Sunday, December 8, 2013

Kwintas

Aaron Ramilo

Pasko na.

"Nakita mo ba ang kwintas ko? Hindi iyon pwedeng mawala."

"Ma'am. Hindi ko po makita eh. Na-check niyo na po ba talaga ang drawer niyo? O baka po nasa ilalim po ng kama niyo o unan."

"Wala. Wala doon. Wala sa drawer. Wala sa kama o sa unan. Dalian natin, naghihintay na ang mga bata."

* * * * * * * * * *

Malapit na ang Pasko.


Makikita si Noel na kinakagat ang kuko sa hintuturo. Daraan ang isang tricycle. Siya ay matatakpan at makikita naman natin siya na nagpupunas ng uhog gamit ang suot niyang sando.

Matapos nito ay hinawakan na niya ang puting sinulid at ipinasok na ito sa butas ng mga tansan na para bang siya ay isang mananahi, isang mananahi na may sinulid pero walang karayom kaya tansan na may butas ang ipinapares sa sinulid. Pero hindi damit ang ginagawa ni Noel kung hindi isang instrumentong hindi niya rin alam ang tawag kaya eto at patuloy na lamang sa pagbilang kung ilang tansan na ang naipon sa sinulid.

"...bente tres, bente kwatro, bente singko!" sabay buhol ng magkabilang dulo ng puting sinulid.

"Ate, salamat po," wika ni Noel sa matabang babaeng abalang nagsasalok ng lugaw sa isang customer. Kung hindi niyo naitatanong, ang babaeng ito ang nagbigay sa kanya ng mga tansan. Tumayo at lumayo na si Noel mula sa bangko at kasabay ng hindi mapigilang pagkalansing ng mga tansan niya ay ang pagtitig niya sa kwintas na suot niya, ang kwintas na may iisang maliit na sungay na binutas para malagyan ng sinulid, ang kwintas na bigay sa kanya ng nanay niya noong Pasko at birthday niya, ang kwintas na hindi niya nagawang tumbasan dahil noong Pasko ring iyon ay birthday rin ng nanay niya!

At malapit na ang Pasko. Malapit na ang birthday nila.

* * * * * * * * * *

Malapit na naman ang Pasko.

Ang mga salitang ito ang tumatakbo sa isipan ni Eva.

Isang ordinaryong araw lang ang Pasko para kay Eva, isang nakasanayang araw.

Narito at marami na namang mangangaroling sa bahay nila kaya naman ito at kailangan na naman niyang patayin ang ilaw nila sa bahay para lang paniwalain ang mga bata na walang tao sa bahay nila o kaya ay tulog na siya. At kung hindi maniwala ang mga bata ay lalabas siya hindi upang magbigay kung hindi upang itaboy ang mga ito gamit ang kanyang boses.

Siguradong magtatago rin siya sa kanyang mga inaanak na sigurado niyang kaya lang naman siya kinuhang ninang ay dahil sa mapera siya. 

Siguradong magtatago rin siya sa invitation ng kanyang mga kapitbahay na sumali sa Christmas party ng kanilang subdivision. Masyado na siyang matanda para sa mga ganyang bagay. 


Wala rin namang dadalaw at dumadalaw sa kanya Pasko man o hindi. Ayaw rin naman niyang magkaroon ng katulong at mahirap nang ang hanap pala nito ay isang matandang mayamang malapit o madali nang mamatay.

Malapit na naman ang Pasko.

Ang mga salitang ito ang tumatakbo sa isipan ni Eva habang siya ay nasa jeep. Marami pa siyang gagawin at eto, mas mabagal pa sa pagong ang usad ng jeep na ito. Eto at ginabi na nga siya ay katapat niya pa ngayon ang kung tawagin ng mga kabataan ngayon na lovebirds. Magkahawak sila ng kamay at si babae ay nakasandal sa balikat ni lalaki. Hindi niya alam kung bakit siya naiinis. Sapat na bang dahilan na siya ay isang matandang dalaga na iniwan ng asawa dahil sa hindi kayang magbigay ng anak? Hindi na rin siya nag-ampon at hindi rin naman niya maalagaan dahil abala siya sa maraming bagay. Wala nga rin siyang oras magsimba kahit na minsan ay iniisip niyang kapag siya ay namatay, sasabihin sa kanya ni San Pedro na wala rin Siyang oras hanapin ang pangalan niya sa listahan ng mga papasok sa langit at kung ilalapit naman niya ito sa Diyos, sasabihin naman Nitong wala rin Siyang oras na isulat ang pangalan niya sa listahan ng mga papasok sa langit.

Eto si Eva. Eto ang Pasko ni Eva.

Malapit na naman ang Pasko.

Ito ang tumatakbo sa isipan ni Eva nang biglang...

* * * * * * * * * *

Malapit na ang Pasko. Malapit na ang birthday nila ng nanay niya.

Ito ang nasa isipan ni Noel pero hindi rin mawala sa isipan niya na namatay ang nanay niya noong birthday nila. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit hindi siya nagpupunta sa mga jeep.

Noon ay galing sila sa simbahan at noon ay nauna siya sa nanay niya na nagsabing may bibilhin lang ito. Noon ay tumatawid siya nang biglang isang pulang kotse ang walang anu-ano ay dumating. Wala rin namang anu-ano ay itinulak siya ng kanyang ina at doon ay natagpuan na lang niya ang nanay niyang duguan na hindi man lang binalikan ng mga may-ari ng pulang kotse at hindi man lang din tinulungan ng kahit sinong naroon. Lahat ay bulag. Lahat ay bingi. At walang salitang iniwan ang nanay niya dahil sa hirap na itong huminga noon. Sa halip ay nilatag at nilaglag nito mula sa palad ang kwintas na ngayon ay suot niya pa rin, ang kwintas na binili ng nanay niya bilang pamasko at regalo. At ito ang alamat kung bakit hindi siya nagpupunta sa mga jeep.

Eh paano kumikita at nakakakain si Noel sa araw-araw? Pasko man o hindi at salamat na lang at malapit na ang Pasko, siya ay nagbabahay-bahay at nangangaroling.

Pero bago ang lahat, eto at magpupunta na muna siya sa simbahan. Isinawsaw niya ang mga daliri sa holy water at nag-sign of the cross. Saglit siyang lumuhod, tumitig sa payat na lalaking nakadikit sa pader at nagdasal nang nakapikit kung saan bumati siya ng advanced happy birthday sa payat na lalaking nakadikit sa pader na naalala niyang sinabi ng nanay niya na ka-birthday nila. Nang idilat niya ang mga mata ay nakita niya ang isang ale na nakatitig sa kanya ng masama at nang malaman nitong siya ay nahuling nakatitig ay nag-sign of the cross at nagpikit din ng mga mata. Iniisip siguro nitong marumi na ang holy water dahil sa sinawsaw ni Noel ang mga daliri niya. Ang dalangin siguro nito ay mawala na ang lahat ng tulad ni Noel.

Matapos nito ay naglakad-lakad muna siya at sa salamin ng isang tindahan ay nakita niya ang isang palabas sa tv- isang grupo ng mga taong tumutugtog ng iba't ibang instrumento na kung alam lang sana niya, ang tawag doon ay orkestra, isang grupo ng mga taong tumutugtog ng mga instrumentong hindi katulad ng instrumento niyang gawa lamang sa tansan at sinulid ay mas malakas at mas magandang pakinggan.


Pero sa lahat ng taong naroon, pinakanamangha siya sa taong taas-baba ang hawak at galaw ng payat na stick sa kanang kamay. Siya ang may kontrol sa lakas at bilis ng pagtugtog. 


At dahil dito ay pinangarap niyang maging bahagi ng grupong iyon o kaya ay magkaroon at matutong tumugtog ng kahit anong instrumentong kasama sa grupong iyon para maraming magbigay sa kanya ng pera sa pangangaroling na gagawin niya. 


At dahil dito ay naisip na niyang simulan ang pangangaroling para makabili ng bananacue o barbecue hindi lamang upang pawiin ang pagtugtog ng mga bulate sa tiyan niya kung hindi upang kunin ang stick nito at gamiting pangkumpas. 


Pinangarap pa nga niyang kapag siya ay nakaipon mula sa pangangaroling ay bibili siya ng kahit anong instrumentong nakita niya roon, iyong tubong hinihipan o iyong hugis papayang kahoy na may mga sinulid na ginagalaw ng mga daliri o iyong isa ring hugis papayang kahoy na may mga sinulid pero ginagalaw naman ng bananacue o barbecue stick.

Pero paano matutupad ang pangarap niya kung sa bawat bahay na pupuntahan niya, ang lagi nang sagot ay "tawad muna" o kaya naman ay hindi siya lalabasin na minsan ay maiisip pa niyang galingan pa sana ng mga taong itong magpanggap na walang tao sa bahay nila o tulog sila para naman maniwala siya?

Gabi na.

Muli ay naupo siya sa bangko ng matabang babae na nakita siyang malungkot kaya naman naawa at nilatagan siya sa la mesa ng platong may kanin at menudo.

Habang naglalagay ng malamig na tubig sa pitsel ay nagsalita ito.

"Alam mo mas kikita ka kung sa jeep ka pupunta at kakanta. Subukan mo lang. Wala namang mawawala. At doon hindi ka nila matatakasan o matataguan."

At dali-daling tinapos ni Noel ang pagkain.

* * * * * * * * * *

Malapit na nga ang Pasko.

"We wish you a merry Christmas. We wish you a merry Christmas. And a happy New Year."

At lalong nasira ang araw ni Eva na siguro ay dapat i-rephrase bilang, "At lalong nasira ang gabi ni Eva" dahil gabi na.

Matapos magbigay ng sobre sa bawat pasaherong naroon, isang bata ang ngayon ay kumakanta sa saliw ng kalansing ng tamboring gawa sa mga tansang pinagdugtong-dugtong gamit lamang ang isang sinulid. 


Ang iba ay nanood at nakinig muna. Ang iba ay napangiti. Ang iba ay nagbaba ng kilay. Ang iba ay dedma lang kahit binigyan ng sobre na nahulog na sa sahig ng jeep. Ang iba ay dumurukot na agad ng barya sa bag, sa wallet o sa bulsang ang hirap dumukot dahil masikip sa jeep. Ang iba naman ay hinanda nang ibalik ang sobre. Pero iba si Eva. Hindi na nga siya magbibigay ay magsasalita pa siya.

"Naku. Ginagamit lang iyan ng nanay niyan para makapagsugal. Hindi naman pinangkakain ang pera. Pinangra-rugby lang iyan. Tignan niyo iyan ah. Pag tayo hindi nagbigay, siguradong sila pa ang galit at magmumura lang iyan."

Dahil dito ay itinago na muli ng ilan ang baryang hinanda nila.

Matapos kumanta ng bata ay kinuha na nito ang mga sobre. Mas maraming walang laman. Mabuti na nga lang at may nagbigay pa at may nagbigay pa ng tinapay. Nang kukunin na nito ang sobre kay Eva ay hinawakan siya ng matanda sabay tanong, "Nasaan ba ang nanay mo?"

"Wala na po akong nanay."

Tila isang palaso na nakasapul sa puso ni Eva ang mga salitang iyon. Napatahimik si Eva. Bago bitawan ay tinitigan muna niya ang bata na tila ba nais niyang malaman kung nagsasabi nga ba ng totoo o hindi. Nagtapat ang kanilang mga mata at doon ay alam niyang hindi nagsisinungaling ang bata. Natalo siya sa patagalan ng pagtingin sa mata kaya binitawan niya na ito.

Bago bumaba, nag-iwan ng mga simple ngunit nakakatuwa at mahiwagang mga salita ang bata.

"Maraming salamat po."

At bumaba na ang bata. Napangiti ang mga tao. Maririnig ang mga bulungan.

"Mabuti pa iyon marunong mag-thank you."

"Oh anak. Tignan mo iyon, marunong mag-thank you."

"Kawawa naman."

Tahimik pa rin si Eva. Nanlalamig siya. Nawala ang katigasan niya lalo at ang ilang mga mapanghusga at nang-uusig na mga mata ay sa kanya nakatingin, halata man o hindi, diretso man o patago.

Siya na nanghusga kanina ang ngayon ay hinuhusgahan. Siya na nanghiya kanina ang ngayon ay napahiya.

Salamat na lang at eto, pababa na siya ng jeep, pababa ng jeep na sinusundan ng mga mata at mga bulungan na siguradong lalakas kapag wala na siya, pababa ng jeep kung saan siya ay may kasamang konsensya, pababa ng jeep kung saan siya ay hinahabol pa rin ng imahe ng batang iyon sa kanyang isipan bilang isang batang kahit ilang segundo lang niyang namukhaan ay tila ba binago ang buong buhay at pagkatao niya na magiging dahilan upang hindi niya ito kalimutan kahit kailan. Pababa na si Eva kahit malayo pa talaga ang dapat niyang babaan.

* * * * * * * * * *

Malapit na ang Pasko.

Malapit na ang Pasko pero kulang pa rin ang kita ni Noel. Ang kita niya kasi ay sapat lang pangkain sa isang araw at hindi upang makabili ng regalo at pamasko para sa patay at hindi rin sapat upang makabili ng kahit isa sa pangarap niyang mga instrumento.

Isang jeep pa lang ang pinupuntahan niya pero suko na siya agad. Totoo nga naman ang sinabi ng matanda kanina. Mahirap nang magtiwala sa mga katulad niya ngayon. Ito ang nakalimutang ipaliwanag sa kanya ng matabang babae.

Kaya eto at pabalik na sana siya sa pangangaroling nang biglang...

Nawawala ang kanyang kwintas! 

Hindi kaya nalaglag sa jeep? Hindi kaya nalaglag sa daan? Mahirap pa namang maghanap at maraming sasakyan at maraming tao. Isa ito sa mga dahilan kung bakit ayaw niyang manlimos sa gitna ng daan o sa mga jeep. 


Natatakot siyang baka mawala ang kwintas niya. At dumating na ngayon ang araw na kinatatakutan niya.

Nalilito na siya.

Hahanapin ko pa ba ito? Ano bang tanong iyan? Dapat lang. Eh saan ko hahanapin? Saan ako magsisimula? Problema mo iyan.


At eto ngayon si Noel. Mas mabilis pa sa hangin at mas mabilis pa sa liwanag na naghahanap ng kwintas sa daan. Tila isang manok na kahig dito, kahig doon. At walang anu-ano ay iyon, nakita niya. Nakita niya ang kwintas niya!

Mas mabilis pa sa hangin at mas mabilis pa sa liwanag. Eto si Noel. At gaya ni Noel, mas mabilis pa sa hangin at mas mabilis pa sa liwanag na dumating ang isang bisita. Mas mabilis pa sa hangin at mas mabilis pa sa liwanag na naulit ang isang pamilyar na pangyayari sa buhay niya. Mas mabilis pa sa hangin at mas mabilis pa sa liwanag na dumating ang maniningil na minsan niyang natakasan. Mas mabilis pa sa hangin at mas mabilis pa sa liwanag na nagkalat ang mga tansan ng kanyang tamborin. Mas mabilis pa sa hangin at mas mabilis pa sa liwanag na dumating ang isang pulang kotse.

* * * * * * * * * *

Nang bumaba si Eva sa jeep ay hindi lang ito dahil sa mga paseherong nasa loob ng jeep na iyon kung hindi dahil sa trapik. Kailangan na niyang makauwi.

Habang nagmamadali sa paglakad ay napako ang atensyon niya sa kaguluhan ng mga tao sa daan. Ang mga driver ay may sinisilip dahilan upang mapasilip din ang mga pasahero. May nangyari. At sa tingin ni Eva, ito ang may kasalanan kung bakit lumala ang trapik.

Hindi alam ni Eva kung dala lang ba ito ng kasabikang malaman ang pinagkakaguluhan ng mga tao na posible ngang dahilan ng trapik pero minadali siya ng mga paa. May sariling isip ang mga paa niya. Pero ano ito? Hindi pagkasabik ang nararamdaman ni Eva. Kaba. Kaba na para bang sinadya ng tadhana na pababain siya ng jeep. Pero bakit naman?

At nang marating niya ang lugar ng pinangyarihan ay nalaman at nahanap niya ang sagot. Doon ay nakita niya ang isang estranghero na naging pamilyar ang mukha sa kanya. Hindi siya nagkakamali. Siya iyon. Siya. 

Siya ang batang nagbigay ng sobre sa kanila at kumanta kanina. Siya ang batang sinubukan niyang hiyain. Siya ang batang hinawakan niya sa bisig. Siya ang batang sinubukan niyang hiyain pero siya ang napahiya. 



Siya ang batang umusig sa pagkatao at gumising sa konsensya niya! Siya ang batang ngayon ay nagpapaandar sa kanyang mga paa para tumakbo at lumapit! Siya ang batang dahilan kung bakit siya ay nagmumura at sumisigaw ngayon para makakuha ng atensyon at tulong! Siya ang batang ngayon ay parang anak o apo niya!

At nang gabing iyon, matapos ang nasabing insidente, ay isang wishing star ang nagdaan. Ayaw maging isip-bata ni Eva pero hindi niya napigilang ipagdasal at hilinging nasa langit na ang bata.

* * * * * * * * * *

Si Noel ay ang batang mahilig sa mga kwento ng nanay niya, totoo man o hindi. Ang paborito at hindi niya malilimutan sa lahat ay ang kwento ukol sa kapatid umano ng payat na lalaking nakadikit sa pader ng simbahan.

"Hindi katulad ng kapatid niya, siya ay mataba. Siya ay isang lalaking nakapula. Siya ay isang lalaking may balbas. Siya ay isang lalaking mahilig tumawa. Siya ay isang lalaking may dalang sako ng mga regalo para sa mga batang mabait. Siya ay isang lalaking may sasakyang hila ng mga kabayong may mga sungay na parang mga sanga ng puno.

Magkapatid sila ng lalaking nakadikit sa pader ng simbahan. At ka-birthday natin sila."

Noon ay hindi siya naniwala sa kuwento ng nanay niya pero ito ang tumatakbo ngayon sa isip ni Noel habang nakahiga sa daan. Gusto niyang maniwala ngayon sa kuwentong ito ng nanay niyang puro kuwentong barbero ang alam.

Naalala niya ang nanay niya. Magkakasama na sila. Ayaw nga lang niyang mamatay mag-isa. Ang nanay niya ay hindi namatay mag-isa dahil naroon siya. Eh paano siya ngayon? Nang namatay ang nanay niya ay may umiyak para dito at siya iyon. Eh paano siya? Walang iiyak para sa kanya. Naluluha na si Noel.

Nang biglang...








Dumating ang isang pamilyar na tao- ang matandang babae sa jeep. Ano ang ginagawa niya rito? 









Wala mang naririnig si Noel, sapat nang makita niya na may nag-aalala sa kanya. May iiyak na para sa kanya. Hindi man ito ang lalaking mataba na nasa kuwento ng nanay niya ay masaya na siya. Nang lapitan siya ng matandang babae ay halos maligo siya sa luha nito.

At sa huling hibla ng lakas ni Noel ay hiningi niya ang palad ng matanda at inilatag dito ang kanina niya pang hawak na kwintas. Ayaw niyang mamatay gaya ng nanay niya. Ayaw niyang mamatay na wala man lang nasabing mga salita.

"Ibigay niyo po sa anak o apo niyo."

Papikit na ang mata niya nang mula sa kawalan ay nakita niya ang imahe ng isang matabang tao. Nakikita lang niya ang paa nito pero ito at ang tingin niya ay pataas na nang pataas. Unti-unti na niyang nakikilala kung sino ang isa pang taong papalapit sa kanya. At siya ay napangiti at namatay nang dilat sa pagtitig sa matabang taong ito na walang iba kung hindi ang hinihintay niyang tao, ang matabang kapatid ng payat na lalaking nakadikit sa pader ng simbahan.

At hindi man niya nailabas ay ninais ni Noel na ilabas ang mga salitang, "Pasko na."

* * * * * * * * * *

Pasko na.

"Ano ma'am? Nakita niyo na po ba?"

"Hindi pa rin eh."

"Ma'am. Paano po iyan. Male-late na tayo. Baka nandon na sila. Magbihis na po kaya kayo."

At napilitan na ngang magbihis si Eva. Binuksan niya ang drawer niya at mula sa maraming damit na naka-hanger doon ay kinuha niya ang isusuot niya. At sa bulsa ng damit niya ay may naramdaman niyang munting bigat- ang kwintas! Napangiti si Eva at matapos nito ay nagmadali nang kumilos.

Hindi siya noon ngumingiti. Eto si Eva noon.

Pero ito ngayon si Eva.

Si Eva ay nagpunta na sa covered court ng kanilang subdivision para sa charity event nila. Bilang head ng event, napagpasyahan nilang hindi party ang gawin kung hindi isa ngang charity event para sa mga batang nasa lansangan. Eto at kasama niya si Maring na dahil sa katabaan ay bumagay ang costume na Santa Claus, si Maring na noon ay kasama niyang umiyak at dumamay sa isang taong hindi niya makakalimutan.

"Ma'am, speech niyo na po," tawag nito sa kanya.

"Salamat Maring.

Magandang gabi po sa inyo.

Alam niyo man po o hindi, naitatanong niyo man po o hindi ay hindi ko talaga ramdam ang Pasko noon at marahil ay magtataka po kayo ngayon, ano ang nangyari sa akin? Bakit hindi party? Bakit charity?

Sa araw pong ito ay suot ko ang damit na suot ko rin sa araw na nabago ang paningin ko sa buhay, sa araw na nabago ako.

Noon po ay isang ordinaryong araw lang ang Pasko, kasing ordinaryo ng araw na nakilala ko siya. Nakasakay ako noon sa isang jeep at dumating siya.

Nagbigay ng sobre sa mga pasahero at kumanta. Hindi ako nagbigay. Bagkus ay pinaringgan ko siya na siguradong pangsugal at pang-rugby lang nila iyon. Nang kukunin na niya ang sobre sa akin, hinawakan ko siya at tinanong kung nasaan ang nanay niya.

At doon ko nalaman na wala na ang nanay niya. Sa aking panghuhusga at panghihiya, ako ang nahusgahan at napahiya.

Nagpasalamat siya sa amin at hindi lahat ng bata ngayon ay nagpapasalamat.

Bumaba ako ng jeep at doon ay nalaman ko kung bakit ako pinababa ng Diyos sa jeep na iyon. Nakita ko siya. Nakahiga sa daan. Duguan. Naghihingalo. May luha.

Hindi ako nag-dalawang-isip na humingi ng tulong pero huli na. Huli na ang lahat. Namatay siya sa tabi ko. Pero bago siya mamatay, binigay niya sa akin ang kwintas na ito sabay sabing ibigay ko sa anak o apo ko. Hindi man lang niya naisip kung may anak o apo nga ba ako.

Ganoon dapat ang pag-ibig. Hindi mapanghusga. Mapagbigay. At namatay siyang nakangiti. Hindi ko alam kung bakit. At doon ko rin nakilala si Maring, ang inyong Santa Claus sa gabing ito. Si Maring ay ang unang lumapit sa akin para damayan ako.

Kwento ni Maring, nagsasalok siya noon ng lugaw sa isang kostumer nang biglang isang batang lalaki ang humingi sa kanya ng mga tansan na ginawa niyang tamborin. Di ko man lang nasabi sa batang iyon na ang tunog ng tamboring iyon, ang kanyang kanta, wala man sa nota, ang pinakamagandang tunog na narinig ko sa buhay ko. Siya ang anak o apo na matagal kong hinintay at ipinagdasal.

Ngayon sasagutin ko. Bakit hindi party? Bakit charity? Dahil ang Pasko ay hindi ukol sa pagiging masaya kung hindi sa pagpapasaya, kung hindi ukol sa pag-ibig, pag-ibig na ibinibigay at ipinaparamdam. Ito ang diwa ng Pasko. Ito ang dapat na maging diwa ng Pasko. Gawin natin araw-araw ang Pasko.

Salamat! At magandang gabi. Maligayang Pasko!"

* * * * * * * * * *

At lumapit na ang matabang lalaki kay Noel na noon ay nakahiga sa gitna ng daan. Wala itong dalang sako ng mga regalo pero walang anu-ano ay nagkaroon siya ng lakas at siya ay nakatayo.

Bigla nitong hinawakan ang kamay niya at dinala siya nito sa isang lugar kung saan naka-park ang sasakyan nitong hila ng mga kabayong may mga sungay na parang mga sanga ng isang puno. Totoo nga. Hindi nagsisinungaling ang nanay niya.

Sumakay siya doon at ilang segundo lang ay pinaandar na ng matabang lalaki ang sasakyan at sila at lumipad na tila isang wishing star hanggang sa marating nila ang isang maliwanag na lugar.

Kumatok ang matabang lalaki sa higanteng pinto na naroon at lumabas ang taong matagal nang gustong makasama ni Noel- ang nanay niya. Sila ay nagyakap na tila ba wala nang bukas. Sila ay nagyakap sa kasiguraduhang hindi na sila magkakahiwalay pa. Ngayon ay alam na niya kung bakit walang dalang sako ang matabang lalaki. Ito na ang regalo sa kanya ng matabang lalaki kung saan siya ay lumingon at nagpasalamat.

Tumawa ang matabang lalaki at mula sa likod nito ay nilabas niya ang kanyang sako. Mula naman sa sako ay nilabas ng matabang lalaki ang tunay nitong regalo- ang tamborin niyang gawa sa tansan at sinulid. Dahil dito ay napayakap nang mahigpit si Noel sa matabang lalaki.

Matapos nito ay binalikan na ni Noel ang nanay at nagpaalam na sila sa matabang lalaki. Hinawakan siya ng nanay niya sa kamay at siya ay hinila papasok sa pinto.

At sa loob ng pinto, naroon ang grupo ng mga taong nakita niya sa tv, ang grupo ng mga taong tumutugtog ng iba't ibang instrumento na ngayon ay nakaputi. Tumingin at ngumiti ang lahat ng mga ito sa kanya nagbabadya ng pagbati at pagtanggap sa kanya. At ang huling humarap sa kanya ay ang tagakumpas ng grupo, isang pamilyar na mukha. Ah oo, ito ay ang payat na lalaking nakadikit sa pader ng simbahan. Si Noel, kasama ng kanyang tamborin, ay tumakbo papunta sa grupo at doon ay nahanap niya ang kanyang lugar. At sila ay tumugtog at umawit ng walang hanggang mga awit na iisa lang ang nais sabihin, "Pasko na. Pasko araw-araw."

Ang dalawang pangungusap na ito ang natutunan ni Eva, ang matandang babae na ngayon ay patuloy na naghihintay sa pagbabalik ng wishing star na nakita niya noon, na kung alam lang niya ay ang sasakyan ng matabang lalaking noon ay hindi niya pinapaniwalaan pero ngayon nga ay hinihintay niya. 


At upang hindi siya mainip ay eto, patuloy siyang nagbibigay ng pag-ibig sa lahat, pag-ibig na gaya ng kwintas na suot niya ngayong gabi ay isang aral at pamanang iniwan sa kanya ng isang kaibigang hindi man niya nalaman ang pangalan ay hindi niya malilimutan kahit kailan dahil sa ito ang nagturo sa kanya ng diwa ng Paskong hindi dumarating pero ginagawa at ipinaparamdam araw-araw.

2 comments:

  1. tamah tlaga yung sinabi ni kua tofer about this piece pwede tlaga syang maging pelikula

    ReplyDelete