Sunday, December 29, 2013

Past-Ko

Toffer Garcia-TiƱa

Note: All things that will be mentioned here below are certified TRUE.

5:

Isang gabi, sinabi sa amin ni Mama na magsabit ng medyas sa may bintana. Nagtanong ako, "Bakit?"

Hindi siya sumagot. Hanggang sa nang gabing iyon ay natulog na ako. (I really do not stay awake when it comes to waiting for Christmas.) Nagising na lamang ako dahil sa isang ingay na nagmumula sa may bintana.

Nakita ko si Santa Claus na naglalagay ng mga tsokolate at kendi sa sinabit naming mga medyas. Napangiti ako pero agad din akong nagtaka. Ang kwento ni Mama noon, si Santa raw ay mataba at higit pa rito, lalaki.

"Hindi ikaw si Santa!" sigaw ko.

"Ho ho ho," pilit na tawa ng manloloko, ginagaya ang halakhak ni Santa Claus.

At noon ay nilapitan ko ang manloloko para pitasin ang kanyang manloloko ring balbas at sumambulat sa akin noon ang mukha ni Mama.

Naiyak siya. At noon ay nagising na rin si Kat.

Naiyak si Mama dahil sa dalawang dahilan. Una, dahil alam kong lalaki si Santa Claus ay lagi na akong maghahanap simula noon ng isang lalaking Santa Claus at iyon ay ang nawawala kong tatay. Ikalawa, simula noon, natakot siya na baka hindi na ako maniwala kay Santa Claus.

6:

Nang taong iyon ay walang nagpapaligaya sa akin kung hindi ang pagpunta ng aming pamilya sa SM at ang pagbibigay ni Mama ng mga regalo sa akin gaya ng mga bagong damit.

Subalit natapos ang lahat ng ito nang dumating si Karen. Hindi na kami nakapunta sa SM dahil sa mahirap magsama ng naka-wheelchair sa SM. At noon ay wala na akong natanggap na regalo mula kay Mama.

7:

Isang gabi, habang nanonood kami ng tv ay may narinig ako sa labas. Mga batang kumakanta. Agad lumabas si Mama at nagbigay ng sampung piso.

"Ma, ano iyon?" tanong ko.

"Karoling," diretso niyang sagot.


"Karoling? Ano iyon?" follow up question ko.

"Kakanta ka, bibigyan ka ng pera o kendi," maikling paliwanag ni Mama.

"Pwede ba akong mangaroling?"

Hindi sumagot si Mama. At noon (hanggang sa mga sumunod na taon) ay wala akong hinintay kung hindi ang matamis na oo ni Mama na hindi ko alam kung bakit hindi niya magawang ibigay sa akin.

8:

Sa hindi ko matandaang dahilan, nakasakay kaming dalawa ni Mama sa jeep nang biglang...

Isang gusgusing bata ang sumakay sa jeep para magbigay ng sobre at magtambol kasabay ng pagkanta nito.

Naglagay ng pera sa sobre ang marami pero si Mama ay tila isang estatwang walang naramdaman o narinig.

Bumaba ang bata.

"Pwede palang mangaroling sa jeep?" tanong ko.

Hindi sumagot si Mama at napatingin ang mga tao. Hindi ko nga lang alam kung sa akin ba o kay Mama.

9:

Naglayas ako. Sumama ako noon kay Tita Marie sa isang party nang hindi nagpapaalam kay Mama na noon ay galit sa akin dahil sa nabasag kong baso.

Ala una na noon nang makauwi ako at nagtataka ako kung bakit kasama ni Mama ang isa kong kalaro. Naisip ko na baka ipinagpalit na ako ni Mama.

"Kanina ka pa hinahanap at hinihintay ng Mama mo," bulong nito sa akin.

Natakot ako noon sa sinabi ng kalaro ko. Lalo pa nang lumapit na si Mama. Akala ko ay maninigaw ito pero hindi. Hindi ito nagsalita. Sa halip ay yumakap lang ito ng mahigpit sa akin.

"Inis ka pa sa akin?" tanong ko.

"Oo. Naiinis ako sa iyo. Inis na inis. Inis na inis ako sa iyo kasi pinag-alala mo ako," mangiyak-ngiyak na sagot nito.

At eto na yata ang huling sandali na nagpayakap ako sa kanya nang ganoon katagal, yakap na noon ay parang ayaw kong kumawala.

10:

Nagsimbang gabi ako. At doon ay nakita ko ang isa kong classmate. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa akin at inubos ko ang pera kong pambili sana ng puto bungbong at bibingka para magpa-impress sa kanya. Hinulog ko ang lahat ng pera ko sa dalawang beses na pag-ikot ng mga basket noon. Bawat gabi ay makikita ko siya kaya bawat gabi rin ay mauubos ang pera ko. Nakumpleto ko ang simbang gabi dahil sa kanya at hiniling ko na sana maging crush niya ako.

Naghintay ako at mula noon ay hindi na ako kumumpleto ng simbang gabi.

11:

Nagpunta kami noon sa perya. Niyaya ako ni Mama na sumakay sa Ferris wheel. Pero takot ako sa matataas. At alam kong ganoon din si Mama.

Si Mama at si Kat lang ang sumakay. Pagbaba nila ay tuwang-tuwa sila.

"Akala ko ba takot ka sa matataas kaya ayaw mong sumakay sa Ferris wheel?" tanong ko.

"Hindi ba dapat maging masaya ako na first time kong makasakay ng Ferris wheel?" matalinong sagot ni Mama.

12:

Monito monita noon. Excited ang lahat kung sino ang nakabunot sa kanila pero ako, hindi. Alam ko na kasi kung sino ang nakabunot sa akin. Si Rence ang nakabunot sa akin, si Rence na noon ay hindi makapasok sa school dahil naaksidente ito, dahilan upang wala akong matanggap araw-araw.

At dumating na nga ang hinihintay nilang revelation kung sino ang nakabunot sa kanila, again nila. Laking gulat ko na nang matapos ang bigayan ng regalo kung saan wala akong natanggap, lumapit sa akin ang isang taong hindi ko inaakalang lalapit sa akin sa araw na iyon- ang crush ko! May dala itong regalo para sa akin! National Geographics!

At natumbasan ng isang National Geographics lahat ng regalong hindi naibigay sa akin ni Rence sa monito monita.

13:

Monito monita noon. Excited ako. Talagang hinanap ko ang papel ni Mara para maregaluhan ko siya, (si Mara na tatlong taon ko palang kababaliwan). At nagtagumpay ako.

At sa bawat araw na magbubukas si Mara ng mga regalo ay alam ng lahat na sa akin galing ang mga iyon- ang T-shirt for something soft, ang dalawang jar ng stick-o for something sweet, isang grandfather clock for something hard. At alam ng lahat lalo ako- na hindi niya iyon na-appreciate...

14:

Nabasa ko ang A Christmas Carol ni Charles Dickens at ang How The Grinch Stole Christmas ni Dr. Seuss. Naawa ako kay Scrooge at kay Grinch. Naawa ako sa sarili ko.

15:

Sumama ako sa mga kaibigan kong mangaroling pero nang makauwi ako ay nagalit pa si Mama.

"Bakit ba kasi kailangang gabi kayo mangaroling?" tanong ni Mama.

"Bakit? Umaga ka ba nangaroling noon?" pabalang kong bato rin ng tanong.

At pak!

16:

Naging kami ni Grace. Dahil kay Grace ay naniwala ako sa tatlong bagay. Una, na guwapo ako. Ikalawa, naniwala akong may mai-in love din pala sa akin. Ikatlo, na maaaring matupad ang Christmas wish mo. Subalit dahil din kay Grace ay naniwala akong kasinungalingan ang number two and three.

17:

Hindi ko talaga makita ang sense kung bakit kailangang magbigay ng homeworks ng profs sa Christmas break.

Eto ako. Imbes na may kaharap akong mga pelikula na may subtitles sa laptop ko ay may kaharap akong blangkong Microsoft Word para gawin ang research paper ko ukol sa mga pelikulang may subtitles.

18:

At ang labing pitong bagay na nabanggit ko ay ang tinatawag kong mga Past-Ko, labing pitong Paskong ngayong Pasko ay aking inaalala dahil naniniwala akong ang nakaraan ay hindi nga binabalikan pero nililingon naman kahit minsan. Nililingon dahil masaya at kung malungkot naman ay nagpapalakas sa atin at nagbibigay ng aral.

Dahil sa Past-Ko, lagi kong gustong sabihin kay Mama na naniniwala pa rin ako kay Santa Claus dahil ang Santa Claus na kilala ko ay lagi kong kasama sa bahay.

Dahil sa Past-Ko, lagi kong naaalala si Karen, si Karen kung saan isinulat ko sa kanyang lapida ang mga salitang, "You never walked but you left us footprints in our hearts."

Dahil sa Past-Ko ay hindi ko na kinailangang magpunta sa SM para damhin ang Pasko, lumabas para mangaroling at damhin ang Pasko, dahil ang Pasko ay wala sa simoy ng hangin kung hindi nasa puso, ang pusong nakakahanap ng aliw sa mga maliliit na bagay may pera man o wala basta may pagmamahal.

Dahil sa Past-Ko ay natutunan kong ubusin ang kinuha kong pagkain at wag magtira dahil maraming batang nagugutom at nangangaroling sa jeep para lang madama ang Pasko. Na anumang laki ng problema mo para sa iyo ay may taong mas malaki pa ang problema sa iyo at ang katapat ng mga malalaking problema ay gahiganteng pananalig.

Dahil sa Past-Ko ay hindi na muli sumagi sa utak ko na maglayas at maghanap ng Pasko sa labas sapagkat ang Pasko ay hindi dumadalaw sa mga bahay-bahay o gumagala kung hindi madalas na laging nasa bahay.

Dahil sa Past-Ko ay may dahilan para maghintay at magpatuloy gaya ng paghihintay at patuloy kong pagpunta sa simbang gabi dahil sa crush ko.

Dahil sa Past-Ko ay may excuse kang maging masaya kesa matakot, excuse na ginawa rin ni Mama nang una siyang sumakay sa Ferris wheel.

Dahil sa Past-Ko ay may sorpresa at pag-asa, sorpresa at pag-asang hinatid sa akin ng crush ko noon sa monito monita. Dahil na rin sa Past-Kong iyon ay nasa akin pa rin ang National Geographics na iyon.

Dahil sa Past-Ko ay nalaman kong mas masarap din palang magmahal kesa mahalin, magbigay kesa bigyan, magpasaya kesa mapasaya.

Dahil sa Past-Ko ay kayang maging mabait, magpatawad at magbigay ng lahat kahit isang araw lang.

Dahil sa Past-Ko ay natutunan kong i-reward ang sarili ko, magpasalamat at ipasa-Diyos at ipasaagos ang bagay-bagay.

Ito ang nasasaisip ko sa mga nakalipas na araw ngayong Disyembre kung saan ako ay masaya pa ring sumusubaybay sa mga campus journalists ng aking high school, masayang dumadalo sa aming klase tuwing Linggo, masayang sumasama sa high school friends ko sa mga party at shopping at masayang sumasama naman kay Kat at Mama sa panonood ng mga pelikula sa bahay man o sa sinehan.

Ang mga taong ito ang nagturo sa akin na ang Pasko ay hindi lamang isang araw sa kalendaryo na hinihintay nating lahat. Ang Pasko ay isang lugar kung saan ikaw ay masaya. Ang Pasko ay maaaring araw-araw.

Ito ngayon ang aking Pasko na sa susunod na taon ay mapapabilang na sa Past-Ko.

Sunday, December 22, 2013

Parisukat Na Mundo

Ni Marge Bariring

Minsan ay nanaginip ako.

Parisukat daw ang mundo.

(black-out)

* * * * * * * * * *

Lumabas ang doktor at nagsalita.

"Malungkot mang sabihin pero wala na siyang pag-asa."

At nagwala ang babae sabay pakawala ng tila ba matagal nang pinipigil na iyak. Yumakap si lalaki.

Narinig ko. Nakita ko. 

* * * * * * * * * *

"May nag-iwan na naman ng rosas dito," wika ng babaeng nag-aalaga kay Lola Puring at ito ay umalis na para walisin ang mga tuyong dahon ng mangga sa tapat ng bintana ni Lola Puring.

Si Lola Puring naman ay nakasilip pa rin sa labas matapos nitong buksan ang bintana kanina para kunin ang pulang rosas na palihim kong binigay.

Maririnig na naman mula sa bibig nito ang salitang, "Patawad." Paulit-ulit. Matapos ay iiyak.

Mapapangiti ako. Sa dami ba naman ng tao ay ako pa. Ako na lang ang nakikilala at natatandaan niya- kahit na isang araw lang kami nagkita.

Sa aking pagngiti, siya ay mapapangiti rin.

Darating ang babaeng nag-aalaga sa kanya at ako ay aalis na. Kukunin nito ang rosas kay Lola Puring, isasara ang bintana at dahil dito ay malulungkot ang matanda.

Ganito araw-araw.

Bilang mambasasa, ganito siguro ang magiging reaksyon mo.

Ang bait mo namang apo. Bakit pulang rosas? Bakit siya humihingi ng tawad sa iyo? Paano nangyaring isang araw lang kayo nagkita?

Marami ka mang tanong, isa lang ang sagot ko.

Hindi ko lola si Lola Puring.

* * * * * * * * * *

Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Doon ba sa ilang buwan na ang nakakalipas o doon sa ilang dekada na ang nakakalipas?

Siguro ay mas magandang simulan natin doon sa ilang dekada na ang nakakalipas.

Ilang dekada na ang nakakalipas, may isang binata na ang pangalan ay Anastacio. Araw-araw ay may dala siyang pulang rosas at palihim niya itong iiwan sa tapat ng pinto ng isang dalaga na kung tawagin ay Purisima. Kakatok si Anastacio, magtatago at sa pagbukas ng pinto ni Purisima, ang pulang rosas lang ang makikita niya na tila ba ito ang kumatok.

Ganito araw-araw. Hanggang sa..

Kumatok si Anastacio dala ang pulang rosas at siya ay nahuli ni Purisima- sa wakas! At sila ay natuhog sa pana ng pag-ibig.

Magkasama silang nagsisimba noon, nangangarap na sila ay ikakasal sa simbahang iyon.

Ganito linggo-linggo. Hanggang sa...

Bigla na lamang lumipat ng bahay sina Anastacio. Sa bawat araw, siya ay sumusulat kay Purisima pero kahit kailan ay hindi ito sumagot sa kanyang mga liham.

Hanggang sa nakilala niya ang isa pang dalaga- si Aurora. 

Nais ng bawat pamilya na ikasal ang kanilang mga anak. Mahal pa rin ni Anastacio si Purisima. Wala nga lang siyang magawa. 

Isang araw bago ang kasal, sa huling pagkakataon, siya ay nagsulat ng liham para kay Purisima pero huli na rin nang malaman ni Anastacio na walang nakarating na sulat kay Purisima kahit kailan dahil lahat pala ng liham niya ay hinarang ng nanay niya.

At si Anastacio ay nagpakasal sa taong hindi niya mahal- sa una. Natutunan niya itong mahalin. At nagbunga ang kanilang pagmamahalan. Isa sa mga bunga ay si Merlinda, si Merlinda na nakasal kay Norberto at nagkaroon ng dalawang magagandang anak- kambal pa. Oo, magaganda- si Margarita at si Patricia.

* * * * * * * * * *

Ilang buwan na ang nakakalipas, isang araw, naglalaro at tumatakbo kami ni Pat sa may hagdanan nang bumukas ang pinto at dumating ang isang matandang baliw na naghahanap ng pulang rosas.

Inakyat niya sina Mama at Papa, si Lolo at Lola para maghanap ng pulang rosas. Wala siya noong bukang-bibig kung hindi pulang rosas. Walang anu-ano ay napangiti ito, napatitig sa amin ni Pat at tumawa sabay sigaw ng "pulang rosas!"

At mabilis ang mga pangyayari na natapos na lamang nang ganito- si Pat na nahulog sa hagdan, nawalan ng malay, nagbaha ng dugo sa sahig at hindi na kahit kailan bumangon.

* * * * * * * * * *

Dinala sa home for the aged si Lola Puring na lagi nang humihingi ng pulang rosas at kung hindi ay magwawala ito. 

Ganito siya nang maabutan ko minsan- isang linggo na ang nakakalipas.

Sa halip na matakot at magalit kay Lola Puring ay naawa ako sa kanya. 

At ang awa ay tila napapalitan na ng pagmamahal dahil na rin sa aking pangungulila kay Lola Auring na sumunod na kay Pat ilang araw lang ang nakalipas.

Si Lola Puring ang lola ko sa mga nakaraang araw na siya ay aking dinadalaw para palihim na dalhan ng pulang rosas. Si Lola Puring ang dahilan kung bakit ako wala lagi sa bahay. Si Lola Puring ang lihim ko kay Mama at Papa, si Mama at Papa na lagi namang wala sa bahay kahit malapit na ang Pasko at wala namang iniwan kung hindi ang katulong na wala namang pake sa akin at lagi itong abala maglinis ng bahay. Nakalimutan siguro nitong may anak pa si Mama at Papa. Si Lola Puring ang pumalit hindi lamang kay Lola Auring kung hindi kay Pat na sana ay kalaro ko ngayon para hindi ako ma-bored sa araw-araw.

Si Lola Puring ang lola ko ngayon. Dalawang araw na lang at Pasko na. Walang dadalaw kay Lola Puring- kung hindi ako.

* * * * * * * * * *

Kinabukasan, isang araw bago ang Pasko, nagawa ko na namang tumakas sa katulong namin.

Tanghali na. Hindi man lang ito nagluto ng pagkain para sa akin. Naghanap ako sa ref pero agad naman nitong isinara ang pinto ng ref. Bakas sa eye bags nito ay lagi itong puyat kaya tanghali na kung bumangon. Lagot talaga ito sa akin kapag nakauwi sina Mama at Papa. Ngayon, hindi pa ba sapat ang katulong na ito para umalis ako lagi ng bahay?

* * * * * * * * * *

May nagtatanong. Saan daw ako nakakakuha ng pulang rosas?

Salamat sa tanong na kasing ganda ko. May isang puno sa may parke na may mga pulang rosas. Nagtataka nga ako kung bakit pa bumibili ang mga tao ng rosas sa aleng nagtitinda doon ng mga pulang rosas samantalang pwede naman silang mamitas sa punong nasa parke.


Gabi na. At ilang oras na lang ay malapit na ang Pasko.

Hindi ako nagbigay ng rosas kay Lola Puring kaninang umaga dahil ang balak ko sana ay ibigay ang pulang rosas mamayang pagsapit ng Pasko.

Gabi na at naisip kong mangaroling- muli. Mahirap pala talaga kapag ikaw lang ang nangangaroling mag-isa. Hindi ka rinig ng mga taong hindi ko alam kung sinadya bang lakasan ang tv para hindi marinig ang nangangaroling at gamitin itong dahilan para magtago sa mga nangangaroling. Na-miss ko tuloy bigla si Pat. Kung dalawa sana kami...

May bahay pa nga akong napuntahan na hindi naman bukas ang tv nila ay parang hindi pa rin ako narinig na umawit. Nilakasan ko na nga eh. Pangit ba ang boses ko? Eh bakit naman iyong nakita kong bata, Sa May Bahay na nga ang kinanta at wala naman sa tono tapos binigyan ng sampung piso. At may isa pang bata na hindi naman kumanta ay nabigyan pa ng limang piso. Ako na nag-effort, wala. Hindi man lang lumabas at nagsabi ng tawad at sinayang pa ang boses at lakas ko.

* * * * * * * * * *

11:55 pm. Limang minuto bago sumapit ang Pasko.

Nagpunta na ako sa bintana ni Lola Puring dala ang pulang rosas niya. Natakot ako na baka tulog na si Lola Puring. Subalit nang silipin ko siya ay nawala ang takot ko dahil ito pala ay gising pa at tila naghihintay.

Kinatok ko ang bintana niya at agad naman itong lumapit upang buksan ang bintana. Inabot ko ang rosas at ito naman ay kanyang tinanggap.

"Patawad. Patawad," wika nito.

Napangiti ako, bumati ng "Maligayang Pasko po" nang biglang...

Bumukas ang pinto ng kwarto ni Lola Puring at dumating ang babaeng nag-aalaga sa matanda. At sa binitawang mga salita ng babae ay nagulat ako at napangiti muli sabay tulo ng mga luha ko.

"Sino po ang kausap niyo Lola Puring?"

* * * * * * * * * *

Sa mga salitang ito ay nagbalik ang lahat.

Hindi man lang ako nagtaka kung paanong nagwawalis ng mga tuyong dahon ng mangga ang babaeng nag-aalaga kay Lola Puring samantalang wala namang malapit na puno ng mangga roon.

Ang sagot?

Dahil sa simula pa lamang, hindi mga pulang rosas ang dala ko kung hindi mga tuyong dahon ng mangga na aking pinulot sa parke kung saan naroon ang puno ng mangga. Walang puno ng pulang rosas sa parke kaya naman naroon ang ale na nagbebenta ng mga pulang rosas. 

Eh sino ang palihim na nagbibigay ng mga pulang rosas?

Ito ay walang iba kung hindi si Lolo Tasyo. Sa madaling sabi, si Lolo Tasyo rin ang kausap ni Lola Puring, ang hinihingan nito ng tawad. Sa simula pa lamang ay hindi ako ang kausap ni Lola Puring. Hindi ako ang hinihingan niya ng tawad. Hindi niya ako kilala. Hindi niya ako natatandaan. Hindi niya ako nakikita.

Habang iniisip ko ang lahat ng ito ay biglang nagdilim ang lahat.

Nang idilat ko ang aking mga mata...

Lumabas ang doktor at nagsalita.

"Malungkot mang sabihin pero wala na siyang pag-asa."

At nagwala ang babae sabay pakawala ng tila ba matagal nang pinipigil na iyak. Yumakap si lalaki.

Narinig ko. Nakita ko. 

"MARGE!!! MARGE!!! MARGE!!!"


Ako si Marge. Ako si Marge. Ako si Marge.

Pumasok ang mag-asawa sa kwarto at doon ay nakita ko ang isang dalagang natutulog at may mga tubong nakakabit sa katawan.

Mula sa kawalan ay naroon ang isang salamin tila ako lang ang nakakakita. At nang matapat ako sa salaming ito ay naroon ang dalagang natutulog at may mga tubong nakakabit sa katawan. Siya ay nasa salamin. Ako ang dalagang natutulog. Ako ang dalagang may mga tubong nakakabit sa katawan.

"MARGE!!!"

Hinawakan ko ang kamay ng babae at nagbalik ang lahat, lahat-lahat!

Naging malinaw kung bakit laging wala si Mama at Papa sa bahay. Ito ay dahil sa nasa ospital sila, binabantayan ako, ang ako na sampung taon nang tulog!

Naging malinaw kung bakit walang pake sa akin ang katulong namin. Ito ay dahil sa hindi niya talaga ako nakikita. Hindi ko na pala kailangang magpaalam o tumakas sa kanya. Hindi siya nagluluto ng pagkain dahil siya lang naman talaga ang tao sa bahay. Nang buksan ko ang ref at isara niya agad ang pinto, ito ay dahil sa akala niya ay naiwan niyang bukas ang ref. Hindi ito makatulog sa gabi dahil sa mga yabag na naririnig niya gabi-gabi, yabag na sa akin pala nanggagaling.

Sa aking pangangaroling, wala ring lumalabas para magbigay ng barya sa akin o magsabi ng tawad hindi dahil sa mahina ang boses, hindi dahil pangit ang boses ko, hindi dahil malakas ang tv nila, hindi dahil barat at madamot sila kung hindi dahil imposible talaga nila akong marinig.

At nagbalik ang mga ito sa tunay na ugat ng lahat.

Ang batang nahulog sa hagdan, nawalan ng malay, nagbaha ng dugo sa sahig at hindi na kahit kailan bumangon ay hindi si Pat. Ito ay walang iba kung hindi si Marge. Ako. Ako. Ako. Ako na sampung taon nang tulog, ako na sampung taon nang buhay dahil sa isang parisukat na makina na ngayon ay napagpasyahan nang patayin ni Mama at Papa dahil hindi na talaga ako magigising pa.

Nais kong sigawan sina Mama at Papa at maging ang dalagang ako.

"Ma, Pa, ito ako at gising! Hoy, ikaw, gumising ka diyan."

Subalit walang nakarinig sa akin. At tuluyan na ngang nagpaalam si Mama at Papa gamit ang mga salitang, "Maligayang Pasko." At ako naman ay tuluyan nang nagpaalam sa aking parisukat na mundo.

* * * * * * * * * *

Nasaan si Pat?

Si Pat ang babaeng nag-aalaga kay Lola Puring. Hindi niya kahit kailan nalaman na ito ang nakapatay sa kapatid niya. Wala siyang maalala dahil noon bata pa siya, bata pa kami. Hindi rin kahit kailan sinabi ni Lolo Tasyo kay Pat na ito ang nakapatay sa kapatid niya. Hindi rin naman alam ng nanay at tatay ni Pat na si Pat ay nagtatrabaho sa home for the aged kung saan naroon si Lola Puring.

At ngayong gabi, ngayong Pasko, may dalawang taong hindi naniniwala sa Pasko, hindi naniniwala sa Diyos.

Na-receive na ni Pat ang text ng nanay niya ukol sa kapatid niya.

"Lola Puring, naniniwala po ba kayong may Diyos?" tanong ni Pat.

Katahimikan.

"Maniniwala akong may Diyos kung mapapatunayan Niyang parisukat ang mundo."

Napangiti si Pat. At ang ngiti ay naging tawa. Natawa rin si Lola Puring.

Naputol ang tawanan nang biglang may kumatok.

Walang tao. Meron lang kahon at sa loob ng kahon ay mga papel, mga liham.


Binasa ni Pat at doon ay kilala na niya kung sino ang kumatok at nagbigay ng kahon. Binasa ni Pat at doon ay kilala na niya ang matandang kanyang inaalagaan.

Naiyak si Pat sabay napangiti. Kinuha niya ang mga pulang rosas at nilagay sa kahon. Nagpunta siya sa kwarto ni Lola Puring at mas baliw pa sa matandang isinaboy sa buong kwarto ang mga pulang rosas at mga liham. Ang parisukat na sahig ng kwarto ay napuno ng mga pulang rosas at mga liham. Ang mga pulang rosas at mga liham ay tila mga regalong nagkalat para kay Lola Puring at Pat.

Natulala si Lola Puring kay Pat. Si Pat naman ay nakangiting umiiyak habang tulala rin kay Lola Puring.

At sila ay sabay na tumawa.

Pasko na at ngayon ay may dalawang taong naniniwala sa dalawang bagay.

Una, may Diyos.

Ikalawa, parisukat ang mundo.