Sunday, April 13, 2014

Buhangin

JC Lipa

Malamig man sa labas ay mas malamig naman sa loob niya. Yelo na ito.

Malamig ang hangin na dumarampi sa buo niyang katawan at pagkatao. Tila ba nahuli nang dumating ang hangin ng Pasko gayong Enero na ngayon. Sa isang banda, isang puno ng niyog sa labas ang matatag pa ring nakatayo sa gitna ng lamig.

Ayon sa mga sabi-sabi ay marami na ang namatay at nangangamatay sa lamig. Isa siya sa mga ito. At noon ay hindi niya napanood ang balita.

Tahimik sa labas subalit maingay ang loob niya.

* * * * * * * * * *

Noon ay agad siyang umuwi upang buklatin ang libro nila sa Araling Panlipunan at English; hinawakan ang pentel pen at nilatag ang manila paper upang isulat ang mga report niya para bukas- ang tatlong paring martir na binitay noon at ang kwento ukol sa kahon ni Pandora. Dito ay naalala niyang madalas siya noong gabayan ng nanay niya kung paano ire-report ang topic niya kapag may mga ganitong reporting sa kanila. Noon iyon.

At noon naman kapag walang mga report na kailangang gawin ay manonood sila ng TV. Kaya naman agad siya ngayong tumayo upang buksan ang TV. Balita. Puro balita. Ayaw niya ng mga balita. Walang maganda sa mga balita- mga nasalanta, mga aksidente, mga kurakot. Subalit sa kabila nito ay kinailangan niya itong buksan para lang basagin ang katahimikan.

Dumating ang tatay niya at nakita siyang nanonood ng TV. Agad nitong tinignan kung ano ang pinapanood ng anak at nang makitang balita ang palabas ay pinatay niya ito. Nagtama ang kanilang mga mata at agad na tumalikod ang ama.

"Gawin mo na iyang ginagawa mo."

Patlang.

"Nag-text nga pala si Kim. Kung may short story ka na raw sa Filipino?"

Patlang.

Upang basagin ang katahimikan ay binuksan ng tatay niya ang radyo.

"Bakit tila walang natira?" sabi ng awit ni Gloc-9.

Nang marinig ito ng ama ay nilipat niya ito agad sa isa pang estasyon.

"Bumilis na ang araw upang ako'y makabalik," wika naman ni Roel Cortez.

Napatitig siya sa ama niya, nalilito sa mga kilos nito. Nang tila nasundot na siya ng mga titig ng kanyang anak ay pinatay niya ang radyo at pinatong sa tabi nito ang isang chocolate bar.

Patlang.

Subalit sa loob niya ay naalala niya ang nanay niya na ilang kahon ng mga mamahaling chocolate ang pasalubong lagi para sa kanya.

Nang matapos niya ang pagsulat sa mga report niya ay agad niyang dinako ang luma nilang typewriter para simulan sana ang assignment sa Filipino subalit tila walang lakas ang kanyang mga daliri at pundido ang kanyang puso at isip.

Pinako niya muna ang tingin sa labas at pinakinggan ang tunog ng katahimikan na binabasag lamang ng ihip ng malamig na hangin. Matapos langhapin ang malamig na hangin ay isinara na niya ang bintana, naupo, pinako ang titig sa hourglass na katabi ng isang munting cactus na kapwa pasalubong ng nanay niya sa kanya at ngayon ay nakapatong sa may bintana nila, at doon ay sinimulang hawakan ang bawat titik ng typewriter upang palayain ang nagpupumiglas na diwa. Pinakawalan na niya sa wakas ang sarili na nakatikom man ang kanyang mga mata ay tila nakita niya ang mga titik na susi sa isang daigdig.

* * * * * * * * * *

"Nagising ako sa sinag ng araw na berdugo sa pagsilaw at pagpaso na agad din namang tinakpan ng isang anino. Isang babae. Buhanginan. Nasa buhanginan kami. Disyerto. Pawis na pawis ang babae. Balot na balot din ito ng isang itim na tela bagamat kita naman ang kanyang mga mata. Oo, pamilyar ang mga matang iyon. Ito ang mga matang huli kong nakikita noon bago matulog at una ko ring nakikita pagkagising. Ito ang mga matang hinahanap ko simula nang huli ko siyang makita sa airport. Ito ang mga matang hindi ko nakita kahit kailan umiyak.

At walang mga salita ay inalok niya sa akin ang kanyang kanang kamay upang alalayan ako sa pagtayo. At siya ay nagsimulang maglayag sa mga bundok ng mga buhangin gamit ang kanyang mga paa. Sumunod ako at hindi niya man lang ako nilingon o pinansin.

At sa ilang sandali ay may isang butil ng tubig na sa aking mukha. Hindi iyon pawis at lalong hindi iyon patak ng ulan. Nanggaling ito sa sarili kong mga mata. Isang patak lang na tila sapat na para ilabas ang damdamin ng pangungulilang matagal na inimbak sa puso at halos nang matuyo sa tagal ng panahon.

'Kailan ka uuwi?' tanong ko.

Patlang.


'Saan tayo pupunta?' tanong ko muli.

Patlang.

'Saan ka pupunta?' binago ko ang tanong.

At noon ay naramdaman ko na tila hindi na mauulit ang mga sandaling iyon.

'Bumalik ka na. Hindi na ako magiging makulit at pasaway. Hindi na ako magpapabili ng kung anu-ano. Hindi na ako magsasayang ng pagkain. Hindi na ako magiging tamay sa bahay at sa school. Hindi na ako hihingi ng anumang pasalubong. Bumalik ka na.'
Napatigil siya sa paglakad.

'Bumalik ka na. Bumalik ka na sa amin ni Tatay.'

At sa wakas ay tinitigan niya rin ako. At nakita ko rin sa kanyang mga mata ang butil ng tubig na kanina ay tila isang tigyawat na lumitaw sa mukha ko. Umiling siya. Ngumiti. Yumakap sa akin na para bang ayaw niyang makita ko ang mukha niya.

'Alagaan mo ang sarili mo. Mag-aral ka. Alagaan mo ang tatay mo. Mahal ko kayo. Mahal na mahal.' sa wakas ay sabi niya sa akin.

At lalo kong hinigpitan ang yakap ko sa kanya na para bang ayaw ko siyang mawala kahit na hindi ko alam kung bakit ganoon na lamang ang pakiramdam ko sa kanya.

Nakakatawa mang isipin at sabihin ay hindi ko namalayang isang cactus ang kayakap ko. Napalayo ako sa sakit na dulot ng mga mala-karayom na tinik nito na minsan ay naisip ko, nasasaktan din kaya ang mga cactus sa sarili nilang mga tinik."

* * * * * * * * * *

Ito ang short story na binasa niya sa klase nila sa Filipino ngayon.

Nang matapos ay naupo siya sa desk niya at naalala ang nangyari kagabi.

Habang nakatingin sa labas kagabi ay tinanong niya ang kanyang ama.

"May mga camel doon hindi ba?"

Patlang.

"Gaano ba kalayo ang Saudi Arabia? Bakit hindi natin siya puntahan?"

Patlang.

"Ano ba ang ginagawa niya roon? Kailan ba uuwi si Nanay?"

At umiling ang tatay.

"Bukas darating ang Nanay mo."

* * * * * * * * * *

Tapos na ang klase. Tapos na ang mga report ukol sa tatlong paring martir na binitay at sa kahon ni Pandora. Tapos na.

Pauwi na siya.

At doon ay nakita niya ang pasalubong ng nanay niya sa kanya- ang pinakamalungkot at pinakamasaya ring pasalubong ng nanay niya sa kanya na kay tagal niyang hinintay.

Hindi isang balikbayan box na may mga kahon din ng mga paborito niyang chocolate kung hindi ang nanay niya mismo- sa loob ng isang kahon.

Doon niya lang nakita ang tinatago nito sa mukha. Kasing kulay ng mukha nito ang talong na noon ay isa sa mga ibinebenta nila ng nanay niya. Ang sabi ay ni-lethal injection ito. May dalawa pa itong kasama. Lethal injection? Ano ba iyon?

At noong gabing iyon ay nakabukas ang bintana. Malamig sa labas subalit mas malamig sa loob niya. Yelo pa nga. Sa isang banda ay naroon pa rin ang puno ng niyog.

Napangiti na lamang siya dahil sa iniisip niya na at least wala na sa wakas ay nakaramdam ng lamig ang nanay niya matapos itong makibaka sa isang mainit na dako paroon. Sa wakas, nakauwi na ito.

Tinitigan niya buong gabi ang hourglass binabaliktad ito kapag puno na ang ilalim na bahagi. Paulit-ulit upang makita niya ang sarili niya sa loob na naglalaro kasama ang kanyang inang ngayon ay ninakaw na ng malamig na panahon sa isang mainit na disyerto na hindi nadaig kailanman ang init ng pagmamahal at yakap na alay nila sa isa't isa.

Image Sources:


http://fineartamerica.com/featured/jesus-return-jonathan-lysdahl.html

Sunday, April 6, 2014

My If's and My Means

-plumtree

i’m not used to tell people how i really feel..

so if i tell you i miss you,
i really do

if i turn my head down or stop talking..
it means i was hurt.

if i ask you, “where are you, are you busy?”
it’s because i want to call you and hear your voice..

if i call your name in repetition,
it was just my odd way of showing my affection.

if i pull your hair or tap you without any reason..
the real reason is for you to give me your attention.

if i ask, “do you have something to tell me?”
it means i’m open for conversation and i want to know your issues
about me, if there’s any.

if i ask, “are you okay?”
it means i’m here to help you..

if i want to eat ice cream with you..
all i want to say is that i need some company.

and if i show up in front of you that instant..
i’m really eager to see you.

and if i do post this as my fb status..
all i’m trying to say is that if i told you
“I Love You” believe me because I mean it.

Sunday, March 30, 2014

Ode to Summer

Toffer Garcia-Tiña

Summer, summer, I waited for you for ten months.
But now that we were together, what shall we do?
I failed the tests- shall I take those classes with you?
Take those classes? Of course not! We were together!
I want to earn so shall I apply for a job?
Have a job? Of course not! That was no fun to do!   
My friends are on the beaches so shall we also?
Go to the beaches? Of course not! I hate sunburns!
My friends are at home so shall we pay our visits?
Pay our visits! Of course not! Do not bother them!
I am broke so how then can we have our cold drinks?
Cold water? I always had cold water in dorms! 
I have these films here- shall we watch them together?
Watch films again? We already did it last time!
Summer, summer, shall I sit and read books again?
Summer, summer, shall I just take a nap instead,
Dream of you and I in places we never reached,
And things we never did yet and never had yet?
Summer, summer, what a boring old friend you are!
Summer, summer, I waited for you for ten months.
But now that we were together, what shall we do?
Summer, summer, I had always wait for you dear
But when we were together, the question remains:
What shall we do? What shall we do? What shall we do? 

Tuesday, March 25, 2014

The Unread Speech

Lyod Conchas

Ang high school ang masasabi kong isa sa mga mahahalagang bahagi ng aking buhay.

Ang pagdaan sa high school ay tila isang pagsakay sa tren.

Tila matagal ang biyahe sa simula subalit sa pagtatapos ay magtatanong ka kung bakit ang bilis.

Hindi mo alam na ang isang pagkakataong nakita mo ang mga kaibigan mo ay apat na taon na pala.

Hindi mo alam na ang lahat ng mga nadaan mong "tanawin" ay mga alaala na lamang pala na iyong iniiyakan at tinatawanan na tila isang baliw. Ang mga iyon ay maaaring mga bagyong sinubok ka, mga dahon ng aral na hinubog ka, o maging mga hangin ng kalokohang nilanghap mo nang matagal.

Sa loob ng tren ay natuto ako hindi lamang mula sa mga librong aking binabasa habang naghihintay na makarating sa baban subalit ang mga tanawin sa labas at ang mga taong nasa loob ang higit na nagturo sa akin ng mga aral ng buhay na hindi tulad ng bilis ng tren ay hindi kahit kailan masusukat.

Sa loob ng tren ay nakilala ko ang mga guro na hindi lamang matiyagang tumayo para iabot sa akin ang baso ng kaalaman, subalit tinabihan din ako bilang mga kaibigan sa tuwing ang tanawin ng buhay ay mausok o maalikabok.

Sa labas naman ng tren at sa bawat pag-uwi ay ang aking mga magulang na batid ko ang hirap para lamang ihatid ako lagi sa tren.

Ang mga taong ito ang nagturo sa akin ng mga tamang pagpapatakbo ng tren na kung tawagin nga natin ay buhay- katapatan, sipag, tiyaga, disiplina.

Sa araw na ito ay pababa na tayo ng tren na hindi ko namalayang apat na taon kong sinakyan.

Ang estasyon para sa tagumpay ay isang sakay pa. Ito ay dahil sa isa pang tren ang dapat nating sakyan- ang kolehiyo. Kaunting hintay pa. Kaunting hirap pa.

Ang lihim? Wag nating tanawin ang dulo. Maghanap tayo ng aliw at inspirasyon sa mga tanawin sa labas at maging sa mismong loob ng tren. Hindi mahalaga ang destinasyon. Ang mahalaga ay ang paglalakbay.

At matapos nito, tayo na ang magpapatakbo ng sarili nating tren.

Nawa ay ating patakbuhin ang tren ng buhay nang walang pagsasayang sa oras at nang walang nasasagasaang mga tao.

Nawa ay ating hingin ang gabay ng imbentor ng tren na kung tawagin ay buhay.

Nawa ay sakyan natin ng buong sigla ang bagong tren ng buhay.

Nawa ay matuto tayong lumingon at bumalik sa pinanggalingan.

At tandaan niyo ito.

Kapag nagkita-kita tayo, hindi lang ako pasahero ng isang tren. Ako na mismo ang may-ari at ako na rin ang nag-ayos ng tren.

Isang pagbati para sa ating lahat!

Maligayang pagtawid sa panibagong tren ng buhay!

.

.

.

At ito sana ang nais na ibigay sa atin ng aking anak sa araw na ito- ang tren ng buhay, buhay na nawala nang kahapon siya ay masagasaan mismo ng isang tren. Subalit ang sabi nga niya, hindi mahalaga ang destinasyon. Ang mahalaga ay ang paglalakbay.



Image Sources:

Sunday, March 16, 2014

Ave Maria

Hersam Sato

Sa inyo ang letra "o" at sa amin ang letra "a."

Lasinggero, lasinggera, bungangero, bungangera. 

Sa inyo ang "er" at "or" sa amin ang "tres."

Waiter, waitress. Mister, mistress. Actor, actress.


Him at her, his at her, himself at herself.

Ano ba ang pinagkaiba? Pareho namang may H.

Ang yabang ninyo:

The word woman came from the word man.

But ang sabi ko:

The man is a part of the word woman.

Hindi ako si Cinderella na yumaman dahil kay Prince Charming!

Nagtatrabaho ako!

Hindi ako si Snow White na kailangan pang halikan ng prinsipe para lang magising!

Hindi ako si Sleeping Beauty!

Hindi nga ako natutulog eh! Pero maganda pa rin ako.

At oo, sexy ako pero wag mo akong titigan lagi na parang saging ako na nais mong balatan.

Hindi kami pampalipas-oras lang o kaya naman ay isang bisyo na parang porn.

Subalit hindi rin kami iyong ipinagpapalit na lang.

Hindi lang puro manika ang kaya kong laruin.

Kaya kong magluksong-baka at makipagtakbuhan.

At kaya rin kitang laruin kung ako ay iyong lalaruin.

At kung ako ay iyong sasaktan, makikita mo.

Mas iiyak ka, masasaktan, at magmamakaawa kapag ako ang nanakit sa iyo.

Malandi ako? Eh ikaw nga nambababae.

Kaya kong magpuyod, kaya kong maglugay.

Kaya kong magpakulot, kaya kong magpa-straight.

Kaya kong magpa-tan, kaya kong magpaputi, kaya kong mag-make up...

Pero hayaan mong linawin ko:

Kayumanggi pa rin ako.

Kaya ko lahat iyon pero kaya mo rin pala.

At ngayon tatanungin mo ako:

Kaya ko bang magpakalbo?

At ang sagot ko:

Bakit hindi? Gayong halos malagas ang buhok ko kanina nang ito ay hilahin mo sa galit.

Ano pa ngayon ang susuklayin ko? Ano pa ang susuyurin ko?

Ano po ang malalagyan ng shampoo?

Gusto ko ba ng lipstick?

Kahit wag na dahil madugo na ang labi ko sa pagsapak mo sa akin kanina.

At hayaan mo, napulbusan at nameyk-apan ko na ang mga pasa ko.

At hayaan mo ring sabihin ko sa iyo:

Hindi lang tandang ang gumigising sa umaga at tumitilaok!

Ang inahing manok din!

Ang inahing manok ang lumilimlim sa mga anak!

Ang inahing pusa ang naghahanap ng mapupugaran habang walang pakelam ang asawa!



Wala ang asawa nang isilang ang mga anak! Wala nang siya ay nahihirapan!

Kaya kong maglaba ng damit natin kahit na ang damit mo nga lang ay hindi mo malabhan.

Kaya kong tiisin ang init sa labas para magsampay.

Kaya kong tiisin ang init ng plantsa.

Kaya kong tiisin ang init sa kusina para magprito at magsaing. Ang mga tumitilamsik na mantika kung saan takot ka at sanay ako.

Pero ang hindi ko maatim- ang pasuin mo ako ng sigarilyo.

Kaya kong mag-alaga ng bata dahil may pasensya ako.

Kaya kong maghugas ng pinggan pero hindi ang magbulag-bulagan.

Kaya kong magwalis pero sinasabi ko:

Hindi ko itinataboy ang grasya sa buhay mo.

Lagi siyang nasa bahay natin. Bahay natin, hindi bahay mo. Kaya nga may housewife di ba?

Hinahanap mo ang Maria Clara?

Eto at lagi mong kasama pero hindi mo mapansin.

Eto at hindi mo na makilala dahil sa mga pasa.

Kaya kong manahi- ng damit mo, ng sugat mo. 

Kaya kong mamalengke.

Kaya kong gawin lahat ng iyon pero hayaan mong sabihin ko:

Tao ako, hindi octopus!

Lola mo ako kaya igalang mo naman ako. Magmano ka at alalayan mo ako sa pagtawid.

Nanay mo ako, hindi alila.

Asawa mo ako, hindi alipin.

Ate mo ako, hindi kita prinsipe.

Yaya mo ako hindi muchacha.

Kasambahay. Alam mo ba ang kahulugan nito? Kasama sa bahay.

Katulong. Alam mo ba ang kahulugan nito? Oo? Eh bakit hindi mo ako tulungan?

Tulungan mo ako, wag tulugan, ikaw na batugan!

At ngayon magagalit ka sa bunganga ko.

Ilaw ako nang tahanan. Wag mo akong pundihin!

Feeling ko nga kahit kasal pa tayo ay diborsyada na ako eh!

Feeling ko nga kahit umuuwi ka pa ay single mom na ako eh!

Oo, mahal ko ang parlor kaya narito ako at dumadalaw.

Mahal ko ang parlor dahil ito ay pahingaan at hindi bilangguan.

At hayaan mong sabihin ko- may mga lalaki rin sa parlor!

At sila pa ang nagsilbi sa akin!

At sila rin ay naka-pink!


At kung di mo ako hahayaang lumabas ay sana naging sirena na lang ako, lumpo, walang paa.

At gusto ng mga sirenang magkapaa.

At gusto ng mga aswang na maging malaya rin sa umaga.

At sa gabi pa nga ay hindi na sila makalabas ng bahay dahil nag-aalaga sila ng mga anak.

Sana nga minsan ay tangayin na lang ako ng isang magic carpet at siya na lang ang asawahin ko.

Ang aking buhok ay iyong itirintas pero wag higpitan na parang sintas.

Ang aking buhok ay ipitan, wag naman sabunutan.

Lalaki ka ba talaga?

Ang tanong mo:

Bakit hindi ka lumaban?

Ang tanong ko rin:

Bakit ka nang-aapi?

Bigyan mo ako ng pamaypay pero hayaan mong sabihin ko:

Kaya ko rin sa mainit!

Bigyan mo ako ng lotion subalit hayaan mong sabihin ko:

Kaya ko ring maputikan at mangitim sa gitna ng bukid.

Kaya ko ring humawak ng lupa at grasa.

Bigyan mo ako ng bulaklak subalit hayaan mong sabihin  ko:

Kaya ko rin sa mabaho.

Kaya kong mangisda at kaya ko sa palengke!

Bigyan mo ako ng mga paru-paro subalit hayaan mong sabihin ko:

Kaya ko rin sa malangaw.

Maarte ako, sabi mo nga, at may ladies' first pa.

Subalit hindi pa ba sapat na ang sabi niyo:

Kami ang unang lumabas sa kawayan?

At hindi pa rin ba sapat na sa mga title kayo lagi ang una?

Julio at Julia, It Takes A Man And A Woman.

Hindi pa ba sapat na noon ay kasama akong sinunog nang buhay nang ikaw ay namatay?

Kawawang balo!

Sabi niyo:

Kayo ang nililigawan at dapat kami ang gumawa ng first move.

Ang sabi ko naman:

Kaya rin namin!

Nagrereklamo ka:

Bakit kami ang laging nakaupo sa charity?

Ang sa akin naman:

Hayaan mong maupo kami.

Nagrereklamo ka:

Bakit kami ang laging nakatayo sa MRT?

Ang sa akin naman:

Ipagsigawan mo ang iyong reklamo! At sige, hayaan mo kaming tumayo!

Hayaan mong ipagmalaki namin na kaya naming maging mapagbigay at mapagkumbaba.

Birhen ako at inosente pero hindi mangmang.

Kung may dala akong banga, hindi ko ito inaangat. Kinakaladkad ko ito.

Kung kaya mo, kaya ko. Kung kinaya mo, kakayanin ko rin.

Kung kaya ni mister, kaya ni misis!

Sabihin mo naman sa akin, maganda ako.

Isa pa, "Maganda ka!"

Lakasan mo pa, "Maganda ka!"

Ulit-ulitin mo, "Maganda ka!"

At kita mo? Kaya rin kitang utuin kahit minsan. At oo, maganda ako. Beauty queen eh.

"Mirror mirror on the wall, who is the fairest of them all?"

At lalabas ang aking pawisang mukha.

Kinikilig ako at kaya kong ipakita iyon sa mga kaibigan ko. Ikaw, kaya mo ba?

At kayo ba, kapag kayo ay kabit, may tawag ba sa inyo?

Kerida ba kayo? Mistress?

Ang banta mo sa akin:

Sapakin kita eh!

Ang buwelta ko naman:

Sampalin kita eh!

Bayagan kaya kita!?

O hampasin ng sapatos na may takong!? At oo nga no, hindi mo kayang magtakong!

Hindi mo rin kayang mag-bra.

Hindi mo rin kayang mag-gown at magpalda.

At oo, nakapalda ka nang tinuli ka.

Ang pagmamalaki mo:

Matapang kami!

Ang sa akin naman:

Nireregla kami. Matibay kami!

Kami ang may dala sa iyo. Kami ang may bahay-bata.

Sa hirap ng buhay, hindi ako nagpa-abort. Hindi kita pinalaglag. Hindi kahit kelan sumagi sa utak ko.

Maaga akong nabuntis pero ang sinasabi ko sa iyo:

Pananagutan natin itong dalawa.

Ang sabi mo naman:

Hindi ako handa.

Nabuntis ako. Kaya mo ba iyon?

Umere ako- nanganak. Kaya mo ba iyon?

Hindi ko pinaampon. Hindi ko binenta.

Nagpalaki ako ng anak!

Hindi ikaw ang bumuo sa anak natin! Oo anak natin at hindi mo anak! Tayo ang bumuo sa kanya!

At ikaw, kabahagi kita ng pusod noon.

Subalit ang sabi mo nga:

Pambahay lang ako.

Ang sabi ko naman:

Hindi ako damit.


Kung kaya niyong maupo sa trono, kaya ko rin at nakatayo pa, lumalaban nang may dilaw na laso at meron pa ngang rosaryo!

At isa pa, kung kaya niyong mangurakot at maupo sa wheelchair ay kaya ko rin!

At hindi ba babae ang Inang Bayan?

At makakapagwagayway ka ba ng watawat kung hindi ko ito tinahi?

At kaya rin naming humawak ng baril at magpaputok.

At sabi mo kapag kami nag-asawa, nagbabago kami.

Miss nagiging Misis.

At buong pagmamalaki mong sasabihin:

Pinapalitan namin ang apelyido niyo.

Ang sagot ko:

Pinapalitan niyo pero hindi tinatanggal. 

At bakit kaya kahit kami ang tinatawag, ang guys ang salita? Bakit hindi girls?

At kung papipiliin nga ako, sana maging ladybug na lang ako.

Magtatanong ka na parang may swabeng pick-up line:

Bakit?

Para kapag nag-asawa ako nang isa pang ladybug, ladybug pa rin ang tawag sa akin.

At sa mga tomboy, ang tanong sa atin:

Bakit kayo ganyan?

Batuhin natin sila ng tanong:

Bakit hindi?

Minsan naitanong ko:

Nakakakita ba talaga ang aleng nakapiring at may dalang timbangan at espada?

Kung tanggalin ko kaya ang piring niya?

Bingi rin kaya siya?

May kapitbahay akong nasapak na naman ng mister niya!

May dalaga na sabi ng balita ay na-rape!

Maraming white lady!

Minsan pa nga ay tinawag mo akong, "Magdalena."

Kung ganoon ay sino ang mangangahas na maunang magtapon ng bato?

Minsan pa nga ay tinawag mo akong "kalapating mababa ang lipad."

At iyon nga eh. Lumilipad ako. May pangarap ako.

At diwata ako, engkantada.

At minsan ay tinawag mo pa akong pokpok, prostitute, Prosti the Snowman, G.R.O.

G.R.O? Alam mo ba ang meaning niyan?

Naubos kasi ang baboy sa palengke.

Wala nang laman sa palengke. Nasa night clubs na.

Minsan ay tinawag mo akong Sisa.

Oo, baliw ako. Binaliw mo ako.

At nabaliw ka rin noon sa akin nang sagutin kita matapos ang gatambak na roses, chocolates, love letters at cards na bigay mo sa akin.

Minsan pa nga ay tinawag mo akong tukso. Eva! Delilah!

Pero kasama kita noong nangyari iyon! At minahal mo ako!

Maingay ka. Madaldal ako. Ano ba ang pinagkaiba?

Umiihi kami nang nakaupo.

Pero hayaan mong sabihin ko:

Nagpapataasan din kami ng ihi!

Sasabihin mo:

Nagpaparamihan kami ng pandesal sa katawan.

Hayaan mong sabihin ko:

Ako ang nagtitimpla ng kape para sa pandesal na kinakain mo sa umaga.

Hindi ba at nagpapalaman ka pa nga ng Ladies' Choice sa pandesal mo.

At kung alam mo lang, Ladies' Choice ang tatak ko para sa iyo at hindi Ladies' Toys!

Sasabihin mo:

Nagpapalakihan kami ng muscles sa dibdib.

Hayaan mong sabihin ko:

Kami rin!

At isa pa, kaya mo bang magpasuso?

Ang dibdbib ko ang ginawa mong laruan at punching bag tuwing ginagawa natin iyon.

Ang dibdib ko ang sandalan mo! Mapagmahal! Mapagkalinga!

Sa dibdib ko, doon ko unang nasubsob!

Ang dibdib ko ang bumuhay sa iyo!

Ang dibdib ko ang balon na salukan ng buhay!

Ang dibdib ko ang straw nating lahat!

Ang dibdib ko na ngayon ay may cancer.

Minura mo ako at naroon pa rin ako.

Natakot ka at tinawag mo ako:

Inay ko po!

Mahal mo nga ako at ayaw mong aminin dahil ayaw mo itong ipakita. Ayaw mong padaig.

Tapos buong pagmamalaki mong sasabihing:

"It's a man's world!"

Hindi iyon ang mundo.

At hindi iinog ang mundo ko sa iyo.

Atin ang mundo.

Lalaki ka, babae ako.

Mahal kita kaya mahalin mo rin ako.

Iginagalang kita kaya igalang mo rin ako.

Tinutulungan kita kaya tulungan mo rin ako.