Sunday, February 2, 2014

Adobo

Toffer Garcia-Tiña

Noon ay may tatlong magkakaibigan- si Robin, si Peter, at si Pinky.

* * * * * * * * * *

Kasing tahimik ng gabi si Robin.

Ito ay dahil sa ang pagitan nila ng tatay niya ay ilang libong mga tala at ilang libo ring mga dipa.

Ang tatay nila ay nasa bansa kung saan umano galing si Hello Kitty at si Doraemon na madalas na lang panoorin ng kapatid niyang si Anna dahil sa kahiligan nito sa mga pusa.

Isang araw... Sa tapat ng school nila ni Anna. Doon niya nakita si Peter. Maingay ito- kasama ng iba. Maingay sila. Pula ang balahibo nito. Ito lang ang pula at ito lang din ang walang katulad na kulay.

Ang mga bata ay siksikan sa sulok na ito ng baboy na tindera. Kasama rito sina Robin at Anna.

"Magkano po?" tanong ni Robin sa baboy.

"Bente."

Agad na kinapkapan ni Robin ang bulsa sa shorts at maging ang bulsa sa uniform. Wala. Wala na.

Napatingin siya sa kapatid. Wala rin.

Hila ang kamay ng kapatid, panandaliang lumayo si Robin sa siksikan ng mga batang tila nasa isang auction ng mga mayayaman o kaya naman ay tila nasa isang 75% off na ukay-ukay o kaya naman ay nasa isang concert na may artistang pinagkakaguluhan.

Sa kabila ng mga kaguluhang ito, ang mga mata ni Robin ay nakatingin sa pulang sisiw- si Peter.

Matagal siyang nag-isip hanggang sa tila isang desperadong lawin na nais makadagit ng sisiw ay tinulak niya mula sa likod ang mga bata dahilan upang ang mga ito ay magsipagtumbahan na parang bowling pins sa kawawang baboy na noon ay naging isang lobong nawalan ng hangin.

Bumukas ang kulungan at nagsitakbuhan ang mga mas naging maingay na mga sisiw na tila ba nagbubunyi sa paglaya.

Ano pa nga ba ang aasahan? E di kanya-kanyang kuha ang mga bata. Kanya-kanyang take-out. Tumunganga ka at for sure, ikaw ay nganga. May nagsapakan pa nga. Meron din namang nag-aagawan sa iisang sisiw. Ang isa hawak ang ulo at ang isa naman ay hawak ang mga paa. Tila mapupunit ang pobreng sisiw. Si Anna naman ay masaya lang na nanonood. Para kamong eksena ng rambulan nina Damulag sa Doraemon.

Sa isang sulok naman ay nakapagtatakang walang pumansin sa pulang sisiw. Wala maliban kay Robin na gaya nga ng nasabi ko kanina ay tila isang lawin dahil sa dinagit niya na ito sabay tawag nang malakas sa kapatid.

Tila mga batang tulisan na hinahabol ng pulis ang magkapatid, si Robin balot ang pulang sisiw ng kanyang mga palad.

"Bakit mo ginawa iyon? Papayagan ka ba ni Mama diyan?" tanong ni Anna sabay nguso sa pulang sisiw.

"Anong papayagan ka? Kamo kung papayagan tayo?"

"May pusa tayo."

"Iligaw."

At namewang si Anna.


Sandaling naputol ang usapan nila dahil sa natanaw nila si Louie na madalas hingan ng pera si Robin dahil sa patpatin nitong katawan. Agad silang lumiko. Bahala na kung mapapalayo sila sa bahay. Ika nga ay long cut.

At sakto namang sa long cut na iyon ay may isang handaan at sa isang bakanteng lote ay may nakabukakang bangkay ng isang baboy na bagong bukas lang ng tiyan. Sa tabi ng loteng ito ay may isa namang biik na tila tuta kung magmasid sa paligid.


Nang si Robin at Anna ay magdaan ay tila tuta itong lumapit sa kanila. Para bang nagsusumbong. Para bang nagpapaampon.

Si Robin naman ay parang na-hypnotize at parang naawa. Este naawa talaga. Kaya naman walang anu-ano ay inilipat na ni Robin ang sisiw sa isang kamay at sa naiwang kamay ay binitbit si biik. Abala ang lahat sa pagpuna sa kinatay na baboy kaya walang nakapansin na ang biik ay nadagit na ng magnanakaw na si Robin.

Nang makalagpas sa street na iyon ay saka tila isang machine gun na bumira ang bunganga ni Anna.

"Baliw ka na ba? Isang sisiw nga lang di na pwede sa bahay, iyan pa kaya? Mabaho iyan. Ikaw magpapaligo diyan. At baka katayin lang iyan."

Subalit tila may isang tatsulok na mundo ang sisiw, ang biik, at si Robin na noon ay lumulutang ang utak sa kakaisip kung ano ang ipapangalan sa mga ito.

"Ikaw ang maglilinis ng ipot ng sisiw. Ikaw ang maglilinis ng dumi ng biik. At teka, saan mo naman sila ilalagay at ano ang ipapakain mo sa kanila?"
"Peter at Pinky!"

"Huh?"

"Ito si Peter," sabay angat ni Robin sa palad kung saan naroon ang sisiw, "at ito si Pinky," hirap na angat naman ni Robin sa mabigat na biik.

"Bahala ka nga."

Pagdating sa bahay ay agad dumeretso si Robin sa kwarto para hindi makita ng nanay na noon ay nakatalikod sa kanya dahil ito ay naghuhugas ng pinggan sa kusina.

Nagkulong si Robin kasama ang dalawa.

Sumilip si Anna at doon ay napatunayan niyang nabaliw na sa kalungkutan at boredom ang kapatid. Naglalaro ito ng scrabble kasama ang dalawa!

Nang makahalata si Robin ay agad na isinara ang pinto at ikinandado pa ito. Naipit ng pinto si Anna subalit nang mapagtantong seryoso ang kapatid sa paglikha ng sariling mundo ay napagpasyahang wag nang magsumbong sa nanay.

Isang oras din halos si Robin doon nang biglang...

"Robin! Kakain na! Ano ba ang ginagawa mo diyan?"

Nagmamadaling naghanap si Robin nang taguan para sa dalawang kaibigan. Na-pressure siya nang...

"Baka naman gusto mo pang dalhin ko sa iyo ang pagkain, señorito."

At naging minute-to-win-it game as a matter of life and death ang lahat nang kumatok na ang nanay.

Bahala na. At pak. Binuksan ni Robin ang pinto upang harapin ang nanay na nagtanong pa muli.

"May itinatago ka ba sa akin? Bagsak ka siguro sa math niyo no?"

"Hindi ah. Tara na po. Kain na po tayo."

At sa mga ganitong pagkakataon na may kasalanan o lihim ang isang bata ay natututo siyang gumamit ng po at opo.

Pagdating sa hapag-kainan.

"O mamili ka na diyan. Tinolang manok o iyong porkchop?"

At nanginig ang kamay ni Robin sa pagsasandok palang ng kanin. Lumala ito ng siya ay ngumuya na. Si Anna naman ay patingin-tingin kay Robin na para nagtatanong kung bakit ito nanginginig o kung nasaan na ang dalawang kaibigan. Nakahalata ang nanay.

"Ano iyan Anna? At ikaw Robin, bakit ang tahimik mo? Bagsak ka nga no?"

"Hindi ah. Ako pa. Ma, kelan pala ako magbabayad sa field trip? Next next week na iyon."

At napatingin ang nanay sa kalendaryo.

"Biyernes pala ngayon? Aba at kailangan ko palang magbabad na ng mga damit at maghanda ng mga hanger?"

Agad inubos ng nanay ang kanyang porkchop upang lisanin na ang hapag-kainan. Naiwan ang dalawa at sila ay tila mga pipi at binging nagsesenyasan nang biglang...
"Robin!"

At doon na lang naalala ni Robin na si Peter at Pinky ay nasa loob ng kabinet niya kung saan kumukuha ng ilang mga hanger ang nanay niya.

Asahan na ang dapat asahan, naging dragon ang nanay nila at sa imahinasyon ni Anna ay nagpapakawala ito ng mga bolang apoy na napapatay naman ng mga luha mula sa paiyak-iyak ni Robin. At sa ganitong paraan nagapi ang dragon.

"Sige na nga. Pero ikaw ang mag-aalaga sa mga iyan."

"Yehey!" hiyaw ni Robin na napayakap sa nanay at nang makaramdam ay sabay tulak palayo.

Sa mga sumunod na araw ay tila isang tatay si Robin na nagtatayo ng bahay para kay Peter at Pinky sa kanilang bakuran.

"Bakit nga pala Peter at Pinky ang pangalan nila?" tanong ni Anna.

"Wala lang. Unang pumasok sa utak ko."

"At bakit iyon ang unang pumasok sa utak mo? (May utak ka pala?)"

"Bakit ka ba tanong nang tanong? Tulungan mo na lang nga ako dito."

"Sige ka ilalabas ko ang mga tinatago mong palakol sa drawer mo."

"Si Peter at si Pinky kasi mga kaklase ko iyon. Absent sila noong araw na iyon. Ok na?"

Sa sumunod ding araw ay nagtataka na si Anna at ang nanay nila kung paminta ba si Robin dahil sa nagsimula na itong maglagay ng ribbon kina Peter at Pinky at gumagawa na rin ng mga damit para sa mga ito na para bang nagbibihis ng manika. Maging si Robin nga ay may ribbon pa sa leeg. Lahat ay kulay dilaw.

At napa-sign of the cross na sila nang sabihin ni Robin na naglalaro raw sila ng scrabble at snakes-and-ladders kahit na sa totoo ay si Robin lang naman talaga ang tumitira.

Ito na ba ang karma ko na hindi kami masyadong naglalaro?

Ito ang tanong ni Anna sa sarili.

Hindi rin nagtagal ay nanghingi pa talaga si Robin ng lumang stroller kay Aling Linda at hindi na rin kumakain sa recess at naglalakad na lang pauwi si Robin para lang makabili ng pagkain para kay Peter at Pinky. Kahit kailan ay hindi ito nanghingi o nagreklamo sa nanay.

Nagagalit lang ito kapag ginagamit ng mga tao ang salitang "alaga" para tukuyin si Peter at Pinky. Hindi alaga si Peter at Pinky. Kaibigan. Kapatid. At maaaring higit pa roon!

Kasama na rin nila sina Peter at Pinky sa panonood ng mga pelikula at maging sa pagtulog lalo pa nang malaman ni Robin na maaaring mamatay sa lamig o manakaw o kaya naman ay maulam ang dalawa kung mananatili ang mga ito sa labas. Dahil din dito ay panay ang bantay niya sa pusa nilang si Tina na sanhi rin kung bakit sa kwarto niya na halos matulog ang dalawa, katabi pa sa higaan!

Minsan nga ay ipinasyal ni Robin si Peter at Pinky gamit ang stroller at gaya ng inaasahan, ang mga mata ng tao ay napako sa kanya. Mga mapanghusgang mga mata. Mga nanimbang ngunit kulang.

Nang mapadaan sila sa isang litsonan ay sakto namang naroon pa si Louie. Nang makita si Robin ay agad na itinaas ang stroller upang ipakita kay Peter at Pinky ang pag-ikot ng mga nakatuhog na bangkay sa nagbabagang lutuan.

Nanlalaban naman si Robin subalit ang kapal ng braso niya ay hindi sapat upang payanigin ang mga brasong nag-aangat sa stroller. Humingi siya ng tulong subalit sa halip na may sumaklolo ay may mga nakisali pa upang mang-asar. May isang nakasandong tambay na inasar pa si Robin sa pamamagitan ng pagkain sa isang ulo ng manok at maging sa isa pang barbecue.

Alam ni Robin na hindi siya ang nasasaktan kung hindi sina Peter at Pinky at kung nasasaktan man siya ay mas nasasaktan ang mga ito. Hindi kahit kailan mas nasaktan ang kaibigan kaysa sa inaapi.

Masyado nang malakas ang mga boses, ang mga tawanan. Masyado nang marami ang mga mata. Natigil ang lahat nang...



Bang! Bumagsak sa lupa si Louie. At nasalo naman ni Robin ang stroller. Ito ang kauna-unahang pagkakataon ni Robin. Siya ay tila isang Impeng Negrong na sa wakas ay nakalasap ng paggalang at pagkilala sa angking lakas. Hindi ito pagganti. Ito ay pagtatanggol lamang sa mga naaapi- ang mga kaibigan na kung tutuusin ay mas tao pang higit kaysa sa mga naroon.


Matagal na nangusap ang mga mata ni Robin at Louie sa isa't isa. Patakbong lumayo si Louie sa lugar at naiwan nito ang sauce sa biniling lechon. Samantala, si Robin naman ay tila isang inahing ibong nag-aaruga sa mga anak na nasa pugad nang tumingin kina Peter at Pinky.

Sa haba at bilis ng panahon ay maraming naganap. Natuklasan ni Robin na si Peter ay isa palang Petra. Natalo ni Pinky si Robin sa scrabble. Si Anna ay aksidenteng nakakain ng pagkain nina Peter at Pinky. At kung anu-ano pa. Subalit higit sa lahat, lumaki si Robin, Peter at Pinky.

Kabaligtaran naman ang nangyari sa pera ng nanay ni Robin at Anna. Nawala ang mga nagpapatahi sa nanay dahil sa nagsilipatan na ito sa isa pang patahian na mas malapit sa bayan dahil sa kapag nagpunta sila ng bayan upang mamili ng kung anu-ano ay pwede nila itong daanan hindi katulad ng patahian ng nanay nila; lalabas ang mga tao para lang magpatahi o kunin ang pinatahi. Sayang ang oras.

Salamat na nga lang at nariyan ang tatay nila kung hindi ay tiyak na walang handa si Anna sa kanyang birthday.

Isang ordinaryong gabi... Wala pa sa bahay si Robin dahil sa may ginawa silang project sa bahay ng kaklase niya. Ilang oras din siya rito at sa wakas, natapos rin.

Dali-dali siyang umuwi at sa labas ng bahay nila ay may isang hindi pamilyar na pares ng sapatos. Pupuntahan na sana niya sina Peter at Pinky nang sa kusina ay...

Naroon ang tatay niya! May dala itong cake! Birthday niya pala!

Naudlot ang pagbisita niya kina Peter at Pinky dahil sa tila isang magnet siyang nahila sa mga yakap ng tatay na hindi niya talaga inasahang darating.

"Blow your candles," wika ng ama.

"Wish ko na sana pwedeng kumain ng cake sina Peter at Pinky."

Nagpakawala ng makahulugang tingin ang nanay at tatay sa isa't isa. Naipit dito si Anna.

"Alam mo ba anak na bigay lang sa akin ni Pareng Lito ang cake na iyan?" sabi ng tatay.

"Tama na ang usapan. Eto na... Dinner is ready," singit ng nanay.

"Ano iyan?" usisa ni Robin.

"Adobo. Mixed iyan. Pork and chicken adobo! Tada!" pagmamalaki ng nanay.

"Di ba dapat iyong sound effects na tada nasa simula?" biro ni Robin.

"Kumain ka na nga," wika ng nanay.

"Na-miss ko itong adobo mo," bola ni Robin sabay subo ng pagkain sa bibig kahit na ito ay may laman pa.

Sa hapag-kainan ay panay ang palitan ng mga makahulugang tingin ng nanay, tatay at ni Anna. Tila may lihim. Sorpresa ba ito para kay Robin?

"Ma, kumain na ba sina Peter at Pinky?" tanong ni Robin.

Walang sumagot.

"Hindi pa? Mabuti pa ay pakainin ko na. Itay, nakilala niyo na po ba si Peter at Pinky?" sabi ni Robin sabay urong ng upuan para tumayo at punta papunta sa kwarto.

Nagkatinginan muli ang mag-asawa habang si Anna naman ay may mga kamay na tila lumulukot sa mga invisible na papel.

"Peter! Pinky! Peter! Pinky!" tawag ni Robin sa mga kaibigan habang papunta sa kwarto.

Binuksan ni Robin ang pinto subalit wala roon sina Peter at Pinky. Nagsimula siyang makaramdam ng kakaibang panlalamig. Hinanap niya sa ilalim ng kama. Maging sa kabinet kahit alam niya namang hindi kasya ang mga ito sa kabinet hindi tulad noon.

Sa kanyang paghahanap ay hindi niya napansin na nakatayo na ang kanyang nanay, tatay at si Anna sa harap ng bukas na pinto. Bumaling na si Robin sa nanay.

"Ma, nasaan sila?"

Walang sagot. Matagal na nakatitig si Robin sa nanay- nag-aabang ng sagot. At nang mabuo sa kaisipan ang lahat ay paiyak na inulit ang tanong.

"Ma, nasaan sila?"

At sa sandaling ito ay umiling ang nanay at dito ay nakumpirma ni Robin ang hinala. Kaya agad siyang tumakbo patungo sa lababo pilit na isinusuka ang lahat ng kinain. At doon ay naramdaman niyang umiikot ang kanyang paligid at tila pinupunit ang kanyang laman at buto, lalo na sa bandang puso.

Galit si Robin, hindi lang sa pamilya kung hindi maging sa sarili. Bakit kasi hindi na lang kami gumawa ng project dito sa bahay? Bakit kasi birthday ko pa ngayon? Bakit pa kasi nila naalala ang birthday ko? Bakit pa kasi umuwi ang tatay ko? Bakit ko pa kasi nakita at nakilala sina Peter at Pinky? Bakit kasi sila ganoon at bakit ako tao? Bakit? Bakit? Bakit?

At noon ay hindi na muling nagsalita pa si Robin. Noon ay hindi na nakipag-usap sa nanay at tatay o maging kay Anna unless mahalaga o kaya siya ay kausapin o tanungin. Isang sagot, isang tanong. Ito na si Robin. Noon ay tinapon na ni Robin ang scrabble at snakes-and-ladders maging ang stroller. Noon ay ginupit na ni Robin ang ribbon sa leeg. Noon ay hindi na kumain si Robin ng karne. Tinapay at gulay na lamang.

Hanggang sa...

Isang gabi... Sa pagsusulat ni Robin ng kanyang assignment sa kama ay biglang nahulog ang takip ng kanyang ballpen sa ilalim. Pinilit niya itong kunin subalit nasa malayong dulo ito ng kama. Kaya naman sinilip na niya ito sabay gapang upang ito ay abutin at doon ay hindi lang takip ng kanyang ballpen ang kanyang natagpuan kung hindi isang itlog!

May nangyari ba kay Peter at Pinky? Ay hindi iyon pwede. Pareho silang babae.

Naluha si Robin at doon ay naisip niyang hindi niya ito bibigyan ng pangalan hindi dahil sa baka magkamali naman siya sa kasarian kung hindi dahil sa alam na niyang kapag pinangalanan mo ang isang hayop o tao ay tinatanggalan mo siya ng kalayaan.

Hindi nakakapagsalita ang mga hayop kaya hindi nila madaing na ayaw nila sa pangalang ibinigay sa kanila ng tao. Hindi nakakapagsalita ang mga hayop kaya hindi nila maipagtanggol ang mga sarili upang makahingi ng tulong. Bakit kaya silang nilikhang ganoon at bakit tayo nilikhang ganito?

Sa mga nakaw na sandaling iyon, si Robin ay naging masaya. Mga nakaw na sandali sa mga nakaw lang din niyang kaibigan na ngayon ay ninakaw ng kahirapan at kamatayan upang yakapin ang tunay na kalayaan.

Bagamat si Peter at Pinky ay itinuring niyang mga kaibigan, pagbalibaliktarin man ang mundo ay itinuring niya pa rin ang mga itong mga alaga, mga bagay, dahil sa ninakaw lang niya ang mga ito. Ang salitang mga nakaw ay para lang sa mga gamit. Kahit kailan ay walang nagnanakaw ng tao o ng pagmamahal. Ginamit lang niya sina Peter at Pinky upang takasan ang kalungkutan.

At sino ang makakapagsabing ang mas malalang kalungkutang nararamdaman niya ngayon ay dala lang ng isang adobo?

Madaya talaga sina Peter at Pinky. Magkasama sa higaan, kainan at aba kahit sa plato!

* * * * * * * * * *

At noon ay may tatlong magkakaibigan- si Robin, si Peter, at si Pinky.


No comments:

Post a Comment