Sunday, January 5, 2014

Putol

Pat Bariring

Hindi kompleto ang Bagong Taon ng walang paputok.

* * * * * * * * * *

"Wala na nga tayong pera puro paputok pa ang nasa utak mo. Di mo kasi-"

"Hindi kompleto ang Bagong Taon nang walang paputok. Boring."

"Pwede namang mag-Bagong Taon ng walang paputok. Pwede ka namang lumundag na lang mamaya para tumangkad? Libre lumundag, tatangkad ka pa. At kung gusto mong mag-ingay, bumili na lang tayo ng torotot. At isa pa-"

"Di naman totoo iyang mga pamahiing iyan. Mga matatanda lang ang naniniwala diyan. Lumundag na ako tapos ano? Para sa uto-uto lang ang mga ganyang paniniwala. At hindi ako isa doon. At ano naman ang thrill sa torotot?"

"O sige, kung ayaw mo ay pwede ring kumain ka na lang ng mga prutas na dadalhin ko mamayang gabi? Swerte na, libre pa. O kaya-"

"O tingnan mo. Gagastos ka rin naman pala para sa mga prutas prutas na iyan tapos sa paputok hindi pwede? Mahirap na tayo sabi mo tapos gagastos ka pa para sa mga prutas na iyan. Labingdalawa iyan. Mas mahal pa iyan sa paputok at sa palengke ka pa bibili niyan. Eh ang paputok, diyan lang sa tabi. Pampaswerte, eh bakit mahirap pa rin tayo sabi mo?"

"Di ka ba natatakot sa mga napapanood mo ngayon? Di ka ba natatakot sa mga lagari? Manood ka na lang ng fireworks mamaya. Di ka ba natatakot na baka-"

"Sino ba ang nagsabing delikado ang magpaputok? Nasa tao naman iyan. Matagal na akong nagpapaputok kasama ang mga kalaro ko, nina Jake, pero eto at may mga kamay at paa pa ako. Nakakahiya naman sa kanila. Lagi na lang akong nakikikuha ng paputok sa kanila. At iyang fireworks fireworks na iyan. Hindi mo kasi maintindihan eh. Iba ang pakiramdam kapag ikaw mismo ang nagpapaputok."

"Kung wala kang gustong gawin mamaya sa mga sinabi ko ay mabuti pang matulog ka na lang. Palibhasa hindi ka pa-"

"Sige na Itay. Bumili na tayo. Sige na. Please. Promise. Maglilinis ako ng bahay pag-uwi natin."

"Magandang ideya iyan. Maiwan ka ngayon sa bahay at maglinis. At oo nga, maglista ka man lang sana ng mga New Year's Resolution mo at nang-"

"Bakit ikaw 'Tay? Ano ang New Year's Resolution mo?"

Natahimik ito. At dito na natapos ang aming debate na hindi ko masabi kung sino ang nanalo. Nag-sign of the cross na ito gaya ng dati gamit ang kaliwang kamay. Nilagay naman ni Tatay sa bulsa ang kanang kamay para kapain ang dala nitong pera at ito ay umalis na. Nagmamadali at hindi man lang nagbilin o kaya ay lumingon na para bang kapag narinig pa ang boses ko ay  makukumbinsi siyang isama ako at bumili ng paputok. 

Sa pagmamadali nito ay hindi na nito pinatay ang tv na wala namang laman kung hindi pawang mga patalastas ukol sa Last Year's Best ng mga tv show, mga hula hula at mga paalala sa pagpapaputok. Mga batang engot na umiiyak ngayon. Mga larawan ng mga lagari. Mga dapat umanong gawin kapag naputukan. Mga version ng Sampung Mga Daliri na sinasabing baka hindi ka na makakanta ng Sampung Mga Daliri kapag nagpaputok ka. Hindi rin nito naisara ang aming kahoy na pinto.

Pag-alis na pag-alis ni Tatay ay agad akong pumasok sa kwarto naming ang pinto ay kurtina namin noong nakaraang taon. Kumuha ako ng mga damit, namili kung ang bago ba o ang luma ang isusuot. Iyong luma na lang at baka sabihin ni Jake ay isinuot ko na agad ang katas ng aming napangarolingan. Mabuti pa ako may regalo sa sarili samantalang si Itay walang ibinigay para sa akin. 

Ito ang nasa isip ko nang dali-dali akong magpunta ng cr upang hawakan ang aming bagong tabo- ang ang lalagyan ng ice cream na kinain namin noong Pasko. Dali-dali akong nagbuhos na para bang may pupuntahan ako at lumabas naman agad ako sa pintuan ng aming cr na isa ring kurtina. Mas dark nga lang kesa sa nasa kwarto. Obvious naman kung bakit.

Napatingin ako sa labas. Gusto ko sanang bumili ng mga tigpipisong mangangata kaya lang ay hindi naman nagbigay o nag-iwan si Itay ng pera. Napansin ko rin na tila makulimlim. Sana naman ay wag umulan mamaya. Bukod sa hindi kami makakapagpaputok kung sakali ay pahirapan na naman kami ni Itay na maglagay ng mga balde sa kusina kapag lumakas ang ulan.

Napatingin ako sa orasan namin. Maaga pa. Hindi ko alam kung bakit pero dito ko lang naalala na may mga assignment pala kami. Bakit ba kasi kailangang magkaroon ng assignment sa bakasyon? Buklat dito. Buklat doon. 

Nagkalat ang mga notebook ko, mga notebook na ang pages ay galing at hiningi sa mga kakilala umano ni Itay at akin na lang tinahi para kumapal at magbuklod. Sa pagtitig sa mga notebook na ito ay naalala ko ring wala pa akong nasisimulang gawin lalo na sa Math na hindi ko magagawa nang wala si Jake. Nagkalat ang lahat ng notebook sa sahig ng kwarto maliban sa isa. Ang notebook ng boring naming subject at hindi ko alam kung bakit may ganito pa- Values.

Ang assignment ay...

At naalala ko ang kanina. Bakit kaya natahimik si Itay sa huli kong tanong?

Kakatitig sa notebook na ito ay...

* * * * * * * * * *

Gabi. Isang batang lalaki ang abala at maingat na nangungupit ng mga barya sa pantalon ng tatay niya. At aba! Sa harap pa ng tatay mismo! Pero hindi pinansin ng tatay.

Lumabas ang bata na hindi man lang pinansin ang natutunaw nang ice cream sa la mesa at ang mga prutas na gumugulong na sa sahig ng kusina dahil sa nilaro ng pusang itim. Nagtungo agad ito sa isang bahagi ng kalye at bumili ng paputok. Matapos ay nagtatakbo at sumama sa mga kaibigang kanina pa pala nagpapaputok.

Sa kabilang banda, ang tatay ay nakahalatang wala na siyang kasama sa bahay dahil kanina pa siya tawag ng tawag ay walang sumasagot kung hindi ang pusa nilang nabuburyong na lang sa mga ingay na nasa labas.

Naputol ang pagtawag niya at ang ingaw ng pusa nang may narinig siyang mga sigawan. Mga kapitbahay. May naputukan. At doon ay alam na niya kung sino.

Nakita ko ang lahat ng ito. Nakita ko lang. Nakita ko pero wala akong narinig. Ang buong eksena ay parang iyong mga lumang pelikula noon. Black-and-white. Walang tunog.

* * * * * * * * * *

Nagising ako. Wala na nga akong nagawa ay nalawayan ko pa ang notebook ko. Inilalagay ko sa bag ang mga notebook ko nang biglang dumating si Itay. Maaga itong nakauwi.

Sa pagsayad ng pintong kahoy namin sa sementong sahig dahil sa ang pagbukas nito ay paloob ay naalala ko ang pagtatalo namin ni Itay kanina. Naalala ko rin ang aking bungang-tulog. Ang bata. Ang tatay. Ang mga paputok.

"Di na ako nagpunta ng palengke. Nasalubong ko si Aling Viring. Di raw siya nakapagbigay noong Pasko kaya-"

Dali-dali akong yumakap sa kanya nang mahigpit. Nabitawan nito ang mga plastik sa kaliwang kamay. Gumulong ang mga prutas sa sahig.

Nasa ganitong kadramahan ako nang dumating si Mang Alan dala ang isang aso. Putol ang buntot.

"O eto na si Putol. Kumain na iyan."

Umalis na ito at mahigpit pa rin ang kapit ko kay Itay hanggang sa nilabas na nito ang kanang kamay sa bulsa at kasama ang kaliwang kamay, ay yumakap sa akin. Ramdam ko ang pagmamahal ni Itay sa akin. Ramdam ko sa regalo niya at sa bagong miyembro ng pamilya namin- si Putol. Late man ay ramdam ko. At ang pagtahol nito ang tiyak na papalit sa tunog ng pagpapaputok sana namin mamaya.

Ramdam ko ang pagmamahal ni Itay sa akin. Ramdam ko gaya ng kulog at pagkulimlim ng langit kung saan ako ay napangiti dahil sa tila mangyayari ngang hindi na makakalabas ang mga bata para magpaputok. Mananatiling kumpleto ang kanilang mga daliring panghawak ng ballpen o lapis, pang-sign of the cross, pang-apir sa kaibigan, pang-dirty finger at panapak sa mga kaaway, pambilang ng one to ten.

Ramdam ko ang pagmamahal ni Itay sa akin at ngayon ay alam ko na kung ano ang isusulat na sagot sa aking homework sa Values. Ang New Year's Resolution ko ay...

Ramdam ko ang pagmamahal ni Itay sa akin. Ramdam ko sa bawat yakap, sa bawat daliri, sa kanyang  pitong mga daliri, sa kanyang natitirang hintuturo at gitnang daliri sa kanang kamay na dahilan upang matuto siyang maging kaliwete.

Ramdam ko ang pagmamahal ni Itay sa akin at alam kong ito ay hindi nagkulang bagamat kulang ang mga salita para ipahayag kung gaano niya ako kamahal at kung gaano ko rin siya kamahal.
Kulang na kulang.

* * * * * * * * * *


No comments:

Post a Comment