Kassandra Etolle
Ang tahanan namin ni Maya ay isang silid sa isang matangkad na gusali,
ikasiyam na palapag sa gusaling may sampung palapag, ang sampung palapag bilang
isang bakanteng lote pa rin. Ang katapat naman namin ay isa ring matangkad na
gusali.
Noon pa man ay ugali na namin ni Maya na sumilip sa bintana at masdan
ang mga kapitbahay mula sa kanilang mga bintana. Noon pa man ay nakasilip na
kami sa bintana, noon pa man na wala pa kaming katapat na gusali at ang aming
tahanan ay hindi pa ganito katangkad.
* * * * * * * *
* *
Nagsimula ang lahat nang matapos ang buhay ng tatay ni Maya. Walang
kapatid si Maya. Ang mga pinsan naman niya ay malayo sa kanila. Madalas din
namang maupo si Maya sa isang sulok ng silid at manahimik na lamang, manahimik
dahil lisanin man niya ang silid ay isa pa rin siyang pipi. Dahil dito ay
madalas ding mapaaway si Maya. Sa madaling salita, madalas siyang malungkot.
Wala siyang kalaro o kaibigan. Wala rin naman siyang hilig sa mga libro o sa
mga laruan. Wala na rin ang tatay. Wala namang magawa ang nanay.
Wala ang lahat hanggang sa ako ay nakarating sa bahay at buhay niya.
Natagpuan ako ng nanay ni Maya sa labas, basang-basa at nanginginig sa ulan. At
nang gabing iyon ay una kaming nagtagpo ni Maya. Nagtama ang aming mga mata at
ang mga mata niya ay tila ba isang balong malalim ang luha. Iniwan kami ng
nanay niya sa loob at agad namang nahiga sa kama si Maya na para bang hindi ako
nakita.
Naupo ako sa kama niya at agad namang nagtago sa kumot si Maya.
Napatingin ako sa palibot at doon ay nakita ko ang isang kabinet na may mga
nakapatong na mga libro, mga laruan, at isang picture frame kung saan
may isang Maya- nakangiti, kasama ang nanay at tatay.
Lumayo ako sa kama at nagpunta sa kabinet at doon ay nakita ko ang
pangalang binuo gamit ang mga alikabok- CESAR.
Hindi ko naman alam na si Maya ay palihim na nakasilip sa akin mula sa kumot niya. Matagal napako
ang titig ko sa pangalang iyon at hindi ko na lang namalayan na naglalakad na
palapit sa akin si Maya at nang siya ay tuluyan nang nasa likod ko ay agad
niyang hinawakan ang isa kong kamay at ginamit upang iguhit ang pangalan ding
iyon- CESAR.
Napabahing ako dahil sa mga alikabok at ninais ko sanang sabihin kay
Maya ang mga salitang, "Maglinis ka naman minsan."
Subalit naalala ko na hindi pala ako nakakapagsalita. Nalunod na rin ako
sa balon ng kalungkutan. At sa pagyuko ng aking ulo ay alam na ni Maya ang
aking kakulangan. Nagtama muli ang aming mga mata at muli akong nabahing.
Napangiti si Maya sa akin at hindi nagtagal ay hindi na napigilang magpakawala
ng isang malakas na tawa.
Narinig ito ng nanay na galing lang sa labas dahil namili. Nabitawan
nito ang mga dalang plastic bag nang makita ang anak na tumatawa. Tila
isang himala. Nang mahuli ng nanay ay agad na naghanap ng ballpen at papel
si Maya at nagsulat- "Si Cesar po kasi."
"Cesar?" tanong ng nanay.
Nagulat na lamang ako nang ituro ako ni Maya at napatitig na lamang ako
sa nanay ni Maya at sa mga mata naman ng nanay ni Maya ay nakita ko ang isang
uri ng pasasalamat na hindi kayang ipahayag ng mga salita o boses. Nagbigay ito
ng mahigpit na yakap kay Maya at agad namang umalis.
Nang mawala ang nanay ay agad na inilabas ni Maya ang picture mula
sa frame at kumuha ng crayons upang lagyan ng whiskers ang
mga taong nasa picture- siya, ang kanyang tatay, at ang kanyang nanay.
Tumila ang ulan at napatingin na lamang kami ni Maya sa bintana dahil sa
isang bahaghari. At noon ay wala nang malamig na gabi dahil may katabi na si
Maya sa pagtulog. May ulan pa rin subalit hindi ba masarap maligo sa ulan nang
alam mong may parating na bahaghari at may kasama ka?
At noon din ay tila ba naisilang muli ako sa daigdig- ni Maya.
* * * * * * * *
* *
Naging masayahin na rin si Maya at nagkaroon ito ng mga kaibigan sa school.
Nabawasan man ang oras para sa akin ay natuwa pa rin ako.
Isang araw ay napasilip kami sa bintana nang makarinig kami ng kaingayan
sa labas. May away- ng mga bata.
Nagtatalo sila dahil sa laro nila kanina. May dayaan daw na nangyari.
Nalaglag na ang mga barya ng isang bata nang ito ay hawakan sa damit ng isang
damulag at gaya ng inaasahan, parang mga kalapating dinagit ng mga malalaki
ring bata ang mga barya.
May ilan pa na nagtatalo sa kung tama ba ang hatian nila ng kendi.
May isa ring bata na inaway ng iba pang mga bata dahil sa maitim ito.
Natigil lang ang lahat ng ito nang nakarating ang isang nanay at nagpauwi na sa kanila. Matulog na raw sila.
May isa ring bata na inaway ng iba pang mga bata dahil sa maitim ito.
Natigil lang ang lahat ng ito nang nakarating ang isang nanay at nagpauwi na sa kanila. Matulog na raw sila.
Naisip ko. Ganito pala ang mga tao, ang mga bata. Naisip ko na
balang-araw ay ibang laro na ang magiging dahilan upang sila ay mandaya at
mag-away, laro na gaya ng pagmamahal, laro tulad ng halalan, laro tulad ng
digmaan. Balang-araw ay hahawak sila ng baril at hindi na kamao ang tatama sa
bawat isa kung hindi bala.
Ang mga tao ay tulad din pala ng mga hayop. Kung mahina at maliit ka,
magtago ka o magdusa. Kung malakas ka, agawan at apihin mo sila.
Balang-araw ay hindi lang kendi at pera ang paghahatian nila kung hindi
trabaho at oras. Balang-araw ay hindi na sila titingin sa panlabas na itsura.
Bakit pa kasi iba-iba ang kulay ng tao?
Ganito maging tao. Kapag may bagay na naiba ay api at tatawanan. Hindi
ba nila naisip na natatawa ang isang taong naiiba dahil sa magkakatulad lang
silang lahat? Kailangan may pangkat ka.
Kung hindi, mag-isa ka, malungkot ka. At kapag marami kayo, tama kayo. Hindi ba
pwede maging masaya mag-isa? At isa pa, hindi dahil marami sila ay tama sila.
Mas masaya nga na ikaw nga lang mag-isa ay tama naman pala ang isip at gawa mo.
Balang-araw ay hindi na mga gamit ang magiging away nila kung hindi mga
bagay na hindi nakikita at nahahawakan.
Balang-araw ay wala nang nanay na darating para awatin sila at pauwiin.
Korte na ang bahala. Asawa na ang bahala. Hindi na rin sila makakatulog sa
tanghali.
Kung nakakapagsalita lang ako, siguro itatanong ko, "Bakit ganito?
Bakit ganoon? Bakit ganyan?" Kung nakakapagsalita lang ako, mas pipiliin
ko pang wag na lang magsalita.
* * * * * * * *
* *
Hindi nagtagal ay nanay ko na rin ang nanay ni Maya, ang nanay na bumili
ng white board at marker. Hindi rin naman nagtagal ay nawindang
na lang kami sa balitang patataasan ang tahanan namin. Hindi rin nagtagal ay
natapos ang sakit sa ulo at kami ay nalipat sa taas.
Hindi rin nagtagal ay nasa high school na si Maya at madalas na
itong hindi magkuwento sa akin. Either may gala o may project.
Hindi ko naman siya matulungan o maturuan. Ni Grade 1 nga ay hindi ako
nakatapos. No read . No write. Kung kaya at pwede nga lang akong
maturuan ni Nanay o ni Maya eh.
Matagal itong nakaharap sa salamin at kung nagsasalita nga lang ito ay
tila isa itong baliw. Siguro nga, baliw sa pag-ibig.
"Vincent!"
At nang masilip sa salamin na naroon (pa rin) pala ako ay agad na kinuha
ang isang white board, tumabi sa akin, at nagsulat ng mga kadramahan sa
buhay. Mabuti na lang at hindi pa ako nakakaranas ng ganyan.
"Pangit ba ako?"
Nag-isip ako. Wala akong sagot. Ayaw ko namang magsinungaling at ayaw ko
rin namang makasakit ng damdamin.
Kalmado na ito- kahit paano.
"Tanga lang pala ang dapat maniwala sa fairy tales. Walang Prince
Charming. Wala ring happy endings. Walang magkakagusto sa akin.
Wala-"
At para maputol na ang kaingayang ito ay hinalikan ko si Maya. Well,
we are not blood-related naman. At ito ang lihim namin ni Maya, lihim na
hindi na muli naulit dahil sa naitulak niya ako paalis sa kama at matapos ay
natawa sabay sabi ng magic words, "Best friend talaga
kita!"
"Best friends tayo forever ah."
Pak! Kung ang mga salita nga lang ni Maya ay mga patalim ay matagal na
akong patay.
Isang taon pa at pa-graduate na si Maya noon ay may bahay na rin sa
tapat namin. Dalawang palapag din. Mabilis ang paglagas ng mga gintong dahon na
kung tawagin ay oras.
Naalala na lang namin ni Maya ang iyaking siya nang makita namin mula sa
bintana ng katapat naming bahay at silid ang isa ring babae na nagsusukat ng
bewang, naglalagay ng kung anu-ano sa mukha at buhok, nagsusuklay na tila ba
nais nang maubos ang buhok sa tagal at aba, para bang kuto kung tirisin ang pimples.
At dito ay alam namin ni Maya na hindi lang mani ang sanhi ng pimples niya
kung hindi isang lalaki.
Ang mga foreigner paitim nang paitim. Tayo naman paputi nang
paputi. Bakit ba kasi naimbento ang maganda at pangit? Sirain ang mga salamin.
Magsunog ng mga suklay. Itapon ang mga products-products na iyan. Maging
ikaw ang ikaw. Mahalin ang sarili.
Maging tapat sa sarili. Ang mahalaga ay namumuhay at gumagawa ka ng tama. Wala
akong nabalitaan na namatay o nasaktan dahil sa kapangitan ng katabi. Di lahat
ng ikinakahiya ay masama pero lahat ng masama ay ikinakahiya.
At kung may maganda man at pangit ay ano naman? Ano kung pangit ka? Kung
mahal ka talaga niya ay mahal niya hindi ang mukha o katawan mo kung hindi ang
lahat-lahat sa iyo maging mga kalyo at kulugo mo.
Dahil sa may maganda at pangit, may mga taong nagiging sila sa text at
chat at sa personal ay wala lang. Dahil sa may maganda at pangit, may
torpe at may stalker.
At bakit pa kasi nagmamahal ang tao? O mas maganda siguro, bakit kaya
hindi ka mahal ng mahal mo o crush ng crush mo? Bakt ikaw lang ang tinamaan ng pana at hindi
rin siya? At siya tinamaan nga, iba naman ang nakita.
Kung nakakapagsalita lang ako, siguro itatanong ko, "Bakit ganito?
Bakit ganoon? Bakit ganyan?" Kung nakakapagsalita lang ako, mas pipiliin
ko pang wag na lang magsalita.
* * * * * * * *
* *
Nalaman ko rin sa wakas kung bakit ngayon ay may ikatlong palapag na ang
bahay namin. Ito ay dahil hindi lang kami ang titira dito kung hindi may iba na
rin. Isang apartment for rent. In short, hindi talaga namin bahay
ito.
Nawawala ba talaga ang oras? Hindi ba lumilipas lang at inilalaan sa
ibang bagay? May oras ba talaga o gawa-gawa lang ng tao para may itawag sa
paglitaw at paglubog ng araw at buwan at sa kanyang pagkainip at
paghihintay?
Anuman ang sagot, mabuti pa ang oras hinahabol. Ako hindi.
Ilang araw nang ganito si Maya. Darating sa bahay na tila isang gorilya
sabay lapag ng mga libro at notebook sa bagong-gawa naming mesa. Mabuti pa ang
tuyo hindi dumadaing. Si Maya, ito at daing nang daing.
"Ang bookish talaga. Hindi na talaga inisip ang mga
estudyante. Wala ba siyang pakelam? Ang dami na nga niyang pinapagawa, tambak
pa kung magpa-review. Hindi ko naman magagamit paglaki ko ang mga ito
eh."
Hindi mo pala magagamit, bakit mo inaaral? Ano ba iyan Maya?
"Environmental biology. Ang ganda ng pangalan, pangit ang prof.
Bakit pa kasi may exam ito eh?"
Oo nga no. Bakit nga ba nag-aaral ang tao? Maaari namang manirahan na
lang sa gubat o bukid, magtanim o mangaso. Pwede ka namang mabuhay ng hindi
nag-aaral.
Ang tao talaga kahit kailan. Nagtatag ng isang bagay na poproblemahin.
Ganyan na ba kabaliw, katalino at kasipag ang tao? Dahil walang makitang
poproblemahin, gagawa at hahanap ng poproblemahin at kung may pinoproblema na,
gagawa at hahanap pa ng poproblemahin? Iyan, ano ang napala? Wala na sa daigdig
ang salitang "simple."
May mga anak at apo na nagsasabing mahirap mag-aral at may mga magulang na todo mag-pressure sa anak na akala mo kung bibigyan mo ng parehong exam ay masasagot niya. Nauna lang naman naka-graduate at pagtapos ay wala na ang mga natututunan.
May hatian na naman- mga tanga at mga matatalino. Di ba pwedeng tanga na lang tayong lahat? Bakit may numbers. Bakit may letters? Bakit pa kasi natin kailangang tuklasin ang hiwaga ng mundo? Problemahin na lang ng kalikasan ang sarili niya. Kaya naman niyang alagaan ang sarili niya.
Di ba hanap ng makakain, kain? Hindi iyong may aral, hanap ng makakain,
kain? Kung di ka mag-aaral, wala ka raw kakainin. Kainin ang mga libro, ang mga
ballpen, ang mga notebook, ang mga papel.
Ang masama pa, naging alipin ang tao ng libro. Ipasok mo sa utak mo ang
nakasulat dito dahil iyon ang tama. Libro ito, tao ka lang. Pero di ba tao ang
gumawa ng libro? Di perpekto ang tao.
Nagkakamali rin siya. Ang tao ang gumawa ng libro therefore nagkakamali
ang libro.
Tapos ano? Matapos mag-aral ay hindi na tanda ang lahat o hindi na
gagamitin ang inaral?
May isang politiko, may isang artista, environmentalists daw. Environmentalist
ba ang nagkakalat ng mga papel sa daan?
Ilang puno ba ang pinutol para diyan? Environmentalist ba ang
naninigarilyo? Ang tao talaga kahit kailan gumagawa ng sariling dahilan para
magkasakit at mamatay. Kung gusto mong magkasakit at mamatay, bakit mo pa
kailangang idamay ang katabi mo at ang kalikasan?
Hindi tulad noon ay nagbabayad ang tao ngayon ng tubig, kuryente at
lupa. Kailan kaya natin babayaran ang hangin?
Magulo ang tao. Gumawa ng batas, hindi susundin. Kung sino pa ang gumawa
ng batas, sila pa ang pasaway. Kapag
sobrang laya ng tao, gagawa siya ng batas para di raw magulo. Kapag naman may
batas, sasabihin masyadong mahigpit at walang kalayaan. Mataas ang krimen,
ibalik si silya elektrika. Masyadong malupit, alisin si silya elektrika.
Sa panahon rin ngayon ay bumoboto tayo sa kung sino na lang ang mas
mabuti at hindi kung sino ang talagang mabuti.
At oo nga no.
Ang tao, kapag wala, nakakaalala. Kapag kapos, may Diyos. Kapag sagana, wala na. Ang diyos ng tao ngayon ay pera na di ko alam kung bakit may halaga samantalang papel lang naman na kaydaling sunugin at metal lang naman na walang buhay.
Kung sino pa ang meron sa buhay ay siyang tamad mag-aral
at hindi marunong magpasalamat samantalang ang isang pulubi nga sa daan ay
gustong makapag-aral at marunong magpasalamat sa pananatiling buhay sa isang
araw.
Ang tao, kapag wala, nakakaalala. Kapag kapos, may Diyos. Kapag sagana, wala na. Ang diyos ng tao ngayon ay pera na di ko alam kung bakit may halaga samantalang papel lang naman na kaydaling sunugin at metal lang naman na walang buhay.
O tao ang gulo mo! Maya, nakikinig ka ba? Maya, ang daing mo ay daing
rin ng isang estudyante sa tapat ng ating bintana! Maya, ang basurahan niya ay
puno na ng papel. Maya, ilang puno ang kinatay para sa sinayang niyang papel?
Maya, nagsasayang ka ng papel at puno! Maya, gising ka pa ba? Maya, buhay ka pa
ba? Maya, makinig ka sa akin. Maya. Maya. Maya. Maya!
At naramdaman ko na lang na sa ikalawang pagkakataon ay tinulak niya ako
mula sa kama, tulak na hindi gaya ng dati ay dahil sa gulat kung hindi tulak na
dahil sa galit.
At noon ay hindi na ako binilhan at bingyan ni Maya ng pagkain.
Kung nakakapagsalita lang ako, siguro itatanong ko, "Bakit ganito?
Bakit ganoon? Bakit ganyan?" Kung nakakapagsalita lang ako, mas pipiliin
ko pang wag na lang magsalita.
* * * * * * * *
* *
Sa wakas ay nakatapos si Maya. At nang si Maya ay nakatapos at
nakapagsimula ng bagong pahina ng buhay, ito naman ang aking naging wakas.
Naging masaya ako para sa kanya pero hindi para sa sarili ko.
Wala na ang magiliw na Maya. Wala na si Maya. Iba na si Maya.
Ang Maya na tila isang gorilya sa pag-uwi ay hindi na lang basta isang
gorilya kung hindi isang gorilyang nakalaya sa kulungan. Mayabang dahil
nakagawa na ng apoy o sa madaling sabi, sa konteksto ni Maya, may sarili nang
pera.
Madalas akong magising na wala na si Maya at dahil doon ay mag-isa akong
manonood sa pagsikat ng araw.
Maya, napapanood mo ba ito? Maya, maglaro naman tayo minsan. Maya, may
sakit si Nanay.
Si Maya ay natutulog at gumigising na lamang sa bahay namin. Iyon lang
at wala ng iba.
Isang gabi nga na wala si Nanay ay nagising na lamang ako dahil may
nagbukas ng pinto. Nagpanggap akong tulog. At doon ay nakita ko ang isang
lalaki na bitbit si Maya. Pagsara ng pinto ay nagdampi ang kanilang mga labi at
lumipad ang kanilang mga damit sa akin. Hindi man lang nila ako pinansin. Dahil
ba akala nila tulog ako?
Masaya ako para kay Maya. Masakit naman para sa akin.
At nalasing si Maya kasama ang lalaki. Nang matapos sila ay umalis na
ang lalaki.
Maya, saan ka galing?
Walang sagot. Di nga naman ako nakakapagsalita.
Maya, sino iyon? Boyfriend mo?
Nakangiti si Maya na tila isang baliw.
Maya, congrats.
Walang thank you.
Maya- miss na kita, kahit na ang baho mo.
Ang tao. Mahilig tumakas at gustong makalimot sa problema. At iyon ang
problema.
Ang tao, bibili ng alak at ng sigarilyo, tataya at susugal. Sayang ang
pera. Magrereklamo pagkatapos na wala na siyang pera. Tatambay. Sayang ang
oras. Tapos sasabihin sa isang taong nagmamahal sa kanya na wala siyang oras
para dito.
Lahat ay sugal. Si Maya lang ang nanalo at hindi ako.
Noon ay sumilip ako sa bintana at nalula ako. Nasa ikaapat na palapag na
pala kami ng apartment na ito at ang masama pa ay kasing tangkad ito ng
katapat naming apartment din pala. Ngayon, para makita ang langit ay
kailangan mo pang ilabas ang ulo mo at tumingin sa itaas hindi tulad ng dati na
katapat mo lang ang langit. At sa malungkot kong pagtunghay sa langit ay
mapalad kong nakita ang isang shooting star.
Ibalik niyo na po ang dating Maya.
Ang sagot marahil ng shooting star ay ganito. Hindi ko naman
kinuha si Maya ah. Maski kapkapan mo ako ay wala rito ang dating Maya. Si Maya
pa rin naman iyan. Ibang wish na lang. Mahirap i-fulfill iyang wish
mo. Wala kang ibang wish?
Wala akong ibang wish. Hindi nga ako iniwan ni Maya. Nakalimutan
naman niya ako. At noon ay nagalit ako sa sarili ko. Bakit hindi akong magawang
mahalin ni Maya?
Isang madaling-araw kung saan gising na rin si Nanay ay may nakita akong
daga sa loob ng kabinet kung saan nakatago ang mga bote ng alak na hindi
nailigpit ni Maya. Binalak kong bugawin ang daga subalit ito ay mabilis na
nagtatakbo palabas papunta sa likod ng kabinet
na konektado sa kisame. Sa pagmamadali nito ay nahulog ang mga bote sa
sahig at pak! Nagkalat sa sahig ang mga bubog nito.
Nadatnan ito ni Nanay at nagising naman si Maya. At noon ay hindi ko
alam kung tama ang ginawa ko. Nagtago ako sa likod ni Nanay at kung akala ko ay
narinig ko na noon ang pinakamasakit na mga salitang maaari niyang sabihin sa
akin ay nagkamali ako. Agad kinuha ni Maya ng marker at sa kabinet pa
isinulat ang mga salitang:
"Mawala ka na sana! Mamatay ka na!"
Kung may kapangyarihan lang ang tao na gawing totoo ang mga salita niya
ay patay na ako. Kung may ganito ngang
salamangka ang tao ay sana nga. Bakit hindi?
"Ikaw ang lumayas! Akala mo ba hindi ko alam ang mga ginagawa
mo?"
Araw-araw ay pakiramdam ko ay may buhay ang kabinet at ito ay
tumatangkad upang ako ay apakan. Minsan pa nga ay sa sahig na lang ako
natutulog dahil natatakot ako na baka tumabi ako kay Maya ay ihulog na naman
niya ako. Subalit nagsisi ako kung bakit
hindi ko tinapangan ang sarili. Nagising na lang ako isang araw na wala na si
Maya.
Umikot ang paligid ko at doon ay nakita ko na may mga laruan at libro pa
rin sa ibabaw ng kabinet niya. Maging ang picture frame. Isa pa ring bata si
Maya. At sa ibabaw ng kabinet, nakasulat nang kayraming beses gamit ang mga
alikabok: CESAR.
Pinilit kong maglabas ng luha pero hindi ko magawa.
Kung nakakapagsalita lang ako, siguro itatanong ko, "Bakit ganito?
Bakit ganoon? Bakit ganyan?" Kung nakakapagsalita lang ako, mas pipiliin
ko pang wag na lang magsalita.
* * * * * * * *
* *
Hindi nagtagal ay nagpalit na ng apelyido si Maya sa pamamagitan ni Ben.
Pinabalik na muli ni Nanay si Maya. Bumalik ang dati nilang samahan pero hindi
ang amin. Pinapatay pa rin ako ni Maya sa katahimikang pinaparamdam niya sa
akin. Idagdag pa rito na araw-araw kong nakikita ang kabinet.
At noon ay nasambit ni Maya na sa sobrang saya niya ay maaari na siyang
mamatay. At araw-araw na niya itong sinasabi kay Ben, kay Ben na umagaw na ng
pwesto ko sa kama at puso ni Maya.
Subalit, isang makulimlim at makulog na hapon ay nagbago ang mga
salitang ito.
"Ano ba naman itong ginawa mo sa jacket ng officemate ko!? Tingnan mo nga! Nilukot mo! Nasira mo na
nga iyong regalo kong payong, lulukutin
mo pa ang jacket ng officemate ko! Paano ko ito ibabalik ngayon
ah!? Sumagot ka! Hindi ka sasagot ah!?"
At pak! Kasabay ng repleksyon ng kidlat sa bintana namin ay gumuhit sa
mukha ni Maya ang kidlat ng isang galit na asawa at dumulas pababa ang masikip
niyang singsing.
"Sorry babe. Hindi ko sinasadya."
At nang malaman ni Ben na ayaw ni Maya na magpahawak ay mabigat ang loob
nitong nilisan ang silid.
Gusto ko sanang sabihin kay Maya na ang sarap balatan ni Ben at gawing jacket
upang may maibalik na jacket sa officemate nitong mabait sa
mga tigre. Hinawakan ko ang singsing na nahulog sa sahig. Hindi ako naawa kay
Maya. Naawa ako sa kabibe na nawalan ng buhay dahil sa kinuhanan ng perlas para
lang gawing singsing tapos ito na at nasa sahig.
Ano ba ang tingin ni Ben kay Maya? Robot? Plantsa? Automatic washing
machine? Bakit kaya itinuturing na mga gamit ng tao minsan ang kapwa tao?
At bakit din kaya minsan ay mas pinapahalagahan pa ng isang tao ang isang gamit
kaysa kapwa tao?
"Gusto ko nang mamatay," sigaw ni Maya.
Ang tao kapag masaya, ang sasabihin ay pwede na akong mamatay. Kapag
naman nagdurusa, gusto ko nang mamatay. Oo Maya, mamatay ka na. Biro lang.
"Cesar."
At nang marinig ko ito ay tila ba dinala ako ng mga anghel sa ikapitong
langit.
Aba at kailangan lang pala siyang awayin ni Ben para pansinin ako ni
Maya. Sana ganito araw-araw. Siyempre biro lang.
Matagal na nag-isip si Maya.
"Ay wag na lang pala."
Tao nga naman. Sasabihin na may lihim siya tapos hindi rin pala
sasabihin ang lihim niya. Ano iyon? Painggit lang?
Ano kaya ang gusto niyang sabihin? At ano rin ang pumigil kay Maya para
sabihin ito sa akin. Wala na ba siyang tiwala sa akin?
At sa kakaisip nito ay lalo ko lang nararamdaman na isa lang akong gamit
para kay Maya. Nanliliit na ako tulad ng singsing sa isang sahig na nasa isang
gusaling may lima na palang palapag!
Kung nakakapagsalita lang ako, siguro itatanong ko, "Bakit ganito?
Bakit ganoon? Bakit ganyan?" Kung nakakapagsalita lang ako, mas pipiliin
ko pang wag na lang magsalita.
* * * * * * * *
* *
At nang ang gusali ay nasa ikaanim na palapag na ay nagkabati at
nagkaroon ng mga anak sina Ben at Maya.
At doon ay nagtaka ako. Bakit nga ba hindi rin ako mag-asawa para naman
magkaroon ng mga anak?
Eh kung magkakaroon ako ng mga anak, ano kaya ang mga bilin ko sa mga
anak ko? Tulad ba ito ng mga bilin ni Maya sa kambal niya na noon ay kasama
naming nakatunghay sa bintana ako man ay hindi alintana.
Panahon ng pagpapalipad ng mga saranggola at may dumapo pa ngang isang ibon sa bintana. Lumipad ang ibon nang
subukan itong hulihin ng kambal na si Rey at Kevin. Katapat ng aming bintana ay
isa ring bintanang nagbubukas sa isang pambatang eksena. Isang bata ang hindi
umubos sa pagkain niya.
At dito ay sumingit na si Maya.
"Wag kayo kahit kailan magsasayang ng pagkain. Maraming bata ang
nagugutom. Hindi lahat ng bata ay nakakain ng tatlong beses sa loob ng isang
araw. Wag kumuha ng hindi naman pala kayang ubusin. At isipin niyo ganito.
Kapag di niyo inubos ang pagkain niyo ay malulungkot ako dahil nasayang ang
pinaghirapan kong iluto. Malulungkot ang nagluto. Gusto niya bang malungkot si
Jollibee o si McDo o si KFC o si Wendy's o si Pizza Hut?"
Nagkatinginan ang mga bata. O Maya, walang mascot si Pizza Hut at
si Colonel Harland Sanders ang mascot ng KFC.
Hay naku, ang tao talaga gaya ng Dunkin' Donuts. Alam na ngang mali ang spelling
ng donuts ay ginagamit pa rin. Ganyan ang tao eh. Alam na ngang mali
ay gagawin pa rin. Wala na eh. Nakasanayan na eh. Bakit pa ihihinto? Patuloy na
gumagawa ng mali ang tao kahit alam niyang mali ito hindi dahil gusto niya
itong magmukhang tama kung hindi dahil pinaninindigan niya ito. Sira na araw
ko. Sige, sirain na natin ng husto. Ah, bagsak na ako. Sige, ibagsak pa natin.
Hindi ako naging productive sa araw na ito, sige lubus-lubusin na natin.
"At wag kayong kukuha ng hindi inyo. Kapag sobra ang sukli, ibalik.
Kapag may nahulog na wallet, ibalik."
"Paano kung wala na ang may-ari? Nakaalis na?"
"Kunin mo pero wag mong galawin. Maghahanap iyon. At isa pa, bago
ka gumawa ng kalokohan gaya ng pandaraya sa test, ano iyong sinabi ko?
"
Sabay na sumagot ang kambal na tila ba memoryado na nila.
"Tingin sa harapan. Tingin sa likod. Tingin sa kaliwa. Tingin sa
kanan."
"At?"
"Tingin sa itaas"
"At wag din kayong mananakit ng mga hayop at halaman."
"Paano ang lamok? O kaya ipis?"
"Na hindi nananakit sa inyo. Lumayo sa mga hayop na alam mong
nananakit o kaya ay madaling magalit."
"Bakit sila nagagalit?"
"Ikaw ba, kapag binuhol o kaya chinapchop ang buntot mo, hindi ka
magagalit?"
Napaisip ang bata. O Maya, walang buntot ang mga anak mo.
"Ma, wala naman kaming buntot ah."
"Ah oo nga no. Basta. Pantay-pantay ang mga tao, mga hayop at mga
halaman. Ang batang nananakit, tinutubuan ng sungay at buntot. Ang baka na
kinain mo ay kumain ng damo. Iyan ang halaga ng halaman, pagkain ng mga
kinakain natin."
"So kumain din kami ng damo?"
"Basta. Magtanim para walang baha. Magdasal para-"
"Walang bruha!"
Dumating si Ben na may pasalubong at sila ay isang masayang pamilya.
Tama ka Maya. Ang batang nananakit, tinutubuan ng sungay at buntot. O
Maya, ilan na ang sungay at buntot mo? Isa ka pa ring bata para sa akin Maya,
isang batang nakasakit ng damdamin ng isang kaibigan na ang pangalan ay Cesar.
Kung nakakapagsalita lang ako, siguro itatanong ko, "Bakit ganito?
Bakit ganoon? Bakit ganyan?" Kung nakakapagsalita lang ako, mas pipiliin
ko pang wag na lang magsalita.
* * * * * * * *
* *
Noon ay tinuturuan ni Maya ang mga anak na maglaba habang si Nanay naman
na sa bilis ng panahon ay isa nang lola sa ikapitong palapag, tahimik na
nakaupo sa rocking chair na walang humpay ang paglangitngit.
Sa isang iglap, habang nagtatampisaw na sa paglalaba si Maya at ang
kambal ay tumigil na ang paglangitngit ng rocking chair.
At dito naalala ni Maya ang mga araw na hindi niya pinansin ang
pinaghirapang luto ng nanay niya dahil sa pagod siya at maraming problema.
Nagsayang siya ng pagkain. Kinain niya ang sariling bilin sa mga anak.
Ganito ang tao. Magaling mag-utos, magbilin, mamuna ng mali o kaya ay
magpayo sa iba tapos hindi naman pala matulungan ang sarili. Hindi malutas ang
sariling problema na minsan pa nga ay kapareho lang pala ng problemang binigyan
niya ng payo sa isang kakilala. Hindi nakikita ang putik sa mukha. Nagrereklamo
at naninisi samantalang wala namang ginagawa.
"Ben, kainin mo ang luto ng nanay mo ah. Mami-miss mo iyong
balang-araw."
Ito naman ang payo ni Maya kay Ben.
At simula noon ay naghanap si Ben ng nakangiting larawan ni Nanay at
pinalaki ito upang gawing design na pantakip at pambukas ng bintana.
Ibaba mo ang bintana sa gabi at nariyan ang nakangiting ulo ni Nanay. Buksan mo
sa umaga kapag aalis at wala na.
Kung nakakapagsalita lang ako, siguro itatanong ko, "Bakit ganito?
Bakit ganoon? Bakit ganyan?" Kung nakakapagsalita lang ako, mas pipiliin
ko pang wag na lang magsalita.
* * * * * * * *
* *
Sa pagtaas-baba ng bintana at sa pagdagdag ng isang bagong palapag kung
saan kami pa rin ang nasa pinakaitaas ay hindi namalayan ang muling paglagas ng
mga gintong dahon ng oras.
Si Kevin ay mag-aabroad at si Rey naman ay hihiwalay na dahil ito ay may
pamilya na.
Bumili ng isa pang rocking chair sina Maya at ngayon ay dalawa na
ang rocking chair, tig-isa sila ni Ben. Kapwa sila nagpapahangin gamit
ang bukas na bintana.
"Nakakainis itong apartment na katapat natin. Hindi tuloy
natin makita ang paglubog ng araw," panimula ni Ben.
"Makikita rin natin iyan balang-araw," sagot naman ni Maya.
Ako naman ay nagbalik na sa pinakamamahal kong kama.
Nasa ganoong kalagayan kami ng walang anu-ano ay may lumipad na
eroplanong papel papunta sa amin at galing sa katapat naming bintana.
Nakasulat sa papel ang mga salitang:
"Dear Jesus. Sana po lumaki na ako."
Ang mga bata gustong lumaki. Ang mga matanda gustong maging bata.
"Oh Diyos ko. Ipadala mo na rito ang Iyong tagasundo,"wika ni
Maya.
Napangiti si Ben at si Maya naman ay natawa dahilan upang matawa na rin
si Ben. Tumawa sila buong hapon at buong
gabi na parang wala nang bukas at parang huling araw na nilang mabubuhay dahil
magugunaw na ang mundo bukas. Totoo nga naman.
Kung nakakapagsalita lang ako, siguro itatanong ko, "Bakit ganito?
Bakit ganoon? Bakit ganyan?" Kung nakakapagsalita lang ako, mas pipiliin
ko pang wag na lang magsalita.
* * * * * * * *
*
Nangyari ang lahat ng isang araw ay nagpaalam si Ben na kukuha lang daw
ng pusa. Subalit walang anu-ano ay may isang lalaking nakamotorsiklo ang
bumaril dito.
Dead on arrival.
At gaya ko, nagalit si Maya sa mga tao.
Bakit late ang mga tao? Bakit nagsasayang ng oras ang mga tao? Bakit natin ipinagpapaliban o ipinagpapabukas ang mga bagay na pwedeng gawin na ngayon tulad ng pagpapahayag ng pagmamahal?
Bakit late ang mga tao? Bakit nagsasayang ng oras ang mga tao? Bakit natin ipinagpapaliban o ipinagpapabukas ang mga bagay na pwedeng gawin na ngayon tulad ng pagpapahayag ng pagmamahal?
At ang masama pa rito ay nagalit din si Maya sa Diyos. Ninanais niyang
tumalon minsan sa bintana pero pinangungunahan siya ng takot kaya naman
sinisigaw na lang niya sa labas ng bintana ang mga daing niya sa Diyos.
"Ang sabi ko di ba ako ang sunduin Mo. Bakit wala Kang ginawa para
iligtas siya? Totoo ka ba talaga?"
Minsan naman ay mauupo si Maya sa rocking chair at ilalapit ang
isa pang rocking chair sa tabi niya at iuuga ito para magmukhang dalawa
pa rin sila.
"Oh Ben, namatay ka ba para ikaw ang maging tagasundo ko? Kung
ganoon ay sunduin mo na ako ngayon na. Magpadala ka ng babaril sa akin."
Gusto kong sumigaw. Maya, nandito pa ako. Hindi kita kahit kailan
iniwan.
* * * * * * * *
* *
Habang nag-aabang si Maya ng babaril sa kanya mula sa bintana ay may
ginuguhit siya sa white board.
Ako naman ay gumala sa loob ng silid na para bang ngayon na lang muli
ako nakaapak sa sahig ng silid na ito.
At doon ko na lamang napansin na para bang naurong nang kaunti pakanan
ang kabinet. Dati ay halos katapat ito ng kama.
Nais ko sanang silipin ang nasa likod ng kabinet nang biglang nahulog
ang isang picture frame na nasa
ibabaw ng kabinet.
"Tay? Nanay? Ben?" Parang wala na sa sarili si Maya.
Naghahanap ito ng tagasundo dahil nais na nitong makalaya sa kulungan ng
kalungkutan.
Nang mapulot ni Maya ang picture frame ay nagulat siya, napangiti
at napaluha. Ang bumagsak na picture frame ay ang picture na
dahilan kung bakit kami naging magkaibigan ni Maya.
"Cesar?"
At lumapit ako kay Maya.
"Patawarin mo ako Cesar."
Ok lang iyon Maya. Wala iyon. Ayos lang ako.
At mula sa paluhod na posisyon ay tumayo siya at inurong ang kabinet.
Masakit sa tenga. Subalit mas masakit sa tenga ang mga narinig kong salita?
"Narito ka ba?"
Napalingon ako at noon ko lang nakita ang dugo sa likod ng kabinet. Ito
pala ang lihim na balak sabihin sa akin ni Maya noon subalit hindi niya nagawa.
Dito lang din nagbalik ang lahat.
Maya, nakikinig ka ba? Maya, ang daing mo ay daing rin ng isang
estudyante sa tapat ng ating bintana! Maya, ang basurahan niya ay puno na ng papel.
Maya, ilang puno ang kinatay para sa sinayang niyang papel? Maya, nagsasayang
ka ng papel at puno! Maya, gising ka pa ba? Maya, buhay ka pa ba? Maya, makinig
ka sa akin. Maya. Maya. Maya. Maya!
At naramdaman ko na lang na itinulak niya ako mula sa kama, tulak na
hindi gaya ng dati ay dahil sa gulat kung hindi tulak na dahil sa galit.
Noon ko lang naramdaman ang sakit ng bawat laman at buto ko. Hinagis ako
ni Maya palayo sa kama at tumalsik sa pader na ito. Umingaw ako at upang
mapatahimik ako ay... Hindi ko kayang ikuwento. At akala ko ba, siyam ang buhay
ng pusa? At akala ko ba, curiosity kills the cat?
All those times ay nagalit at nagtampo ako kay Maya kung bakit hindi
niya ako pinapansin! All those times ay naroon ako sa tabi niya! All
those times ay hindi pala talaga niya ako mapapansin!
"Cesar, patawarin mo ako. Hindi ko sinasadya. Nagsisisi ako
hanggang ngayon."
Ang mga batang nananakit ng hayop, tinutubuan ng sungay at buntot.
"Cesar, hindi kita
nalimutan kahit kailan."
Sinungaling.
At mula sa ilalim ng kama ay
kinuha ni Maya ang mga kahon na may mga nakatambak na papel. Mga larawan kung
saan ako ang nakaguhit. Akong-ako. Ang batik, ang hugis ng mukha, ang kulay.
Para akong nakatingin sa mga salamin. Isang patay na nananalamin sa salamin na
wala ring buhay.
Nilabas din ni Maya ang
isang garapon ng Stick-O. Mga abo.
Dala ang garapon ay naglakad
palabas si Maya at nagpunta sa ikasampung palapag upang isaboy ang aking mga
abo. Wala pa rin namang mga tao rito. Si Maya rin naman ang tiyak na
maninirahan dito.
"Pinapatawad na
kita."
Hindi ako ang tagasundo ni
Maya. Si Maya ang aking tagasundo, ang aking tagapagpalaya.
* * * * * * * * * *
Gaya ng inaasahan, nang
matapos ang ikasampung palapag ay si Maya ang nanirahan dito. Gaya rin ng
inaasahan, ang kabilang apartment ay may sampung palapag na rin. Sa
ganitong pagkakataon ay wala ka na talagang matatanaw na lupa sa tapat mo.
Gusali sa gusali. Bintana sa bintana.
Subalit gala at malaya ang
isipan ni Maya. Ang hindi niya natapos na iguhit sa kanyang white board
ay tinapos niya isang araw. Ito ay isang larawan ng paglubog ng araw na matagal
nilang pinangarap ni Ben.
Kung nakakapagsalita lang
sana ako.
Kung nakakapagsalita lang
talaga ako, Maya, magsasalita ako!
Magsasalita ako para lang
paulit-ulit na sabihin sa iyo na mahal ka ng pusa mong si Cesar.
Image Sources:
http://dumaker.deviantart.com/art/Ashes-to-the-wind-272574783
Image Sources:
http://dumaker.deviantart.com/art/Ashes-to-the-wind-272574783
No comments:
Post a Comment