Sunday, February 9, 2014

C.R.

Roselle Gestiada

Berdugo man ang araw sa panlalatigo ay marami pa ring tao sa parke.

Isa rito si Carlos na noon pa man ay inangkin na ang isang bakal na bangkong nasa parke.

Naupo si Carlos sabay lapag ng tatlong puting rosas sa bangko at laglag ng sigarilyo sa sementadong bahagi ng parke. May isang bolang gumulong sa kanyang paanan at sa harapan niya ay bumungad ang isang batang tila naghihintay na ibalik ang bola subalit sinipa ito ni Carlos nang mas malayo.

Samantala ay marami rin namang magsing-irog sa parke dahil sa malapit na ang Valentine’s.

“Sino ba kasi ang nag-imbento ng Valentine’s Day? Wala namang kwenta.”

Matapos nito ay napabuntong-hininga si Carlos sabay lapat ng kanyang mga palad sa magkabilang pisngi.

Nilagay niya ang kanang kamay sa sandalan na para bang may inaakbayan. At doon sa bandang kanang iyon ay namasdan niya muli ang pangalan niya at ang pangalan ni Lea- may puso sa pagitan ng mga ito.

Si Lea. Si Lea na nakaburda sa bigay nitong itim na panyo sa kanya na ngayon ay pamunas na lang niya ng pawis at hindi ng kanyang mga luha noon.

Si Lea. Hindi siya nito kilala subalit ito ang unang lumapit sa kanya nang malaman niyang namatay na ang kanyang inang buong buhay niya ay siyang nag-gapang sa kanilang magkakapatid.

Si Lea. Dito siya sa parke umiyak pero dito rin siya nito pinangiti.

Si Lea. Dito siya nag-alay ng tatlong pulang rosas dito. Dito nila inukit ang kanilang mga pangalan pangako na mapupuno ang bangko ng pangalan ng kanilang mga magiging anak. Dito sila nagkita upang sabay na magtungo sa pagdiriwang ng San Nazareno kung saan nagawa nilang makipagsiksikan upang mababasbasan lamang ang kanilang mga panyo.

Si Lea. Dito. Dito siya naghintay kay Lea isang araw para sa kanilang date. Dito niya nalaman mula sa nanay nito na ito ay sumama na sa kanyang ina. Dito niya isinubsob nang mahigpit sa mukha ang itim na panyong bigay ni Lea upang labhan ito gamit ang luha.

At dito. Dito siya ngayon nagpipigil ng luha dahil kay Lea, dahil sa nanay niya, dahil sa walang dahilan ang lahat!

* * * * * * * * * *

Matapos iwan ang tatlong puting rosas sa bangko ay tumayo ito upang maghanap ng maiinom. Sa vending machine ay naghulog ng barya at lumabas mula rito ang soda.

Lagok. Lagok. Lagok. Matapos ay naghanap si Carlos ng basurahan subalit tila naglakad yata ang basurahan at hindi mahagilap.

Sa pag-ikot ng ulo ay nakita niyang may basurahang malapit sa isang C.R. na tulad ng sa mga mall ay may pambabae at may panlalaki. At oo nga, ito ang una niyang pinuntahan sa parke kasama ang nanay. Noon pa nga ay akala niya iisa lang ang C.R. para sa mga babae at mga lalaki.
Pagkalaglag ng lata ay pumasok na si Carlos. Iba na talaga ngayon. Wala na ang amoy ng Albatross at ito napalitan na ng panghi. Wala na ang malasalaming tiles dahil sila ay nabahiran na ng tila hindi matatanggal na putik.

Pumuwesto si Carl sa isang urinal at habang umiihi ay napatingin siya sa katapat niyang pader.

"HAWAK MO ANG KINABUKASAN."

"Iba na talaga ngayon," wika ni Carlos sa isipan.

Nang matapos ay lumabas at sa paglabas ay talagang napasabi na ng mga salitang, "Iba na talaga ngayon."

* * * * * * * * * *

Sa paglabas ay nahulugan siya ng tuyong dahon ng mangga sa ulo. Tumingala siya at nakita niya ngang may puno ng mangga roon na kanina naman bago siya pumasok ay wala. Napansin rin ni Carlos na ang sahig ay buhangin at hindi sementado.

Inusisa ni Carlos ang panibagong kapaligiran- mga batang naghahabulan. At sa isang tabi ay namasdan niya ang bangko nila ni Lea. Wala itong kalawang. Wala na ang tatlong puting rosas. Wala na ang pangalan nila ni Lea. Ang naroon lang ay isang batang lalaking umiiyak dahil sa sugat nito sa tuhod.

May kung anong himig ang hangin noon na nagtulak kay Carlos upang lapitan ang bata. Tinabihan niya ang bata.

"Ayos ka lang?" usisa ni Carlos.


Subalit isang marahang iyak lamang ang sagot ng bata at dahil dito ay napaisip ba si Carlos sa tanong niya.

Nangapa si Carlos sa kanyang bulsa, tinitignan kung ano ang dala upang maibigay sa bata.

Ang dala lang niya ay ang itim na panyo ni Lea.

"Ito oh," alok ni Carlos sa bata ng panyo.

Tinanggap ng bata ang panyo at nagsimulang magpunas ng luha. Nakita naman ni Carlos na panay pa rin sa pagbuga ng dugo ang bitak-bitak na tuhod ng bata.

Walang anu-ano ay dahan-dahang kinuha ni Carlos sa bata ang panyo at gaya ng turo ng kanyang nanay noon ay inikot ito nang madiin sa sugat.

Habang isinasagawa ito ay nagtanong siya sa bata.

"Nasaan ba ang nanay mo?"

"Nasa C.R. po."

At sa pagbubuhol ng panyo ay sabay pakawala ng isa pang tanong.

"Eh ang tatay mo?"

Yumuko ang bata at nangusap ang mga mata nila sa bawat isa.

"Wag ka nang iiyak ah," wika ni Carlos at siya ay tumayo upang halukayin ang buhok ng bata gaya ng laging ginagawa ng nanay niya sa kanya. Siya ngayon ay parang isang tatay, isang tunay na tatay na hindi niya nakamtan kahit kailan.

"...Wag ka nang iiyak dahil malayo iyan sa buto, sa puso. Kapag ikaw ay nagmahal, mas masakit pa diyan. Kung pwede nga lang ay sana maging bata ka na lang habang buhay. Marami ka pang iiyakan. Marami."

Subalit ang mga linyang ito ay naglipana lamang sa isipan ni Carlos.

Matapos nito ay tumakbo ang bata na parang walang nangyari kaya sa gulat ni Carlos ay napatanong.

"Saan ka pupunta?"

Sandaling tumigil ang bata upang lumingon at magsalita sa kanya.

"Kay Nanay po. Sasabihin ko pong ayos na ako. Sasabihin kong hindi po lahat ng lalaki ay masama."

Lumiko ang bata sa kanan, C.R. ng mga lalaki.

"Sandali. Wala diyan ang nanay mo."

Humabol si Carlos sa bata at nang pumasok muli sa C.R. ay napaisip kung ang bata ba ay isang multo o hindi. Inisa-isa niya ang pagbubukas sa bawat stall subalit wala. Isa ngang multo ang bata. Hindi man lang niya naitanong ang pangalan nito.

At sa paglabas niya sa C.R. ay daig pa ni Carlos ang nakakita ng multo dahil sa panibagong sorpresang hatid sa kanya ng tadhana.

* * * * * * * * * *

Sa paglabas ay naghintay si Carlos ng dahong malalaglag. Subalit wala. At sa pag-angat niya ng ulo ay wala na rin ang puno ng manggang kanina ay naroon. Wala na rin ang mga bata.

Tahimik ang parke at kaisa nito ang matandang lalaking nakaupo sa kanyang pinakamamahal na bangko. May hinihintay ito.  

At mula sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay naglakad si Carlos palapit sa matanda.

Sa paglapit naman niya ay tinawag siya nito.

"Apo. Samahan mo naman ako rito."

At si Carlos ay naupo sa tabi ng matanda at doon ay nahanap niya ang pangalan nila ni Lea sa bangko. Kakaiba ang katahimikan. Kailangan niyang magsalita.

"May hinihintay po ba kayo rito lolo?"

"Oo. Si- Sarah," sagot ng matanda sabay turo ng nakaukit na 'SARAH' sa isang bahagi ng sandalan.

Patlang ng katahimikan muli. At upang may masabi lang muli ay nagsalita na naman si Carlos.

"Anong oras na po?"

"Alas singko. Bakit iho, may hinihintay ka rin ba?"

"Ah, wala po."

"Bakit naman wala? Malapit na ang Valentine's ah."

"Wala na po."

"Maaari mo bang ikuwento? Kung ayaw mo ay ayos lang naman din."

Nag-ipon ng lakas si Carlos saka nagsimula.

"Noon po ay may isang babae. Itago na lang po natin sa pangalang Juliet at isa pong lalaking tawagin na lang po nating Romeo..."

At sinayaw ng hangin ang mga salitang nagsalaysay sa kuwento ni Carlos at Lea. Nakinig naman ang matanda. Hindi nila namalayan ang panahon at hindi naman namalayan ni Carlos na hinila na rin ng hangin ang kanina pa niyang mga pigil na luha.

"Kung ganito lang sana ang tatay ko sa akin. Kung ganito lang kami," wika ni Carlos sa isipan.

Natigil lang ang luha nang mag-abot ng isang itim na panyo ang matanda kay Carlos.

"Eto oh."

Nagbigay si Carlos ng makahulugang tingin sa panyo at agad namang ibinaling ang makahulugang titig na ito sa matanda na noon ay nakatingin sa malayong kalangitan na nagpinta na ng ginto at dugo sa sarili.

"Tibayan mo ang sarili mo Apo. Wag ka nang iiyak ah."

At nagtayuan ang mga balahibo ni Carlos sa braso.

"Noong bata ako ay narito rin ako sa bangkong ito. Gaya mo, umiiyak," pagpapatuloy ng matanda.

"...May lumapit sa aking isang lalaki at nagbigay ng panyong iyan sa akin. Hindi ko naisauli. Alam kong mahalaga para sa kanya ang panyo."

At binuksan ni Carlos ang itim na panyo at sa ilang mga bahagi nito ay may mga mantsa, mga mantsa na tumaklob sa isang natatanging tahi.


"Nagpunta ako sa nanay ko noon at ikinuwento ko ang lalaking iyon.  Napangiti ko ang nanay ko," dagdag pa nito.

"...Wag ka nang iiyak dahil malayo iyan sa buto. Kapag bata ka, ang problema mo, puso. Kapag tumanda ka, ang problema mo buto."

At ang matanda ay tumawa.

"Kung pwede nga lang ay bata na lang tayo habang buhay."

"Bakit nga po hindi?"

"Bata ka pa nga iho. Marami ka pang pagdadaanan. Marami ka pang iiyakan. Marami."

"Bakit nga po hindi?"

"Lahat tayo ay naging bata subalit hindi lahat ay tumatanda. Kaya nga ako nagtataka. Bakit takot tumanda ang mga tao? Walang nagsabi kahit kailan na takot silang bumata. Ako lang."

"Bakit nga po hindi na lang tayo maging bata?"

"Para may matandaan."

At nagpakawala na naman ng isang tawa ang matanda. Si Carlos naman ay lito.

"Hindi mo pa maiintindihan ngayon. May dahilan ang lahat."

 At mula sa wala ay dumating ang isang matandang babae.

"Ah iho. Si Sarah nga pala."

At sila ay nagkamay ng matandang babae.

"May kasama ka pala?" baling ng babae sa asawa nito.

"Nagpasama lang naman ako. Ang tagal mo kasi."

"Oh eto. Naku at nakakahiya namang dalawa lang ang binili ko. Teka at kukuha pa ako ng isa," wika ng babae nang iabot nito ang soda sa matandang lalaki.

Lalakad na sana ito paalis subalit pinigilan siya ni Carlos.

"Wag na po kayong mag-abala. Maupo na po kayo."

Habang ang babae ay abalang umiinom na tila ba malayo ang pinagkuhanan ay may inuukit naman sa bangko ang matandang lalaki kadugtong ng nakaukit doong 'SARAH'.

"Apo, makikitapon naman ng latang ito."

Gaya ng dati ay ginala ni Carlos ang mga mata upang maghanap ng basurahan subalit gaya rin ng dati ay wala.

"Naku apo. Ganito talaga rito. Iyon. Sa may C.R. meron." wika ng lalaki.

"Pasensya na apo ah. Mahina na kasi ang mga tuhod ko gaya ng isa rito," paumanhin naman ng babae.

"Ayos lang po iyon. Naiihi na rin naman po ako," sagot ni Carlos.

Kung hindi niyo naitatanong ay hindi naman talaga naiihi si Carlos. Sinabi lang niya ito para hindi na humingi pa ng tawad ang mag-asawa. Kaya nang itapon niya ang lata ay pumasok siya sa loob ng C.R. at doon ay nakita niya muli ang mga salitang:

"HAWAK MO ANG KINABUKASAN."


Lumabas si Carlos at gaya ng ating inaasahan at hindi naman inaasahan ni Carlos ay wala na ang mag-asawa.

* * * * * * * * * *

Natulala si Carlos dahil sa nanibago na naman ang kanyang mga mata.

Muli ay mga magsing-irog at mga batang sumisipa ng bola.

Dahil sa pagkatulala ay hindi namalayan ni Carlos na nakaharang siya sa daanan. Isang babae ang humahangos na lumabas mula sa kabilang C.R. at si Carlos ay nabangga.

Magagalit sana si Carlos kung hindi nga lang nito nakitang umiiyak ang babae. Ang galit ni Carlos na sana ay ibubuga niya sa babae ay napalitan ng awa na naging pag-aalala. Sinundan niya ito ng tingin at walang anu-ano ay nakita na lamang niya itong nakaupo sa bangko niya, nakasubsob ang mukha sa magkabilang palad.

At teka. Ano ba ang tingin sa kanya ng bangkong ito? Magnet? Aba at ito na naman siya, hinihila nito.

Dahan-dahan siyang lumapit dito at walang salitang nangapa sa sarili. Naroon pa rin ang panyong may mantsa, walang salitang inabot ito sa babae.

"Ammm... Ayos ka lang ba? I mean ano ang problema mo?"

"Ano ba pakelam mo? Sino ka ba? Umalis ka nga rito," angil ng babae na hindi kinuha ang panyo dahilan upang manatili ang panyo kay Carlos.

"Hoy babae. Kung hindi mo naitatanong ay upuan ko iyan. Halika at ipapakita ko sa iyo."

Dali-daling pinausog ni Carlos ang babae pakaliwa at pinakita rito ang nakaukit niyang pangalan kasama ang kay Lea.

"Nakita mo na?"

"Ah Carlos pala. Paano naman ako makakasigurong ikaw iyan eh maraming Carlos dito sa mundo? At sino naman ang nagsabing angkinin mo ito aber?"

Ngayon lang nakakilala ng ganitong babae si Carlos. Habang nag-iisip ng sasabihin ay kumuha naman ng ballpen ang babae at nag-ukit sa sandalan.

"SARAH"

"Oh iyan. Masaya ka na? Akin na rin ito ah, CARLOS?" wika ng babae.

At sa mga panahong iyon ay hindi na lamang namalayan ni Sarah na hindi na siya umiiyak. Ito ay nang hapong iyon ay makilala niya si Carlos na noon ay naupo sa sementadong sahig dahil sa sinabi nitong:

"Hindi ako aalis dito hanggat hindi mo sinasabi iyang problema mo?"

Hindi rin namalayan ni Carlos na nilipad na ang itim na panyo- papalayo...

Papalayo sa C.R. na puno ng hiwaga at pag-ibig. Papalayo sa C.R. kung saan lahat nang masamang nararamdaman ay dapat i-flush gaano man ito kahirap ilabas.

No comments:

Post a Comment