Sunday, October 27, 2013

Ulan

JC Lipa



Walang tigil sa pag-ulan.

Sa katunayan, simula nang lumipat sina Mila sa bayan na ito  ay hindi na tumigil ang pagbagsak ng ulan. Minsan ay hihina nang bahagya at kadalasan itong nangyayari tuwing sinisimulan niyang kapain ang chords ng kantang kinakanta nila nang kanyang ama noong siya ay nasa high school pa lamang.



Tuwing umaga naman ay sinasalubong ng kanyang mga bagong gising na mata ang malakas at maingay na tunog ng ulan na halos panginigin ang kanilang bahay at buwalin ang puno ng mangga sa labas malapit sa bintana ng kanyang kwarto.

Gabi na at ang ulan ay patuloy pa rin sa pagbagsak. Iniharap niya ang kanyang sarili sa kanyang ‘diary’ at nagsimulang isulat ang bagay na patuloy at paulit-ulit niyang isinusulat araw-araw- ang Linggo ng pagkamatay at pagkabuhay. sapagkat patuloy iyong bumabagabag sa isipan niya. Sa kabilang kwarto  naman ay naririnig niya ang bawat hakbang na ginagawa ng kanyang ama sa pagsayaw ng sayaw sa Obando.

Minsan lang lumabas si Mila ng kanyang kwarto at kung lalabas man siya ay sinisigurado niyang wala na doon ang kanyang ama na sa tuwing dadatnan niya ay wala ng inatupag kundi sumayaw ng sayaw sa Obando.

Ayaw niyang makita ang kanyang ama ni marinig itong kumanta ng awiting matagal nilang inaral ang chords. Ayaw na niyang magbalik ang araw na iyon- ang paghimbing ng kanyang isipan noon na naging pataw sa mga pinagdadaanan niya sa ngayon.

* * * * * * * * * *

Madaling araw ng Linggo.

Nagising siya noon sa mahinahon pero sunod-sunod na mga katok. Sa isang tila hindi malinaw na dahilan, sumibol ang isang pagtataka na sinundan ng mabilis na pagtibok ng puso. Ang alam niya ay walang ibang tao sa bahay. Wala ang kanyang ina noon dahil sa mga oras na iyon, ito ay nagbebenta ng isda sa palengke at ang kanyang ama naman ay dala ang lambat para sumuong sa dagat. Ngunit ang pagkatok ay nagpatuloy.

Dahan-dahan ang ginawa niyang pagbangon mula sa papag na kasing lamig ng yelo na nilalagay ng nanay niya sa mga isda dahil sa walang humpay na pagbuhos ng ulan. Ng walang anu-ano ay kinuha niya ang posporo sa ibabaw ng la mesa at ginamit upang gawing alitaptap ang gasera nila. Pawisan man ang palad ng kanang kamay ay nagawa pa rin niyang buksan ang pinto at doon nagmula ang pagsabog ng liwanag at ang pagsagot sa tanong niya na sino.

‘Si Itay’ bulalas ng kanyang naguluhang isipan.

“Si Nanay nandiyan na rin ba?’’ tanong nito na pilit pinaghihilom ang kabang isinibol ng puso.

Hindi umimik ang kanyang ama bagkus ay pumasok ito sa kwarto at kinuha ang gitarang nakapatong sa la mesang kinalalagyan rin ng ‘diary’.

“Alam ko na… 'yong chords ng kanta? Itinuro sa’kin ni Pareng Nardo.” sambit ng ama.

Tumabi siya sa kanyang ama at pinanood ang bawat pagtipa nito sa strings. Ang bawat pagpatak ng ulan sa labas ay nasaliwan ng magandang himig kasabay ng mga kuliglig, himig na bumuhay sa natutulog niyang isipan at himig na nagturo ng isang aral na di niya malilimutan pero pilit niyang kinalilimutan.

‘O, hawakan mo’ sambit ng ama sa swabeng tono sabay abot ng gitara. Itinuro ang paghawak, pag-ipit sa mga strings at ang pagbuo ng mga notang tila dumuduyan sa buong paligid.  May paghangang nakatitig si Mila sa kanyang ama habang inilalagay nito ang kanyang mga kamay sa tamang porma. Ang mga mata niyang di niya alam kung mapungay nga ba o pumungay, ang ilong na tila tumangos, at ang labi na naging makipot Bumubulong ang kanyang nalalasong isip. Sa kabilang banda, lumakas ang buhos ng ulan.

Sa maikling sandali ay nagtagpo ang kanilang nangungusap na mga mata, ang mga isipan na tila nakalaya sa matagal na pagkabilanggo, at ang mga pusong inaalam kung ano ang tama. Nakalaya na rin ang gitara sa kanina pang pawisan na palad ng ama. Ito ay napaso sa papag na kanina ay malamig, ngayon ay nag-init gaya ng gasera na sumalubong sa tatay ng karibal nito ilang minuto ang nakalipas. At lumalakas ang ulan. . . Palakas nang palakas. At ang nangyari ay nakatala sa kanyang diary, tila isang tato na di mabura.

Matapos ang lahat, nakatingin na lamang si Mila sa mangga na matagal niya nang balak pitasin pero di niya mapitas dahil sa walang tigil na ulan. Naghihintay siyang mahulog ito. Wala na siyang magagawa. Kanina ay bumalik siya sa pagiging bata (pero bata pa naman talaga siya) na pumayag iduyan ng hangin, duyan na nakakabit sa  puno ng mangga at dahil sa hangin, ang mangga na nais niyang pitasin at kainin ay nahulog at nalamog. Ang masama pa, hindi sinabi ng hangin sa kanya na ang duyan na sasakyan niya ay may lamang mga pulang langgam. At ilang buwan lang, ang mangga na nahulog at nalamog ay nabaon sa lupa subalit nagsibol ng panibagong punla. Ang nangyari ay kayang tabunan ng lupa at anudin ng tubig-ulan pero hindi ng panahon, hindi ng puso.



Eto ngayon si Mila- nakatingin sa salamin, pinagmamasdan ang kanyang tiyan. Sa isang kisap-mata lang ay binasag ang salamin at nakatutok na ang isang piraso ng bubog sa kanyang tiyan. At gaya ng dati, may ulan pa rin. Tila binubulungan siya ng tunog na nanggagaling sa buhos ng ulan para ituloy ang malagim na balak.


Itinaas niya na ang piraso ng bubog at padausdog na ito sa tiyan niya nang narinig niya ang iyak-tawa ng matanda sa labas, patuloy pa rin sa pagsayaw ng sayaw sa Obando, nag-aalok na sabayan siya ng hangin pero magwawala naman agad na parang tinataboy ang bawat patak ng ulan kahit imposible.





Minsan pa ay dumating ang mga tanod upang awatin ito sa ginagawa nito. Patuloy pa rin ang pag-ulan hanggang sa tuluyan nang hinuli ang matanda, ang matanda na noon ay umuwi ng maaga hindi dahil sa wala siyang huli pero dahil siya ang nahuli ng asawa na namimingwit ng "sirena". Isa pa sa mga dahilan ng maaga niyang pag-uwi ay ang dalang balita ng asawa niya. Ito pala ay nagdadalang-tao na. Ang isda palang binebenta ng asawa niya ay ang sarili nito. At sumama na ito sa ibang "isda". Hindi ito nakakatawa dahil lingid sa kaalaman ni Mila ang negosyo ng mga magulang niya ukol sa "isda."

Linggo ngayon, gaya ng Linggo ng kanyang pagkamatay at pagsilang ng isang bagong buhay. Patuloy pa rin ang pagbagsak ng ulan. Sa kabila nito, lumabas siya dala ang isang bata na walang alam sa kahapon, nakabalot sa puting tela at nakahiga sa mga bisig ng ina. Naiwan ang gitara sa isang tabi at tinungo nila ang ilog na malapit sa puno ng mangga. Sa ilang segundo, nahulog ang isang bulok na bunga at ito ay inaanod na ng ilog. Dahil sa pagpatak ng ulan, hindi natin malalaman kung si Mila ba ay may luha sa mata o wala. Hawak niya ang bata pero dumudulas ang mga kamay niya...


Lagi siyang nananaginip ng isang lugar kung saan hindi laging umuulan, may mga kumakanta, at may mga nagsasayawan. Isa pa rin siyang musmos, iyakin, nais makalimot, nalilito kung musmos pa nga ba siya o hindi na, isang musmos na hindi na makakabalik sa tunay na mundo, hindi na maitatama ang mali at hindi na magpapatuloy ang buhay sapagkat nabubuhay na lamang siya sa panaginip.

At patuloy pa rin sa pagbagsak ang ulan.

Image Sources:
http://trinathsen.wordpress.com/2010/08/07/

Sunday, October 20, 2013

Utang

Joseph Galedo

Wow!

Ano ang lugar na ito? Isa akong hari at may mga aliping nagdadala sa akin ng mga pagkain. Nakahiga lang ako sa isang tela na naligo sa petals ng mga pulang rosas.

Pero may mali. Di ko alam ang lugar na ito. Nasaan ako?


* * * * * * * * * *

Tanda ko pa- si Juana, ang pagpulupot ng kanyang kamay sa aking kamay na tila isang baging, ang pagsandal ng kanyang ulo sa aking balikat, at ang pagtingin niya sa akin nang matagal na nagnanais ng lambing at agad namang magpapakawala ng isang ngiti na may hinhin at landi. Mabilis ang tibok ng puso ko. Di ko alam kung bakit. Kahit di ako manalamin ay alam kong namumula na ako. Di ko alam kung bakit. Araw-araw ay ganoon siya at araw-araw ay ganito ako. Iyon ang alam ko kung bakit. Masaya ako. Masaya siya. Masaya kami. Nagmamahalan. Ang pagmamahalan namin ay tila isang kabute na bigla na lang dumating, tila isang kabute na sa mula sa matandang kahoy ng pagkakaibigan ay umusbong, tila isang kabute.

Tanda ko pa. Noon ay sabay kaming gumagawa ng homework sa bahay nila. Nang biglang- may yabag ng mga paa, may kumatok, may kumakatok, palakas nang palakas na tila ba nais nang itulak ang pinto.

"Si Linda!" wika ko.

"Linda? May iba ka? Akala ko ako lang?" tanong ni Juana.

"Si Linda- ang maniningil ng utang."

"Utang? Nagbabayad naman kami ng tubig at kuryente. At saka bahay naman namin ito. Di kami umuupa. Ano ang gagawin natin?"

"Magtago tayo sa ilalim ng mesa. For sure manggugulo iyan. Maghahagis iyan ng mga gamit. Hindi siya makapasok sa pinto so bubutasin niya na lang ang bubong."

"Eh paano kung masira ang mesa?"

"Eh di takpan natin ang mga ulo natin."

"Eh kung lumabas na tayo sa backdoor."

"Pwede rin pero pag nasa labas na tayo, umiwas tayo sa mga puno, sa mga poste dahil iyon ang tambayan niya. Madali niya tayong mahahanap. Di natin kayang magtago. Di natin kayang tumakbo. At lalong di natin kayang lumaban. Wala tayong takas. Wala tayong ligtas. Andiyan na siya (creepy voice)."

At di na lang namin namalayan na kanina pa kami nag-uusap sa kung ano ang dapat gawin pero di naman namin ginagawa. Di namin namalayan na sinapian na pala kami ng panic. At nahuli kami ni Linda. Agad niyang sinubsob ang mukha ni Juana sa sahig at bang! Inuntog niya ito at ang walang laban na si Juana, ang aking Juana ay nabagok. Ang kabute ay nalanta at namatay. Nalunod ako sa lungkot at takot. Sana panaginip lang ang lahat.

Nagising ako. Panaginip nga lang ang lahat, panaginip na natapos dahil naalala ko lang muli ang lahat ng naganap na. Waalng panaginip. Lahat ay alaala. Lahat ay totoo. Naalala ko na ang mga sumunod na nangyari. Dahil gwapo ako, isinama ako ni Linda sa bahay nila. Na-kidnap ako. Marami kami. 

Nagising ako. Dilat naman ang mga mata ko pero madilim pa rin. Di naman siguro ako nabulag. Oo, di ako bulag dahil mali ang akala ko na isa akong hari na may mga aliping nagdadala sa akin ng pagkain. Isa lang akong pobreng pinipilahan ng mga langgam at ako pala ang pagkain nila. Mali rin ang akala ko na nakahiga ako sa isang tela dahil ang totoo, nakahiga ako sa matigas na sementadong lupa. Walang nagkalat na petals ng mga pulang rosas. Dugo, meron.


Wala akong kabaong. Pero ano ba ang pinagkaiba? Ganito rin naman ang paghiga sa kabaong- nakatitig sa taas. Oo, nakatitig pa rin ako sa taas. May Diyos. At madilim man sa sandaling ito, malapit ko nang masilayan ang liwanag. Alam ko. Sana. Ang hirap na kasi. Namamanhid, nangangati, napupuwing na ako rito. Malapit na akong tubuan ng kabute sa inip. Malapit na Juana.

Kung di ba naman tayo loko at ginawa na natin ang mga dapat gawin para makaligtas kay Linda. Oh Linda, ang tindi mo rin talaga no? Nang dumating ka, you turned my world upside down. Si Linda. Linda. Linda. Linda. Ang maniningil ng utang na kung tawagin ay buhay. Sa totoo lang ay di niya ako sinama sa bahay niya. Kinain niya ako. Sinundo niya ako pabalik sa kung saan tayo nanggaling- lupa.

Image Sources:

http://wallpink.com/boy-and-girl-falling-in-love-wallpaper.html
http://blacklemons.blogspot.com/2012/05/start.html
http://www.strangehistory.net/tag/buried-alive/

Sunday, October 13, 2013

Calliope

Toffer Garcia-TiƱa


"We (writers) fail just because we stop writing!"

-Ray Bradbury


Tinanong ng nanay ko, "Bakit nagsusulat ka pa rin kahit Linggo na? Magpahinga ka naman."

"Nagpapahinga naman ako ah. Kaya nga ako nagsusulat eh."

* * * * * * * * * *

Nagising na naman ako. Linggo- na naman.

Excited na naman ako. On the way na naman kasi ako sa mental hospital. Hindi ako ang doktor. Isa rin ako sa mga baliw. At lalong hindi rin ang pokpok doon. Walang doktor. Hindi naman kasi nagagamot ang kabaliwan. Nurse lang. Babae. Sh*t! Sexy! Hospital ba ito eh bakit feeling ko nasa langit na ako?



Ang di alam ng lahat- matagal na kaming magkakilala. Nagkita na kami dati. Tila ba nakita ko na siya sa dati kong buhay. Siya ay isang anino na tila ba matagal ko nang tinalikuran pero nakita at nakilala ko lang nang ako mapalingon.

Sa dati kong buhay, matagal akong naghanap noon at nahanap ko nga siya. Isa pa nga siya noong stranger pero nang makita ko siya ay nag-stand out talaga siya. Ang sabi ko, "Siya. Siya talaga ang liligawan ko. Siya talaga ang pakakasalan ko. Siya ang mahal ko."

Kaya nang matagpuan ko siyang nakaupo ay agad akong tumabi sa kanya. Agad din akong nagtanong sa kung ano ang pangalan niya at nagpakilala rin naman ako. Nag-usap kami. At ilang sandali lang, naramdaman kong nagugutom na siya. Ito at may dala naman akong pagkain. Naalala ko kasi ang bilin ni Mama, "Wag kang magmamahal, magpapakasal o mag-aasawa kung di mo kayang buhayin at pakainin?"


Anyway, nang matapos kaming kumain ay nagpunta kami sa sinehan. Tapos... Tapos sa hotel. Di ko na mapigilan ang sarili ko. Sasabog na ako. Sasabog na ang nararamdaman ko noon. Nahihiya pa akong maghubad noon. Pero di ko na talaga mapigilan. At naulit pa ang mga ganoong pangyayari.

Tama. Tanda ko na. Ang nurse sa mental hospital ay nakita ko na noon sa isa ko pang buhay. Sa classroom. Crush ko siya noon. Di ko sinabi ang nararamdaman ko noon. Namatay na lang siya. I tried to move on but- eto at nabaliw ako. Nang ako ay uhaw at mag-isa noon, mula sa wala, ako ay napatulala kasi tila isang himala, buhay siya. May dala siyang tubig noon. Niyakap niya ako na tila isang batang naligaw o nawala. Matagal raw siyang naghintay na kailanganin ko siya. Matagal. 

Naging kami. Pero nag-aaral ako. Kailangan naming maghiwalay minsan. Di ko alam kung problema ito o hindi pero sa bawat page ng readings o exam papers na mahawakan ko ay nakikita ko siya. Nakikita ko siya everywhere- lalo talaga pag nagbabasa ako o manonood ng isang pelikula o makikinig ng isang kanta o surfing, research o facebook sa Internet. Nakikita ko siya kahit saan- sa jeep, sa tricycle, sa c.r, sa salamin, sa kanto habang naglalakad, kahit sa ebak na sh*t at naapakan ko sa kanto o minsan ay ayaw lumubog, kahit nakaupo lang ako, kahit nasa kama ako (Wait. Wala kaming kama), kahit tulog ako, kahit may kausap o kasama ako. Lagi talagang may naghihintay sa akin. Kaya naman pag nagkita, iba't ibang karanasan at lugar ang aming nararating. Minsan ay oo, mahirap din. Minsan mapapalingon sa iba o busy ako but no, commitment and faith. Minsan ay bigla na lang di mamamansin. Minsan ay ayaw sumama. Minsan ay demanding. Pero di ako sumusuko at di ako susuko. Napapagod rin naman siya. Pahinga lang din pag may time. Pero para sa akin, sapat nang pahinga ang makasama ko siya.

Nagbukas muli ang pinto ng aking puso. Ganito sana ang lahat. Na kahit may papers na kailangang ipasa (o ihabol) nakakamatay na deadline o exams na kailangang aralin, bukas ang pinto ng puso. Sinasabi natin na wala tayong oras sa pag-ibig dahil sa ating trabaho. Di ba kailangan ng pag-ibig sa trabaho? Ang pag-ibig ay laging nakaabang na buksan natin ang pinto ng ating mga puso. Ang iba nga ay parang magnanakaw na lang. Di mo alam nakapasok na. Walang ligtas.

Ikaw? Mag-date naman kayo nang naghihintay sa iyo. Pagbigyan mo naman kahit minsan. At pag naging kayo, always miss her but never let her miss you. Pag sobrang tagal niyong di nagkita, tatanda siya at pag sobrang tagal talaga, mamamatay. Siya ay isang bulaklak na nangangailangan ng hangin, tubig, araw, lupa and above all- love.

Kaya ikaw na naka-headset o naka-earphone, wala ka bang naririnig bukod sa kanta na nasa tumutugtog? Tanggalin mo naman ang headset o earphone mo. Makinig. Tibok ng puso mo. O kung ayaw mong tanggalin, go lang at maghintay kang marinig mo siya. Siya ay bumubulong- sa kung ano ang dapat mong isulat. Kung pasaway ka talaga ay sayang naman at na-miss mo. Di mo narinig. Ang laki ng nawala sa iyo.

The best ideas come just within seconds. And who knows? That in just a few seconds, the thing that you miss to write about is a life-changing and unforgettable masterpiece.

So next time, magdala ng ballpen sa bulsa. O kung ayaw, i-save sa drafts ng cellphone. So tigilan mo na ang pagbasa rito at baka bumulong na naman siya sa iyo.

There are so many ideas in this world yet they are perishable not because of those who pick them but because of those who ignore and throw them away. They get expired. So stop, look, and listen.

At pag matagumpay mo itong naisulat, say,"Thank you for coming. Come again." At kung hindi naman ay,"Thank you for stopping by." At iwan mong bukas ang pinto ng puso at isipan mo.

Pag ito nabasa ni Mama, assured na sabihin na naman niya na may babae ako. Wala.

Eh sino iyong nasa kuwento mo? Ang tinabihan mo?

Wala.

Wala?

Ay sorry, nakalimutan ko. Siya nga pala si Calliope, diyosa ng pagsulat.

Bawat Linggo ay date namin- sa mental hospital na nagta-transform minsan bilang dancefloor, stage, o sinehan. Bawat Linggo ay may mga kuwento, balita at misa ang pokpok. Bawat Linggo ay may dala dapat kaming notebook at ballpen. Bawat Linggo ay nagsusulat kami sa loob ng 5-15 minutes. Sa bawat Linggo ay nagsusulat ako sa utak (na minsan nga ay nagiging araw-araw). Ako ay isang baliw, baliw sa kanya. Lahat kami. Bawat Linggo- buntis ako- sa mga ideya. Ang bawat Linggo ay free- walang bayad at feeling ko malaya ako. Ang bawat Linggo ay ang aming alak at drugs sa paglimot na may kahapon at bukas. Sa bawat Linggo ay natututunan kong kulang pa ang natutunan ko. Sa bawat Linggo ay dalawa ang tahanan ko. Ang bawat Linggo ay buhay. Ikaw na ang bahala kung paano mo bibigkasin ang salitang "buhay?"

Every Sunday, I am completely in love. Every Sunday, I fall in love. And even without Sundays, I stay in love. I just cannot express how blessed and joyful I am. I am thankful and content.