah. Naamoy ko! Naamoy ko! May naninigarilyo sa may poste! Akala ko nga ay isa sa inyo eh!"

Mukha mang baliw si Charles ay naniniwala kami sa kanya. Una, matagal na siyang naninigarilyo kaya alam niya kung may naninigarilyo rin malapit sa kanya. Ikalawa at mas mahalaga, nararamdaman namin ang nararamdaman niya. At nanginig ang mga tuhod namin.

"Ang weak mo naman pare eh. Oh eto, taymeran mo ako ah," sigaw ni Ace saboy abot sa akin ng cellphone niya. Di katulad ni Charles ay excited na tumakbo si Ace papunta sa poste sabay bigay sa amin ng rock-and-roll fingers. Ayaw ko man ay napilitan akong sumenyas at pindutin na ang keypad ng cellphone para simulan na ang timer.

Agad hinanap ni Ace ang sinasabing yosi ni Charles pero mawala siyang mahanap.

"Sinungaling ka pala pare eh," sigaw nito.

"Hindi! Nakita ko talaga!" siguradong sagot naman ng inakusahan.

At nagdaan na naman ang malamig na hangin.

At nanahimik si Ace. Pero nang maalala niya ang isang nalimutan at nawawalang detalye ay napatingin na rin siya sa amin, kaparehong tingin na ginawa ni Charles. Subalit hindi katulad ng nauna, nagtanong ito. Sa mga mata palang nito ay nagtatanong na ito- lalo kay Ramgen.

"Pare, hindi ba dito mo huling sinipa iyong lata?"

"Oo. Bakit?" nagtatakang sagot ng tinanong.

At walang anu-ano ay nanakbo paalis sa kinatatayuan si Ace, mas mabilis pa sa ginawang takbo kanina ni Charles pero sa gitna ng umaatikabong pagtakbo ay napatigil ito na parang may naapakang pandikit. Bumagal man ang takbo nito ay nakabalik naman ito ng ligtas.

"Pare, 59 seconds," sabi ko kay Ace.

"Ikaw! Tinago mo ang lata no? Nasaan ang lata? Tinago mo habang umiikot sa poste kanina di ba!?"

Galit si Ace na para bang batang dinaya sa isang laro. Pero isang iling lang ang sagot ng akusado. At nang maalala ni Ace na tanungin ang sarili kung ano ang naapakan sa pagtakbo, tinignan niya ang magkabilang tsinelas at doon ay nalaman niyang ang dalawa niyang tsinelas ay parehong nakaapak ng bubble gum na di naman naapakan ni Charles.

"Ikaw!? Kayo!? May nakita ba kayong bubble gum dito kanina?"

Pero walang sumagot.

"Oh sino na?" tanong ko kay Ramgen na parang ayaw na ring tumuloy.

Nilabas ko ang aking piso at hinalikan ito. Tinanong ko si Ramgen.

"Oh pare para fair, ikaw muna. Tao? Ibon?"

"Tao."

"Siya ibon ako."

At hinagis ko na ang piso, umiikot-ikot pa sa ere at agad kong sinalo ng aking palad at tinago sa isa pang kamay.

"Paano ba iyan? Tao," pagyayabang ko na para bang kami lang ni Ramgen ang naroon at wala ang dalawang nauna.
           
Napalunok si Ramgen na para bang nagtatanong kung kailangan pa bang gawin ang hamon na iyon, na kung pwede ay tawagin na lang siyang duwag kesa pumunta pa sa poste.

Tahimik. Nakatayo lang noon si Ramgen sa may poste. Nagdaan na naman ang hangin. Naiinip na si Ramgen. O siguro ay mas akmang sabihing kinakabahan.

"Konti na lang pare," palubag-loob ko kay Ramgen.

Pero nagulo ang konsentrasyon nito. At gaya ng mga nauna, tumakbo ito. Pero masuwerte si Ramgen at nakatalikod na siya dahil hindi niya nakita ang nakita namin.

Isang madilim na imahe ang nakadungaw mula sa likod ng poste, mga mata lang ang kita, nanlilisik.

"Lata! Lata! May nagpapatunog ng lata!"




Di kami natakot sa sinabi ni Ramgen pero natakot kami sa nakita namin, sapat na takot para paandarin ang aming mga paa palayo sa lugar na iyon. Sa aming apat, ako ang pinakamabilis na tumakbo, sobrang bilis na di ko namalayang naiiwan na sila, di ko namalayang wala na akong kasama sa pagtakbo.

Agad kong kinapa ang aking bulsa at kinuha ang cellphone doon pero ang cellphone na nakuha ko ay hindi akin kung hindi ang cellphone ni Ace na hindi niya nakuha sa akin dahil sa ako ang nagsilbing timer. Oo nga pala, 13 seconds ang time ni Ramgen. Pero nasaan ang cellphone ko? Ang tanong na ito ay biglang naglaho dahil sa pagnanais kong tawagan ang mga nawawala kong kasama para tanungin kung nasaan na sila. Ang tinawagan ko ay si Charles.

"Charles!? Charles! Si Lloyd ito! Nasaan kayo?"

Pero ang sagot nila ay tila sibat na pumana sa akin.

"Huh? Nasa party pa rin."

"Party?"

"Oo. Bakit? Nakauwi ka na ba sa inyo? Nagtext ang nanay mo kanina at sinabing di ka pa rin nakakauwi."

At may sumingit pang boses, boses ni Ace.

"Oo nga. At pare, ibalik mo ang cellphone ko. Nagkamali ka siguro ng dampot dahil sa pagmamadali mong umuwi. Mama's boy!"

Natigilan ako. Di na ako sumagot kahit naririnig ko pa rin ang "Hello?" ni Ramgen.


Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay bumubulong ang isip ko, "Eh sino... Sino... Si-"

At naputol ito nang tila isang pader akong hinarang ng isang pamilyar na imahe, ang imahe na nakita "naming" nakadungaw mula sa likod ng poste!

Nakatago ang isa nitong kamay na tila may hawak sa likod at agad ko rin namang nalaman kung ano, palakol. At sa isa pang pag-ihip ng hangin ay...

Matapos ang mga nangyari ay mas nagulantang pa ako sa aking nalaman. Hindi pala ako umalis sa lugar na kinatitindigan ng poste, ang posteng pinaglaruan "namin" pero ako pala ang nilaro. Hindi pala ito isang poste. Isa itong puno ng balete.

Ikaw? Kilala mo ba kung sino ang mga kasama mo ngayon? Kung kilala mo man sila, sigurado ka bang sila iyan?

Ito na lang ang masasabi ko dahil nagdidilim na ang paningin ko. Hindi ko naman ipinipikit ang aking mga mata. Inihip ng hangin ang isang pahina ng diyaryo sa ulo kong dilat pa rin. Siguradong mahahanap ako ng mga kaibigan ko bukas. Siguradong hinahanap na ako sa amin. Pero ang hindi nila mahahanap ay ang katawan kong duguan at nangungulila sa napugot na ulo. Dinilig ko ang puno at ang hangin ay umihip ng malakas pero hindi sapat para matanggal ang diyaryo sa aking ulo, hindi sapat para matuyo ang dugo, hindi sapat para mawala ang manhid, hindi sapat para mawala sa puso ko ang misteryo ng punong katapat ko. Pero matigas ang ulo nito.

2 comments:

  1. Nice. Hindi talaga ako nagbabasa ng mga kakatakutan o thriller pero napabasa ako hanggang katapusan.

    ReplyDelete