Aaron Ramilo
Payong, payong, saan ka nagmula? Payong, payong, saan ka napunta?
Ilang beses na akong nawalan ng payong, payong na bigay lang sa akin,
payong na pahiram lang sa akin, payong na de pindot at kung anu-ano pang payong
na nagdaan sa buhay ko, nawala, at hindi na muling nakita at nagbalik.
Malapit na ako sa bahay nang maalala ko ito, naalala dahil sa naramdaman
ko na lamang na ang sementadong lupa ay nangingitim at ang mga yero ay
nagtitilian.
Agad akong nanakbo pabalik sa school hindi alintana kung mabasa
ako o ang aking bag at ang mga papel sa loob nito. Pahiram lang kasi sa akin
iyon ng nanay ko. Sa aking pagtakbo naman ay dala ko ang pag-asa na sana ang
payong na ito ay hindi matulad sa iba kong mga payong na nawala na lamang nang
walang iniwang bakas.
Payong, payong, saan ka nagmula? Payong, payong, saan ka napunta?
Sa daanang pinalabo ng ulan ay nakahanap ng silong ang aking mapaglarong
isipan.
Nakita ko ang isang matandang lalaki, gumagawa ng payong o sa mas
malinaw na mga salita, nagre-repair ng payong. Nakita ko ang mga batang
nakapaa at nagtatakbuhan sa ulan. Nakita ko ang isang batang may kapote at
pauwi. Nakita ko ang mga sinampay na nalimutang kunin at naligo na lamang sa
ulan. Nakita ko ang mag-boyfriend na tila ba nagsasayaw ng rain dance na
pauso nina Sarah at John Lloyd.
* * * * * * * *
* *
Noong unang panahon, may isang matandang lalaki. May isa siyang anak na
babae. Mahirap lang sila kaya naman sila ay nakatira lamang sa isang yungib
habang nagnanakaw naman sila ng mga gulay at halamang-gamot sa isang matabang
halimaw na ang kalam ng tiyan at boses ay naririnig sa langit, ang mga ginupit
na kuko ay gumuguhit sa langit at ang luha ay tumutulo pababa mula sa langit.
Sa kabilang banda naman ay may manliligaw ang anak na babae, isang
kalapit yungib na nagnanakaw din ng mga halamang-gamot at gulay sa halimaw.
Isang gabi, nagtaka ang matandang lalaki kung bakit wala pa ang anak.
Nakarinig siya ng dagundong sa langit at natakot siya. Naisip niyang baka
kumakalam ang tiyan ng halimaw at kinain nito ang anak niya. Kasing bilis ng
hangin siyang pumaroon at doon ay nakita niya ang malamig at duguang katawan ng
anak.
Agad nilabas ng matanda ang itak subalit pinigilan siya ng buhay pa pala
niyang anak. At doon ay nalaman niya ang katotohanan. Nagmamahalan ang anak
niya at ang halimaw! Ang dagundong ng langit ay hindi kalam ng tiyan kung hindi
tawa ng halimaw habang kasama ang kanyang anak.
At doon sa mga halaman ay nakita niya ang manliligaw ng kanyang anak hawak ang duguang patalim. Naikuwento ng halimaw na ang babae ang nagtanggol sa kanya laban sa manliligaw.
Nilibing ng halimaw at ng matandang lalaki ang babae sa hardin. Matapos nito ay lumisan ang halimaw, lumuha at nagdala ng malakas na ulan.
At doon sa mga halaman ay nakita niya ang manliligaw ng kanyang anak hawak ang duguang patalim. Naikuwento ng halimaw na ang babae ang nagtanggol sa kanya laban sa manliligaw.
Nilibing ng halimaw at ng matandang lalaki ang babae sa hardin. Matapos nito ay lumisan ang halimaw, lumuha at nagdala ng malakas na ulan.
Sa lupa kung saan inilibing ang babae ay tumubo ang isang matayog na
puno at namulaklak ito- isang malaking bulaklak na may tangkay at may bilugang
lilim gaya sa isang kabute. Sa tuwing luluha ang halimaw ay pipitas ang
matandang lalaki ng bulaklak at gagamiting panangga sa luha. Ang matandang
lalaki na rin ang naging bantay sa puno ng minamahal na anak.
Nang makita ito ng manliligaw ay nagnakaw siya ng isang bulaklak bilang
panangga sa luha ng halimaw at ito ay nalaman ng buong bayan.
Nagpitasan ang mga tao sa puno. At sa mga salitang iniwan ng manliligaw
nagmula ang salitang payong.
Lihim sa mga tao, ang payong ay hindi isang ordinaryong bulaklak lamang.
May buhay ito. May mga pakpak ito upang magbalik sa harding kinatitirikan ng
puno sa oras na malapit na itong mamatay, ang kamatayang sanhi ng pagkalimot ng
may-ari, pagkaligaw, sugat sa ulong lilim o bali ng mga buto. Kapag hindi
nagamot, sila ay namamatay bilang mga kabute.
Ang mga ninakaw naman na payong ay tumatakas sa magnanakaw at bumabalik
sa matandang lalaki.
* * * * * * * *
* *
Narating ko ang classroom at malinaw pa sa aking alaala na
sinabit ko ang payong ko sa kahoy na sabitan. Subalit anumang linaw ng alaala
ko ay anong labo naman ng pag-asa ko dahil sa wala roon ang payong ko.
Nagpunta ako sa library at nakita ko roon ang mga naiwan ding
payong. Subalit wala roon ang payong ko.
Naisip ko si Inay. Ayaw ko nang bumili pa siya ng bagong payong. At doon
ay naganap ang isang kababalaghan, isang
kasalanan para pagtakpan ang isa pang kasalanan.
May pangalan ang payong:
Lorena Garcia
Kay malas na babae. Kung hindi mo lang sana naiwan ang payong mo...
Pagdating sa bahay ay patakbo akong dumeretso sa kwarto, mabilis para
hindi makita ni Inay na nabasa ako ng ulan at upang hindi niya rin hanapin ang
"luma" kong payong. Sa kwarto ay agad akong nagkalkal at nakahanap ng
pentel pen para itago si Lorena Garcia.
* * * * * * * *
* *
Kinabukasan ay nakita ko si Aaron na may bagong payong. Naiwala na naman
niya ang payong na pahiram ko sa kanya, ang payong na nakaw ko lang sa isa kong
officemate.
Napatanong ako.
Payong payong, saan ka nagmula? Payong payong, saan ka napunta?
* * * * * * * *
* *
May pangalan naman iyon. Ang tanong nga lang. May magbabalik ba? Bigay
na nga lang ng isang kagawad sa amin noong huling eleksyon, nawala pa.
Hayaan na. May napulot naman akong "bago." Ito, nakita kong
nakasabit doon sa sabitan na nasa may classroom ng Section Matapat.
* * * * * * * *
* *
Isang ordinaryong gabi na may halong ulan ay nagkasalubong si Aaron at
Lorena dala ang mga "bago" nilang payong.
At nang magkita sila, ang itsura ni Aaron kay Lorena at ang itsura ni
Lorena kay Aaron ay ganito: isang matandang lalaking may dalang payong subalit
ang payong ay hindi nababasa sa gitna ng ulan. Pareho nilang iniisip na totoo
nga ang matandang lalaking nasa alamat.
Nagtitigan sila ng matagal hanggang sa may mga batang dumating mula sa
kawalan. Ang iba ay nakakapote, ang iba ay naligo sa ulan. Ang mga batang ito
na tila hindi naman magkakakilala ay bumilog sa kanila at umawit ng, "Rain
rain go away. Come again another day..."
Nag-isip ang dalawa. Magsasayaw na ba sila ng rain dance para
makatulong?
Subalit bago pa sila humakbang ay tumila na ang ulan at kung anong tila
naman ng ulan ay nagsialisan na ang mga bata na parang walang nangyari.
Humakbang sila papalapit sa bawat isa... Hakbang... Hakbang...
Hakbang...
Hanggang sa magkatapat na sila. At mula rito ay hindi na isang matandang
lalaki ang tingin nila sa isa't isa.
Alam nila pareho na payong nila ang hawak ng isa. Dahil dito ay hindi
nila alam kung sila ba ay magiging magkaaway o magkaibigan. Ang alam lang nila,
kapwa nila tinatanong sa malalim na mga mata ng bawat isa ang tanong ng ulan.
Payong payong saan ka nagmula? Payong payong saan ka nagpunta?
Image Sources:
http://www.mintongallery.com/JosephMinton/JosephMintonArtWork.htm
Image Sources:
http://www.mintongallery.com/JosephMinton/JosephMintonArtWork.htm
No comments:
Post a Comment