Sunday, October 27, 2013

Ulan

JC Lipa



Walang tigil sa pag-ulan.

Sa katunayan, simula nang lumipat sina Mila sa bayan na ito  ay hindi na tumigil ang pagbagsak ng ulan. Minsan ay hihina nang bahagya at kadalasan itong nangyayari tuwing sinisimulan niyang kapain ang chords ng kantang kinakanta nila nang kanyang ama noong siya ay nasa high school pa lamang.



Tuwing umaga naman ay sinasalubong ng kanyang mga bagong gising na mata ang malakas at maingay na tunog ng ulan na halos panginigin ang kanilang bahay at buwalin ang puno ng mangga sa labas malapit sa bintana ng kanyang kwarto.

Gabi na at ang ulan ay patuloy pa rin sa pagbagsak. Iniharap niya ang kanyang sarili sa kanyang ‘diary’ at nagsimulang isulat ang bagay na patuloy at paulit-ulit niyang isinusulat araw-araw- ang Linggo ng pagkamatay at pagkabuhay. sapagkat patuloy iyong bumabagabag sa isipan niya. Sa kabilang kwarto  naman ay naririnig niya ang bawat hakbang na ginagawa ng kanyang ama sa pagsayaw ng sayaw sa Obando.

Minsan lang lumabas si Mila ng kanyang kwarto at kung lalabas man siya ay sinisigurado niyang wala na doon ang kanyang ama na sa tuwing dadatnan niya ay wala ng inatupag kundi sumayaw ng sayaw sa Obando.

Ayaw niyang makita ang kanyang ama ni marinig itong kumanta ng awiting matagal nilang inaral ang chords. Ayaw na niyang magbalik ang araw na iyon- ang paghimbing ng kanyang isipan noon na naging pataw sa mga pinagdadaanan niya sa ngayon.

* * * * * * * * * *

Madaling araw ng Linggo.

Nagising siya noon sa mahinahon pero sunod-sunod na mga katok. Sa isang tila hindi malinaw na dahilan, sumibol ang isang pagtataka na sinundan ng mabilis na pagtibok ng puso. Ang alam niya ay walang ibang tao sa bahay. Wala ang kanyang ina noon dahil sa mga oras na iyon, ito ay nagbebenta ng isda sa palengke at ang kanyang ama naman ay dala ang lambat para sumuong sa dagat. Ngunit ang pagkatok ay nagpatuloy.

Dahan-dahan ang ginawa niyang pagbangon mula sa papag na kasing lamig ng yelo na nilalagay ng nanay niya sa mga isda dahil sa walang humpay na pagbuhos ng ulan. Ng walang anu-ano ay kinuha niya ang posporo sa ibabaw ng la mesa at ginamit upang gawing alitaptap ang gasera nila. Pawisan man ang palad ng kanang kamay ay nagawa pa rin niyang buksan ang pinto at doon nagmula ang pagsabog ng liwanag at ang pagsagot sa tanong niya na sino.

‘Si Itay’ bulalas ng kanyang naguluhang isipan.

“Si Nanay nandiyan na rin ba?’’ tanong nito na pilit pinaghihilom ang kabang isinibol ng puso.

Hindi umimik ang kanyang ama bagkus ay pumasok ito sa kwarto at kinuha ang gitarang nakapatong sa la mesang kinalalagyan rin ng ‘diary’.

“Alam ko na… 'yong chords ng kanta? Itinuro sa’kin ni Pareng Nardo.” sambit ng ama.

Tumabi siya sa kanyang ama at pinanood ang bawat pagtipa nito sa strings. Ang bawat pagpatak ng ulan sa labas ay nasaliwan ng magandang himig kasabay ng mga kuliglig, himig na bumuhay sa natutulog niyang isipan at himig na nagturo ng isang aral na di niya malilimutan pero pilit niyang kinalilimutan.

‘O, hawakan mo’ sambit ng ama sa swabeng tono sabay abot ng gitara. Itinuro ang paghawak, pag-ipit sa mga strings at ang pagbuo ng mga notang tila dumuduyan sa buong paligid.  May paghangang nakatitig si Mila sa kanyang ama habang inilalagay nito ang kanyang mga kamay sa tamang porma. Ang mga mata niyang di niya alam kung mapungay nga ba o pumungay, ang ilong na tila tumangos, at ang labi na naging makipot Bumubulong ang kanyang nalalasong isip. Sa kabilang banda, lumakas ang buhos ng ulan.

Sa maikling sandali ay nagtagpo ang kanilang nangungusap na mga mata, ang mga isipan na tila nakalaya sa matagal na pagkabilanggo, at ang mga pusong inaalam kung ano ang tama. Nakalaya na rin ang gitara sa kanina pang pawisan na palad ng ama. Ito ay napaso sa papag na kanina ay malamig, ngayon ay nag-init gaya ng gasera na sumalubong sa tatay ng karibal nito ilang minuto ang nakalipas. At lumalakas ang ulan. . . Palakas nang palakas. At ang nangyari ay nakatala sa kanyang diary, tila isang tato na di mabura.

Matapos ang lahat, nakatingin na lamang si Mila sa mangga na matagal niya nang balak pitasin pero di niya mapitas dahil sa walang tigil na ulan. Naghihintay siyang mahulog ito. Wala na siyang magagawa. Kanina ay bumalik siya sa pagiging bata (pero bata pa naman talaga siya) na pumayag iduyan ng hangin, duyan na nakakabit sa  puno ng mangga at dahil sa hangin, ang mangga na nais niyang pitasin at kainin ay nahulog at nalamog. Ang masama pa, hindi sinabi ng hangin sa kanya na ang duyan na sasakyan niya ay may lamang mga pulang langgam. At ilang buwan lang, ang mangga na nahulog at nalamog ay nabaon sa lupa subalit nagsibol ng panibagong punla. Ang nangyari ay kayang tabunan ng lupa at anudin ng tubig-ulan pero hindi ng panahon, hindi ng puso.



Eto ngayon si Mila- nakatingin sa salamin, pinagmamasdan ang kanyang tiyan. Sa isang kisap-mata lang ay binasag ang salamin at nakatutok na ang isang piraso ng bubog sa kanyang tiyan. At gaya ng dati, may ulan pa rin. Tila binubulungan siya ng tunog na nanggagaling sa buhos ng ulan para ituloy ang malagim na balak.


Itinaas niya na ang piraso ng bubog at padausdog na ito sa tiyan niya nang narinig niya ang iyak-tawa ng matanda sa labas, patuloy pa rin sa pagsayaw ng sayaw sa Obando, nag-aalok na sabayan siya ng hangin pero magwawala naman agad na parang tinataboy ang bawat patak ng ulan kahit imposible.





Minsan pa ay dumating ang mga tanod upang awatin ito sa ginagawa nito. Patuloy pa rin ang pag-ulan hanggang sa tuluyan nang hinuli ang matanda, ang matanda na noon ay umuwi ng maaga hindi dahil sa wala siyang huli pero dahil siya ang nahuli ng asawa na namimingwit ng "sirena". Isa pa sa mga dahilan ng maaga niyang pag-uwi ay ang dalang balita ng asawa niya. Ito pala ay nagdadalang-tao na. Ang isda palang binebenta ng asawa niya ay ang sarili nito. At sumama na ito sa ibang "isda". Hindi ito nakakatawa dahil lingid sa kaalaman ni Mila ang negosyo ng mga magulang niya ukol sa "isda."

Linggo ngayon, gaya ng Linggo ng kanyang pagkamatay at pagsilang ng isang bagong buhay. Patuloy pa rin ang pagbagsak ng ulan. Sa kabila nito, lumabas siya dala ang isang bata na walang alam sa kahapon, nakabalot sa puting tela at nakahiga sa mga bisig ng ina. Naiwan ang gitara sa isang tabi at tinungo nila ang ilog na malapit sa puno ng mangga. Sa ilang segundo, nahulog ang isang bulok na bunga at ito ay inaanod na ng ilog. Dahil sa pagpatak ng ulan, hindi natin malalaman kung si Mila ba ay may luha sa mata o wala. Hawak niya ang bata pero dumudulas ang mga kamay niya...


Lagi siyang nananaginip ng isang lugar kung saan hindi laging umuulan, may mga kumakanta, at may mga nagsasayawan. Isa pa rin siyang musmos, iyakin, nais makalimot, nalilito kung musmos pa nga ba siya o hindi na, isang musmos na hindi na makakabalik sa tunay na mundo, hindi na maitatama ang mali at hindi na magpapatuloy ang buhay sapagkat nabubuhay na lamang siya sa panaginip.

At patuloy pa rin sa pagbagsak ang ulan.

Image Sources:
http://trinathsen.wordpress.com/2010/08/07/

2 comments: