Sunday, October 20, 2013

Utang

Joseph Galedo

Wow!

Ano ang lugar na ito? Isa akong hari at may mga aliping nagdadala sa akin ng mga pagkain. Nakahiga lang ako sa isang tela na naligo sa petals ng mga pulang rosas.

Pero may mali. Di ko alam ang lugar na ito. Nasaan ako?


* * * * * * * * * *

Tanda ko pa- si Juana, ang pagpulupot ng kanyang kamay sa aking kamay na tila isang baging, ang pagsandal ng kanyang ulo sa aking balikat, at ang pagtingin niya sa akin nang matagal na nagnanais ng lambing at agad namang magpapakawala ng isang ngiti na may hinhin at landi. Mabilis ang tibok ng puso ko. Di ko alam kung bakit. Kahit di ako manalamin ay alam kong namumula na ako. Di ko alam kung bakit. Araw-araw ay ganoon siya at araw-araw ay ganito ako. Iyon ang alam ko kung bakit. Masaya ako. Masaya siya. Masaya kami. Nagmamahalan. Ang pagmamahalan namin ay tila isang kabute na bigla na lang dumating, tila isang kabute na sa mula sa matandang kahoy ng pagkakaibigan ay umusbong, tila isang kabute.

Tanda ko pa. Noon ay sabay kaming gumagawa ng homework sa bahay nila. Nang biglang- may yabag ng mga paa, may kumatok, may kumakatok, palakas nang palakas na tila ba nais nang itulak ang pinto.

"Si Linda!" wika ko.

"Linda? May iba ka? Akala ko ako lang?" tanong ni Juana.

"Si Linda- ang maniningil ng utang."

"Utang? Nagbabayad naman kami ng tubig at kuryente. At saka bahay naman namin ito. Di kami umuupa. Ano ang gagawin natin?"

"Magtago tayo sa ilalim ng mesa. For sure manggugulo iyan. Maghahagis iyan ng mga gamit. Hindi siya makapasok sa pinto so bubutasin niya na lang ang bubong."

"Eh paano kung masira ang mesa?"

"Eh di takpan natin ang mga ulo natin."

"Eh kung lumabas na tayo sa backdoor."

"Pwede rin pero pag nasa labas na tayo, umiwas tayo sa mga puno, sa mga poste dahil iyon ang tambayan niya. Madali niya tayong mahahanap. Di natin kayang magtago. Di natin kayang tumakbo. At lalong di natin kayang lumaban. Wala tayong takas. Wala tayong ligtas. Andiyan na siya (creepy voice)."

At di na lang namin namalayan na kanina pa kami nag-uusap sa kung ano ang dapat gawin pero di naman namin ginagawa. Di namin namalayan na sinapian na pala kami ng panic. At nahuli kami ni Linda. Agad niyang sinubsob ang mukha ni Juana sa sahig at bang! Inuntog niya ito at ang walang laban na si Juana, ang aking Juana ay nabagok. Ang kabute ay nalanta at namatay. Nalunod ako sa lungkot at takot. Sana panaginip lang ang lahat.

Nagising ako. Panaginip nga lang ang lahat, panaginip na natapos dahil naalala ko lang muli ang lahat ng naganap na. Waalng panaginip. Lahat ay alaala. Lahat ay totoo. Naalala ko na ang mga sumunod na nangyari. Dahil gwapo ako, isinama ako ni Linda sa bahay nila. Na-kidnap ako. Marami kami. 

Nagising ako. Dilat naman ang mga mata ko pero madilim pa rin. Di naman siguro ako nabulag. Oo, di ako bulag dahil mali ang akala ko na isa akong hari na may mga aliping nagdadala sa akin ng pagkain. Isa lang akong pobreng pinipilahan ng mga langgam at ako pala ang pagkain nila. Mali rin ang akala ko na nakahiga ako sa isang tela dahil ang totoo, nakahiga ako sa matigas na sementadong lupa. Walang nagkalat na petals ng mga pulang rosas. Dugo, meron.


Wala akong kabaong. Pero ano ba ang pinagkaiba? Ganito rin naman ang paghiga sa kabaong- nakatitig sa taas. Oo, nakatitig pa rin ako sa taas. May Diyos. At madilim man sa sandaling ito, malapit ko nang masilayan ang liwanag. Alam ko. Sana. Ang hirap na kasi. Namamanhid, nangangati, napupuwing na ako rito. Malapit na akong tubuan ng kabute sa inip. Malapit na Juana.

Kung di ba naman tayo loko at ginawa na natin ang mga dapat gawin para makaligtas kay Linda. Oh Linda, ang tindi mo rin talaga no? Nang dumating ka, you turned my world upside down. Si Linda. Linda. Linda. Linda. Ang maniningil ng utang na kung tawagin ay buhay. Sa totoo lang ay di niya ako sinama sa bahay niya. Kinain niya ako. Sinundo niya ako pabalik sa kung saan tayo nanggaling- lupa.

Image Sources:

http://wallpink.com/boy-and-girl-falling-in-love-wallpaper.html
http://blacklemons.blogspot.com/2012/05/start.html
http://www.strangehistory.net/tag/buried-alive/

1 comment:

  1. I love the personification used in the story.

    ReplyDelete