Sunday, December 22, 2013

Parisukat Na Mundo

Ni Marge Bariring

Minsan ay nanaginip ako.

Parisukat daw ang mundo.

(black-out)

* * * * * * * * * *

Lumabas ang doktor at nagsalita.

"Malungkot mang sabihin pero wala na siyang pag-asa."

At nagwala ang babae sabay pakawala ng tila ba matagal nang pinipigil na iyak. Yumakap si lalaki.

Narinig ko. Nakita ko. 

* * * * * * * * * *

"May nag-iwan na naman ng rosas dito," wika ng babaeng nag-aalaga kay Lola Puring at ito ay umalis na para walisin ang mga tuyong dahon ng mangga sa tapat ng bintana ni Lola Puring.

Si Lola Puring naman ay nakasilip pa rin sa labas matapos nitong buksan ang bintana kanina para kunin ang pulang rosas na palihim kong binigay.

Maririnig na naman mula sa bibig nito ang salitang, "Patawad." Paulit-ulit. Matapos ay iiyak.

Mapapangiti ako. Sa dami ba naman ng tao ay ako pa. Ako na lang ang nakikilala at natatandaan niya- kahit na isang araw lang kami nagkita.

Sa aking pagngiti, siya ay mapapangiti rin.

Darating ang babaeng nag-aalaga sa kanya at ako ay aalis na. Kukunin nito ang rosas kay Lola Puring, isasara ang bintana at dahil dito ay malulungkot ang matanda.

Ganito araw-araw.

Bilang mambasasa, ganito siguro ang magiging reaksyon mo.

Ang bait mo namang apo. Bakit pulang rosas? Bakit siya humihingi ng tawad sa iyo? Paano nangyaring isang araw lang kayo nagkita?

Marami ka mang tanong, isa lang ang sagot ko.

Hindi ko lola si Lola Puring.

* * * * * * * * * *

Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Doon ba sa ilang buwan na ang nakakalipas o doon sa ilang dekada na ang nakakalipas?

Siguro ay mas magandang simulan natin doon sa ilang dekada na ang nakakalipas.

Ilang dekada na ang nakakalipas, may isang binata na ang pangalan ay Anastacio. Araw-araw ay may dala siyang pulang rosas at palihim niya itong iiwan sa tapat ng pinto ng isang dalaga na kung tawagin ay Purisima. Kakatok si Anastacio, magtatago at sa pagbukas ng pinto ni Purisima, ang pulang rosas lang ang makikita niya na tila ba ito ang kumatok.

Ganito araw-araw. Hanggang sa..

Kumatok si Anastacio dala ang pulang rosas at siya ay nahuli ni Purisima- sa wakas! At sila ay natuhog sa pana ng pag-ibig.

Magkasama silang nagsisimba noon, nangangarap na sila ay ikakasal sa simbahang iyon.

Ganito linggo-linggo. Hanggang sa...

Bigla na lamang lumipat ng bahay sina Anastacio. Sa bawat araw, siya ay sumusulat kay Purisima pero kahit kailan ay hindi ito sumagot sa kanyang mga liham.

Hanggang sa nakilala niya ang isa pang dalaga- si Aurora. 

Nais ng bawat pamilya na ikasal ang kanilang mga anak. Mahal pa rin ni Anastacio si Purisima. Wala nga lang siyang magawa. 

Isang araw bago ang kasal, sa huling pagkakataon, siya ay nagsulat ng liham para kay Purisima pero huli na rin nang malaman ni Anastacio na walang nakarating na sulat kay Purisima kahit kailan dahil lahat pala ng liham niya ay hinarang ng nanay niya.

At si Anastacio ay nagpakasal sa taong hindi niya mahal- sa una. Natutunan niya itong mahalin. At nagbunga ang kanilang pagmamahalan. Isa sa mga bunga ay si Merlinda, si Merlinda na nakasal kay Norberto at nagkaroon ng dalawang magagandang anak- kambal pa. Oo, magaganda- si Margarita at si Patricia.

* * * * * * * * * *

Ilang buwan na ang nakakalipas, isang araw, naglalaro at tumatakbo kami ni Pat sa may hagdanan nang bumukas ang pinto at dumating ang isang matandang baliw na naghahanap ng pulang rosas.

Inakyat niya sina Mama at Papa, si Lolo at Lola para maghanap ng pulang rosas. Wala siya noong bukang-bibig kung hindi pulang rosas. Walang anu-ano ay napangiti ito, napatitig sa amin ni Pat at tumawa sabay sigaw ng "pulang rosas!"

At mabilis ang mga pangyayari na natapos na lamang nang ganito- si Pat na nahulog sa hagdan, nawalan ng malay, nagbaha ng dugo sa sahig at hindi na kahit kailan bumangon.

* * * * * * * * * *

Dinala sa home for the aged si Lola Puring na lagi nang humihingi ng pulang rosas at kung hindi ay magwawala ito. 

Ganito siya nang maabutan ko minsan- isang linggo na ang nakakalipas.

Sa halip na matakot at magalit kay Lola Puring ay naawa ako sa kanya. 

At ang awa ay tila napapalitan na ng pagmamahal dahil na rin sa aking pangungulila kay Lola Auring na sumunod na kay Pat ilang araw lang ang nakalipas.

Si Lola Puring ang lola ko sa mga nakaraang araw na siya ay aking dinadalaw para palihim na dalhan ng pulang rosas. Si Lola Puring ang dahilan kung bakit ako wala lagi sa bahay. Si Lola Puring ang lihim ko kay Mama at Papa, si Mama at Papa na lagi namang wala sa bahay kahit malapit na ang Pasko at wala namang iniwan kung hindi ang katulong na wala namang pake sa akin at lagi itong abala maglinis ng bahay. Nakalimutan siguro nitong may anak pa si Mama at Papa. Si Lola Puring ang pumalit hindi lamang kay Lola Auring kung hindi kay Pat na sana ay kalaro ko ngayon para hindi ako ma-bored sa araw-araw.

Si Lola Puring ang lola ko ngayon. Dalawang araw na lang at Pasko na. Walang dadalaw kay Lola Puring- kung hindi ako.

* * * * * * * * * *

Kinabukasan, isang araw bago ang Pasko, nagawa ko na namang tumakas sa katulong namin.

Tanghali na. Hindi man lang ito nagluto ng pagkain para sa akin. Naghanap ako sa ref pero agad naman nitong isinara ang pinto ng ref. Bakas sa eye bags nito ay lagi itong puyat kaya tanghali na kung bumangon. Lagot talaga ito sa akin kapag nakauwi sina Mama at Papa. Ngayon, hindi pa ba sapat ang katulong na ito para umalis ako lagi ng bahay?

* * * * * * * * * *

May nagtatanong. Saan daw ako nakakakuha ng pulang rosas?

Salamat sa tanong na kasing ganda ko. May isang puno sa may parke na may mga pulang rosas. Nagtataka nga ako kung bakit pa bumibili ang mga tao ng rosas sa aleng nagtitinda doon ng mga pulang rosas samantalang pwede naman silang mamitas sa punong nasa parke.


Gabi na. At ilang oras na lang ay malapit na ang Pasko.

Hindi ako nagbigay ng rosas kay Lola Puring kaninang umaga dahil ang balak ko sana ay ibigay ang pulang rosas mamayang pagsapit ng Pasko.

Gabi na at naisip kong mangaroling- muli. Mahirap pala talaga kapag ikaw lang ang nangangaroling mag-isa. Hindi ka rinig ng mga taong hindi ko alam kung sinadya bang lakasan ang tv para hindi marinig ang nangangaroling at gamitin itong dahilan para magtago sa mga nangangaroling. Na-miss ko tuloy bigla si Pat. Kung dalawa sana kami...

May bahay pa nga akong napuntahan na hindi naman bukas ang tv nila ay parang hindi pa rin ako narinig na umawit. Nilakasan ko na nga eh. Pangit ba ang boses ko? Eh bakit naman iyong nakita kong bata, Sa May Bahay na nga ang kinanta at wala naman sa tono tapos binigyan ng sampung piso. At may isa pang bata na hindi naman kumanta ay nabigyan pa ng limang piso. Ako na nag-effort, wala. Hindi man lang lumabas at nagsabi ng tawad at sinayang pa ang boses at lakas ko.

* * * * * * * * * *

11:55 pm. Limang minuto bago sumapit ang Pasko.

Nagpunta na ako sa bintana ni Lola Puring dala ang pulang rosas niya. Natakot ako na baka tulog na si Lola Puring. Subalit nang silipin ko siya ay nawala ang takot ko dahil ito pala ay gising pa at tila naghihintay.

Kinatok ko ang bintana niya at agad naman itong lumapit upang buksan ang bintana. Inabot ko ang rosas at ito naman ay kanyang tinanggap.

"Patawad. Patawad," wika nito.

Napangiti ako, bumati ng "Maligayang Pasko po" nang biglang...

Bumukas ang pinto ng kwarto ni Lola Puring at dumating ang babaeng nag-aalaga sa matanda. At sa binitawang mga salita ng babae ay nagulat ako at napangiti muli sabay tulo ng mga luha ko.

"Sino po ang kausap niyo Lola Puring?"

* * * * * * * * * *

Sa mga salitang ito ay nagbalik ang lahat.

Hindi man lang ako nagtaka kung paanong nagwawalis ng mga tuyong dahon ng mangga ang babaeng nag-aalaga kay Lola Puring samantalang wala namang malapit na puno ng mangga roon.

Ang sagot?

Dahil sa simula pa lamang, hindi mga pulang rosas ang dala ko kung hindi mga tuyong dahon ng mangga na aking pinulot sa parke kung saan naroon ang puno ng mangga. Walang puno ng pulang rosas sa parke kaya naman naroon ang ale na nagbebenta ng mga pulang rosas. 

Eh sino ang palihim na nagbibigay ng mga pulang rosas?

Ito ay walang iba kung hindi si Lolo Tasyo. Sa madaling sabi, si Lolo Tasyo rin ang kausap ni Lola Puring, ang hinihingan nito ng tawad. Sa simula pa lamang ay hindi ako ang kausap ni Lola Puring. Hindi ako ang hinihingan niya ng tawad. Hindi niya ako kilala. Hindi niya ako natatandaan. Hindi niya ako nakikita.

Habang iniisip ko ang lahat ng ito ay biglang nagdilim ang lahat.

Nang idilat ko ang aking mga mata...

Lumabas ang doktor at nagsalita.

"Malungkot mang sabihin pero wala na siyang pag-asa."

At nagwala ang babae sabay pakawala ng tila ba matagal nang pinipigil na iyak. Yumakap si lalaki.

Narinig ko. Nakita ko. 

"MARGE!!! MARGE!!! MARGE!!!"


Ako si Marge. Ako si Marge. Ako si Marge.

Pumasok ang mag-asawa sa kwarto at doon ay nakita ko ang isang dalagang natutulog at may mga tubong nakakabit sa katawan.

Mula sa kawalan ay naroon ang isang salamin tila ako lang ang nakakakita. At nang matapat ako sa salaming ito ay naroon ang dalagang natutulog at may mga tubong nakakabit sa katawan. Siya ay nasa salamin. Ako ang dalagang natutulog. Ako ang dalagang may mga tubong nakakabit sa katawan.

"MARGE!!!"

Hinawakan ko ang kamay ng babae at nagbalik ang lahat, lahat-lahat!

Naging malinaw kung bakit laging wala si Mama at Papa sa bahay. Ito ay dahil sa nasa ospital sila, binabantayan ako, ang ako na sampung taon nang tulog!

Naging malinaw kung bakit walang pake sa akin ang katulong namin. Ito ay dahil sa hindi niya talaga ako nakikita. Hindi ko na pala kailangang magpaalam o tumakas sa kanya. Hindi siya nagluluto ng pagkain dahil siya lang naman talaga ang tao sa bahay. Nang buksan ko ang ref at isara niya agad ang pinto, ito ay dahil sa akala niya ay naiwan niyang bukas ang ref. Hindi ito makatulog sa gabi dahil sa mga yabag na naririnig niya gabi-gabi, yabag na sa akin pala nanggagaling.

Sa aking pangangaroling, wala ring lumalabas para magbigay ng barya sa akin o magsabi ng tawad hindi dahil sa mahina ang boses, hindi dahil pangit ang boses ko, hindi dahil malakas ang tv nila, hindi dahil barat at madamot sila kung hindi dahil imposible talaga nila akong marinig.

At nagbalik ang mga ito sa tunay na ugat ng lahat.

Ang batang nahulog sa hagdan, nawalan ng malay, nagbaha ng dugo sa sahig at hindi na kahit kailan bumangon ay hindi si Pat. Ito ay walang iba kung hindi si Marge. Ako. Ako. Ako. Ako na sampung taon nang tulog, ako na sampung taon nang buhay dahil sa isang parisukat na makina na ngayon ay napagpasyahan nang patayin ni Mama at Papa dahil hindi na talaga ako magigising pa.

Nais kong sigawan sina Mama at Papa at maging ang dalagang ako.

"Ma, Pa, ito ako at gising! Hoy, ikaw, gumising ka diyan."

Subalit walang nakarinig sa akin. At tuluyan na ngang nagpaalam si Mama at Papa gamit ang mga salitang, "Maligayang Pasko." At ako naman ay tuluyan nang nagpaalam sa aking parisukat na mundo.

* * * * * * * * * *

Nasaan si Pat?

Si Pat ang babaeng nag-aalaga kay Lola Puring. Hindi niya kahit kailan nalaman na ito ang nakapatay sa kapatid niya. Wala siyang maalala dahil noon bata pa siya, bata pa kami. Hindi rin kahit kailan sinabi ni Lolo Tasyo kay Pat na ito ang nakapatay sa kapatid niya. Hindi rin naman alam ng nanay at tatay ni Pat na si Pat ay nagtatrabaho sa home for the aged kung saan naroon si Lola Puring.

At ngayong gabi, ngayong Pasko, may dalawang taong hindi naniniwala sa Pasko, hindi naniniwala sa Diyos.

Na-receive na ni Pat ang text ng nanay niya ukol sa kapatid niya.

"Lola Puring, naniniwala po ba kayong may Diyos?" tanong ni Pat.

Katahimikan.

"Maniniwala akong may Diyos kung mapapatunayan Niyang parisukat ang mundo."

Napangiti si Pat. At ang ngiti ay naging tawa. Natawa rin si Lola Puring.

Naputol ang tawanan nang biglang may kumatok.

Walang tao. Meron lang kahon at sa loob ng kahon ay mga papel, mga liham.


Binasa ni Pat at doon ay kilala na niya kung sino ang kumatok at nagbigay ng kahon. Binasa ni Pat at doon ay kilala na niya ang matandang kanyang inaalagaan.

Naiyak si Pat sabay napangiti. Kinuha niya ang mga pulang rosas at nilagay sa kahon. Nagpunta siya sa kwarto ni Lola Puring at mas baliw pa sa matandang isinaboy sa buong kwarto ang mga pulang rosas at mga liham. Ang parisukat na sahig ng kwarto ay napuno ng mga pulang rosas at mga liham. Ang mga pulang rosas at mga liham ay tila mga regalong nagkalat para kay Lola Puring at Pat.

Natulala si Lola Puring kay Pat. Si Pat naman ay nakangiting umiiyak habang tulala rin kay Lola Puring.

At sila ay sabay na tumawa.

Pasko na at ngayon ay may dalawang taong naniniwala sa dalawang bagay.

Una, may Diyos.

Ikalawa, parisukat ang mundo.

No comments:

Post a Comment