Sunday, December 1, 2013

Luha sa Buwan

Roselle Gestiada

"For the moon never beams without bringing me dreams...
And the stars never rise but I feel the bright eyes."

- Edgar Allan Poe, Annabel Lee

* * * * * * * * * *

At natakpan na naman ng ulap ang buwan.

Mahaba ang gabi. Nakatingin siya sa langit.

Mula sa kawalan, nakita niya ang mga alitaptap at dalawang bagay ang naglayag sa isipan niya. Naalala niya ang mga panahong nanghuhuli sila ng mga alitaptap na ilalagay nila sa isang garapon at isasabit sa puno para maging isang parol. Ngayon ay naitanong niya sa sarili, "Kaya ba akong dalhin ng mga alitaptap sa lugar kung saan siya ay naroon ngayon?"

Hawak niya ngayon ang isang lobo at dalawang bagay ang naglayag sa isipan niya. Naalala niya ang panahong binilhan siya ng lobo para lang mapangiti. Ngayon ay naitanong niya sa sarili, "Kaya ba akong dalhin ng lobong ito sa lugar kung saan siya naroon ngayon?"

Naisip niya ito at sa hindi maipaliwanag na dahilan, binitawan at pinalaya niya ang lobo. Mula sa kawalan, nakakita siya ng isang pangkat ng mga ibong malaya sa paglipad. At dalawang bagay ang naglayag sa isipan niya. Naalala niya ang pagpapakain nila ng mga ibon sa isang tulay at maging ang panonood nila sa mga ito tuwing umaga at hapon. Ngayon ay naitanong niya sa sarili, "Kaya ba akong dalhin ng mga ibong ito sa lugar kung saan siya naroon ngayon?"

Matapos nito, isang eroplano, sa pulang ilaw nito sa gabi, ang namasdan niya. At dalawang bagay ang naglayag sa isipan niya. Naalala niya ang panahong eroplanong papel pa lang ang lahat. Naalala niya ang panahong magkatabi silang sumakay hindi sa isang eroplanong papel kung hindi sa isang tunay na eroplano sa wakas. Ngayon ay naitanong niya sa sarili, "Kaya ba akong dalhin ng eroplanong ito sa lugar kung saan siya naroon ngayon?

At mula sa kawalan, isang bulalakaw ang gumuhit sa kalangitan. At sa sandaling ito, tatlong bagay na ang naglayag sa isipan niya. Naalala niya ang panahong nakakita sila noon ng isa ring bulalakaw. Ngayon ay naitanong niya sa sarili, "Kaya ba akong dalhin ng bulalakaw na ito sa lugar kung saan siya naroon ngayon?" At siya ay pumikit. Ngumiti. Dinamdam ang malamig na hangin sa mukha. Humiling. Nanalangin.

Alam niyang imposible siyang makatanggap ng liham mula sa taong ang tangi niyang hiling ay maalala siya.

At mula sa kawalan, sandaling lumayas ang ulap sa buwan at nakita niya ang buwan. At mula rin sa kawalan, isang maliwanag na bituin ang nagningning at doon ay tumubo sa kanyang mukha ang isang may pag-asang ngiti na ang kanyang hiling at dalangin ay natupad. Maliwanag ang bituin, kasing liwanag ng mga matang alam niyang sa kanya ay nagmamasid mula sa malayo.

Subalit ito ay isa lamang patalastas sapagkat nagbalik ang ulap upang takpan ang buwan, ang buwan na galit na sa haba ng gabi. Oo, mahaba ang gabi. At dito ay naalala niya ang minsan ay nasabi sa kanya.

"Walang gravity sa buwan kaya naisin man ng mga astronaut ay hindi nila kayang umiyak."

Subalit isang himala ang naganap. Maliwanag ang buwan kahit na ito ay natatakpan ng ulap. Patak. Patak. Patak. Umuulan. At doon ay nalaman niyang hindi totoo ang sinabi sa kanya. Umiiyak ang taong mahal niya. Umiiyak ang taong nasa buwan.

Mahaba ang gabi.

1 comment: